1Ganito din ang nangyari sa Iconio. Pumunta sina Pablo at Bernabe sa sinagoga at nangaral nang may kapangyarihan kung kayaʼt maraming Hudyo at Griyego ang sumampalataya kay Hesus.
2Ngunit mayroon ding mga Hudyo na hindi sumampalataya. Siniraan at nilason nila ang isip ng mga mananampalataya sa mga Hentil, at sinulsulan pa nilang kalabanin ang mga ito.
3Kaya, matagal-tagal na panahon din ang ginugol nina Pablo at Bernabe doon sa Iconio at matapang silang nangaral ng salita ng Panginoon. Pinatunayan ng Panginoon na totoo ang kanilang mensahe patungkol sa kanyang kagandahang-loob. Makikita ito sa ibinigay niyang kapangyarihan sa kanila na gumawa ng mga tanda at kababalaghan.
4Kaya nahati ang mga tao sa lungsod na iyon; ang ibaʼy kumampi sa mga Hudyong hindi mananampalataya, at ang iba namaʼy sa mga apostol.
5Binalak ng ilang mga Hudyo at mga Hentil, kasama ang kanilang mga pinuno, na saktan at batuhin ang mga apostol.
6Nang malaman ng mga apostol ang planong iyon, agad silang umalis at nagtungo sa rehiyon ng Licaonia, sa mga bayan ng Listra at Derbe at sa mga lugar sa paligid ng mga ito.
7Ipinangaral nila roon ang Magandang Balita.
8May isang lalaki sa Listra na lumpo mula nang ipinanganak.
9Nakinig siya sa mga mensahe ni Pablo. Tinitigan ni Pablo ang lumpo at nakita niyang may pananampalataya ito na gagaling siya.
10Kaya malakas niyang sinabi, “Tumayo ka!” Biglang tumayo ang lalaki at naglakad-lakad.
11Nang makita ng mga tao ang ginawa ni Pablo, sumigaw sila sa wikang Licaonia, “Bumaba ang mga diyos dito sa atin at nagkatawang-tao!”
12Tinawag nilang Zeus si Bernabe, at Hermes naman si Pablo dahil siya ang mismong tagapagsalita.
13Ang templo ng kanilang diyos na si Zeus ay malapit lang sa labas ng lungsod. Kaya nagdala ang pari ni Zeus ng mga torong may kuwintas na bulaklak doon sa pintuan ng lungsod. Gusto niya at ng mga tao na ihandog ito sa mga apostol.
14Nang malaman iyon ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang damit at tumakbo sila sa gitna ng mga tao at sumigaw,
15“Mga kaibigan, bakit kayo maghahandog sa amin? Tao lang din kaming katulad ninyo. Ipinangangaral namin sa inyo ang Magandang Balita upang talikuran na ninyo ang mga walang kuwentang diyos na iyan at lumapit sa Diyos na buháy. Siya ang lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng bagay na narito.
16Noon, hinayaan ng Diyos ang mga tao na sumunod sa gusto nila.
17Ngunit hindi nagkulang ang Diyos sa pagpapakilala ng kanyang sarili sa mga tao sa pamamagitan ng kanyang mabubuting gawa. Binibigyan niya kayo ng ulan at mga ani sa takdang panahon. Masaganang pagkain ang ibinibigay niya sa inyo upang masiyahan kayo.”
18Subalit kahit ganito ang sinasabi ng mga apostol, nahirapan pa rin silang pigilan ang mga tao na maghandog sa kanila.
19May mga Hudyong dumating na nagmula sa Antioquia at Iconio na nakakumbinsi sa mga tao na kumampi sa kanila. Pinagbabato nila si Pablo at hinila palabas ng lungsod sa pag-aakalang patay na siya.
20Ngunit nang paligiran siya ng mga alagad ni Hesus, bumangon siya at bumalik sa lungsod. Kinabukasan, pumunta silang dalawa ni Bernabe sa Derbe.
21Ipinangaral nina Pablo at Bernabe ang Magandang Balita sa Derbe at marami silang nahikayat na maging alagad ni Hesu-Kristo. Pagkatapos, bumalik na naman sila sa Listra, Iconio, at sa Antioquia na sakop ng Pisidia.
22Pinatatag nila ang loob ng mga alagad ni Hesus at pinayuhang magpatuloy sa kanilang pananampalataya. Sinabi pa nila, “Maraming kahirapan ang dapat nating maranasan upang makapasok tayo sa kaharian ng Diyos.”
23Pumili sina Pablo at Bernabe ng mga mamumuno sa bawat iglesya. Nag-ayuno sila at nanalangin para sa mga napili, at ipinagkatiwala nila ang mga ito sa Panginoon na kanilang pinananaligan.
24Pagkatapos, dumaan sila sa Pisidia at dumating sa Pamfilia.
25Nangaral sila roon sa Perga at pagkatapos ay bumaba sila sa Atalia.
26Mula roon, bumiyahe sila pabalik sa Antioquia na sakop ng Siria, kung saan silaʼy ipinagkatiwala sa biyaya ng Diyos para sa gawaing natapos na nila.
27Nang dumating sina Pablo at Bernabe sa Antioquia, tinipon nila ang mga mananampalataya at isinalaysay nila ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong binuksan ng Diyos ang pintuan upang sumampalataya ang mga Hentil.
28At nanatili sila nang matagal sa Antioquia kasama ang mga alagad doon.