The chat will start when you send the first message.
1Nanatili ang Kahon ng Panginoon sa mga Filisteo sa loob ng pitong buwan. Noong naroon pa ang Kahon,
2ipinatawag ng mga Filisteo ang kanilang mga pari at manghuhula at nagtanong, “Ano ang gagawin namin sa Kahon ng Panginoon . Sabihin ninyo sa amin kung paano namin ito ibabalik sa kanyang lugar?”
3Sumagot sila, “Kung ibabalik ninyo ang Kahon ng Diyos ng Israel, dapat samahan ninyo ito ng handog bilang kabayaran ng pagkakasala, sa pamamagitan nito, gagaling kayo at ihihinto na ng Diyos ang pagpaparusa sa inyo.”
4-5Nagtanong ang mga Filisteo, “Ano ang ipapadala naming handog bilang kabayaran ng pagkakasala?”
Sumagot ang mga pari at manghuhula, “Gumawa kayo ng limang gintong estatwa na hugis bukol at limang gintong estatwa na hugis daga, ayon sa dami ng mga pinuno natin, dahil dumating sa atin at sa mga pinuno natin ang salot ng mga bukol at daga na naminsala sa ating lupain. Ihandog ninyo ito bilang pagpaparangal sa Diyos ng Israel, baka sakaling itigil na niya ang pagpaparusa sa atin sa mga diyos natin, at sa ating lupain.
6Huwag na ninyong patigasin ang mga puso ninyo gaya ng ginawa ng mga Ehipsiyo at ng kanilang Faraon. Pinayagan lang nilang makaalis ang mga Israelita nang matindi na ang pagpapahirap sa kanila ng Diyos.
7“Kaya ngayon, gumawa kayo ng bagong kariton at kumuha ng dalawang inahing baka na hindi pa napapahila ng kariton. Ikabit ninyo ang kariton sa mga baka pero ihiwalay ninyo ang kanilang mga bisiro at ikulong sa kuwadra.
8Pagkatapos, kunin ninyo ang Kahon ng Panginoon at ilagay sa kariton. Ilagay din ninyo sa tabi nito ang isang Kahon na may lamang mga gintong handog na mga bukol at daga na ipapadala ninyo bilang handog bilang kabayaran ng pagkakasala. Palakarin ninyo ang mga baka nang walang umaakay at pabayaan silang pumunta kahit saan.
9Ngunit tingnan ninyo kung saan sila pupunta. Kung lalakad sila paakyat sa Bet-semes, na isa sa mga bayan ng mga Israelita, malalaman natin na ang Panginoon ang nagpadala ng matinding pinsalang ito sa atin. Ngunit kung hindi ito tutuloy sa Bet-semes, malalaman natin na hindi ang Panginoon ang nagpaparusa sa atin. Kundi nagkataon lang ito.”
10Kaya sinunod nila ito. Kumuha sila ng dalawang inahing baka at ikinabit sa kariton. Ikinulong naman sa kuwadra ang mga bisiro nito.
11Isinakay nila ang Kahon ng Panginoon sa kariton at ang kahon na may lamang mga ginto na hugis bukol at daga.
12Pagkatapos, lumakad ang mga baka patungo sa Bet-semes na hindi man lang lumilihis ng daan habang patuloy na umuunga. Sumusunod sa kanila ang mga pinuno ng mga Filisteo hanggang sa hangganan ng Bet-semes.
13Nag-aani noon ang mga taga-Bet-semes ng trigo sa lambak. Nang makita nila ang Kahon ng Kasunduan, tuwang-tuwa sila.
14-15Dumating ang kariton sa bukid ni Josue na taga-Bet-semes, at tumigil sa tabi ng isang malaking bato. Kinuha ng mga Levita ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon at ang kahon na may lamang mga gintong estatwa, at ipinatong sa malaking bato. Pagkatapos, sinibak nila ang kariton at inialay ang mga baka sa Panginoon bilang handog na sinusunog, at nag-alay sila ng iba pang mga handog.
16Nakita ng limang pinuno ng mga Filisteo ang lahat ng ito at pagkatapos ay umuwi sila sa Ekron nang araw ding iyon.
17Ang limang gintong hugis bukol na ipinadala ng mga Filisteo na handog sa Panginoon bilang kabayaran ng pagkakasala ay galing sa mga pinuno ng Asdod, Gaza, Ashkelon, Gat at Ekron.
18Kasama ng limang gintong hugis daga, ayon na rin sa bilang ng limang bayan ng mga Filisteo. Itong mga napapaderang bayan at ang mga baryo na walang pader ay sakop ng limang pinunong iyon. Ang malaking bato sa bukid ni Josue ng Bet-semes na pinagpatungan nila ng Kahon ng Panginoon ay naroon pa hanggang ngayon bilang alaala sa nangyari roon.
19Ngunit may pinatay ang Diyos na pitumpung taga-Bet-semes dahil tiningnan nila ang laman ng Kahon ng Panginoon . Nagluksa ang mga tao dahil sa matinding dagok na ito ng Panginoon sa kanila.
20Nagtanong sila, “Sino ba ang makakaharap sa presensya ng Panginoon , ang banal na Diyos? Saan ba natin ipapadala ang Kahon ng Panginoon para mailayo ito sa atin?”
21Pagkatapos, nagsugo sila ng mga mensahero sa mga taga-Kiriat-jearim at sinabi roon, “Ibinalik ng mga Filisteo ang Kahon ng Panginoon . Pumunta kayo rito at dalhin ninyo ito sa lugar ninyo.”