1Noong ikadalawampuʼt pitong taon ng paghahari ni Jeroboam sa Israel, naging hari ng Juda ang anak ni Amazias na si Azarias.[#15:1 : O Uzia.]
2Siya ay labing-anim na taóng gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng limampuʼt dalawang taon. Ang ina niya ay si Jecolias na taga-Jerusalem.
3Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng ama niyang si Amazias.
4Ngunit hindi niya ipinagiba ang mga sambahan sa matataas na lugar, kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng mga insenso roon.
5Binigyan siya ng Panginoon ng malubhang sakit sa balat, na hindi gumaling hanggang sa araw nang kamatayan niya. Nakatira siya sa isang bukod na bahay. Si Jotam na anak niya ang siyang namahala sa palasyo ng Juda at sa mga mamamayan.[#15:5 : Sa ibang salin ng Biblia, ketong. Ang salitang Hebreo nito ay ginamit sa ibaʼt ibang klase ng sakit sa balat na itinuturing na marumi ayon sa Lev. 13.]
6Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Azarias, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
7Nang mamatay si Azarias, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Jotam ang pumalit sa kanya bilang hari.
8Noong ika-38 taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, naging hari ng Israel ang anak ni Jeroboam na si Zacarias. Tumira siya sa Samaria at naghari siya sa loob ng anim na buwan.
9Masama ang mga ginawa niya sa paningin ng Panginoon , katulad ng ginawa ng mga ninuno niya. Sumunod siya sa mga ginawang kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel.
10Nagplano ng masama ang anak ni Jabes na si Salum laban kay Zacarias. Pinatay niya si Zacarias sa harap ng mga tao at siya ang pumalit bilang hari.
11Ang iba pang pangyayari tungkol sa paghahari ni Zacarias ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
12Kaya natupad ang sinabi ng Panginoon kay Jehu, “Ang mga angkan mo ay maghahari sa Israel hanggang sa ikaapat na henerasyon.”
13Naging hari ng Israel si Salum na anak ni Jabes noong ikatatlumpuʼt siyam na taon ng paghahari ni Uzias sa Juda. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya sa loob ng isang buwan.[#15:13 : O Azarias.]
14Pinatay siya ni Menahem na anak ni Gadi nang dumating ito sa Samaria galing Tirza. Si Menahem ang pumalit kay Salum bilang hari.
15Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Salum, pati ang balak niyang pagpatay kay Zacarias ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
16Nang mga panahong iyon, nilusob ni Menahem ang Tifsa at ang mga lugar sa paligid nito hanggang sa Tirza, dahil ang mga naninirahan dito ay ayaw sumuko sa kanya. Pinatay niya ang lahat ng naninirahan dito at hinati ang tiyan ng mga buntis.
17Noong ikatatlumpuʼt siyam na taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, naging hari ng Israel ang anak ni Gadi na si Menahem. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya sa loob ng sampung taon.
18Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon . Sumunod siya sa mga ginawang kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito sa buong paghahari niya.
19Dumating si Haring Tiglat-pileser ng Asiria sa Israel para lusubin ito, kaya binigyan siya ni Menahem ng 35 toneladang pilak para tulungan siya nito na mapatibay pa ng husto ang kanyang paghahari.[#15:19 : Siya rin si Pul.]
20Kinuha ni Menahem ang mga pilak sa mga mayayaman ng Israel sa pamamagitan ng pagpilit sa bawat isa sa kanila na magbigay ng limampung piraso ng pilak. Kaya huminto sa paglusob ang hari ng Asiria at umuwi sa bansa niya.
21Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Menahem at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
22Nang mamatay si Menahem, ang anak niyang si Pekaya ang pumalit sa kanya bilang hari.
23Noong ikalimampung taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, naging hari ng Israel ang anak ni Menahem na si Pekaya. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng dalawang taon.
24Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon . Sumunod siya sa mga ginawang kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito.
25Nagplano ng masama ang anak ni Remalias na si Peka laban kay Pekaya. Si Peka ang kumander ng mga sundalo ni Pekaya. Kasama ng limampung kalalakihan mula sa Gilead, pinatay ni Peka si Pekaya pati sina Argob at Arie sa matatatag na gusali ng palasyo sa Samaria. Pinalitan ni Peka si Pekaya bilang hari.
26Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Pekaya at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
27Noong ikalimampuʼt dalawang taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, naging hari ng Israel ang anak ni Remalias na si Peka. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng dalawampung taon.
28Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon . Sumunod siya sa mga ginawang kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito.
29Noong panahon ng paghahari ni Peka, nilusob ni Haring Tiglat-pileser ng Asiria ang Israel at nasakop niya ang mga lungsod ng Ijon, Abel-bet-maaca, Janoa, Kedes at Hazor. Nasakop din niya ang Gilead, Galilea at ang buong lupain ng Neftali. At dinala niya sa Asiria ang mga naninirahan dito bilang mga bihag.
30Pagkatapos, nagplano ng masama ang anak ni Elah na si Hosea laban sa anak ni Remalias na si Peka. Pinatay niya si Peka at pinalitan bilang hari. Nangyari ito nang ikadalawampung taon ng paghahari ng anak ni Uzias na si Jotam sa Juda.
31Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Peka, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
32Noong ikalawang taon ng paghahari ng anak ni Remalias na si Peka sa Israel, naging hari ng Juda ang anak ni Uzias na si Jotam.
33Siya ay dalawampuʼt limang taóng gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng labing-anim na taon. Ang ina niya ay si Jerusa na anak ni Sadoc.
34Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng ama niyang si Uzias.
35Ngunit hindi niya ipinagiba ang mga sambahan sa matataas na lugar, kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng insenso roon. Si Jotam ang nagpatayo ng Hilagang Pintuan ng Templo ng Panginoon .
36Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jotam, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
37Nang panahon ng paghahari niya, sinimulang ipadala ng Panginoon sina Haring Rezin ng Aram at Haring Peka ng Israel para lusubin ang Juda.
38Nang mamatay si Jotam, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Ahaz ang pumalit sa kanya bilang hari.