SANTIAGO 4

1Saan nagbubuhat ang mga pagbabaka at saan nagbubuhat ang mga pagaaway sa inyo? hindi baga nagbubuhat dito, sa inyong mga kalayawan na bumabaka sa inyong mga sangkap?[#Luc. 8:14.; #1 Ped. 2:11.]

2Kayo'y nangagiimbot, at kayo'y wala: kayo'y nagsisipatay, at kayo'y nangaiinggit, at hindi maaaring kamtan: kayo'y nangakikipagaway at nangakikipagbaka; kayo'y wala, sapagka't hindi kayo nagsisihingi.[#Sant. 5:6.]

3Kayo'y nagsisihingi, at hindi kayo nagsisitanggap, sapagka't nagsisihingi kayo ng masama, upang gugulin sa inyong mga kalayawan.[#Rom. 8:26.]

4Kayong mga mangangalunya, hindi baga ninyo nalalaman na ang pakikipagkaibigan sa sanglibutan ay pakikipagaway sa Dios? Sinoman ngang magibig na maging kaibigan ng sanglibutan ay nagiging kaaway ng Dios.[#Mat. 12:39.; #Mat. 6:24; 1 Juan 2:15.; #Juan 15:19.]

5O iniisip baga ninyo na ang kasulatan ay nagsasalita ng walang kabuluhan? Ang Espiritu baga na pinatira sa atin ay nagnanais hanggang sa kapanaghilian?[#Gen. 6:5.]

6Nguni't siya'y nagbibigay ng lalong biyaya. Kaya't sinasabi ng kasulatan , Ang Dios ay sumasalansang sa mga palalo, datapuwa't nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba.[#Kaw. 3:34; 1 Ped. 5:5.]

7Pasakop nga kayo sa Dios; datapuwa't magsisalangsang kayo sa diablo, at tatakas siya sa inyo.

8Magsilapit kayo sa Dios, at siya'y lalapit sa inyo. Mangaglinis kayo ng inyong mga kamay, kayong mga makasalanan; at dalisayin ninyo ang inyong mga puso, kayong mga may dalawang akala.[#1 Ped. 1:22.; #Sant. 1:8.]

9Kayo'y mangagpighati, at magsihibik, at magsitangis: inyong palitan ang inyong pagtawa ng paghibik, at ang inyong kagalakan ng kalumbayan.

10Mangagpakababa kayo sa paningin ng Panginoon, at kaniyang itataas kayo.[#1 Ped. 5:6.]

11Huwag kayong mangagsalita ng laban sa isa't isa, mga kapatid. Ang nagsasalita laban sa kapatid, o humahatol sa kaniyang kapatid, ay nagsasalita laban sa kautusan, at humahatol sa kautusan: datapuwa't kung ikaw ay humahatol sa kautusan, hindi ka na tagatupad ng kautusan, kundi hukom.[#1 Ped. 2:1.; #Mat. 7:1.; #Sant. 2:8.]

12Iisa ang tagapagbigay ng kautusan at hukom, sa makatuwid baga'y ang makapagliligtas at makapagwawasak: datapuwa't sino ka na humahatol sa iyong kapuwa?[#Mat. 10:28.; #Rom. 14:4.]

13Magsiparito ngayon, kayong nagsisipagsabi, Ngayon o bukas ay magsisiparoon kami sa gayong bayan, at titira kami doong isang taon, at mangangalakal, at magtutubo:[#Sant. 5:1.; #Luc. 12:18-20.]

14Kayo ngang hindi nakaaalam ng mangyayari bukas. Ano ang inyong buhay? Kayo nga'y isang singaw na sa sangdaling panahon ay lumilitaw, at pagdaka'y napapawi.[#Job 7:7.]

15Sapagka't ang dapat ninyong sabihin ay, Kung loloobin ng Panginoon ay mangabubuhay kami, at gagawin namin ito o yaon.

16Datapuwa't ngayon ay nagmamapuri kayo sa inyong mga pagpapalalo: ang lahat ng ganitong pagmamapuri ay masama.[#1 Cor. 5:6.]

17Sa nakakaalam nga ng paggawa ng mabuti, at hindi ginagawa, ito'y kasalanan sa kaniya.[#Juan 9:41; 15:22.]

Ang Biblia © Philippine Bible Society, 1982
Published by: Philippine Bible Society