1Nang makaligtas na kami sa panganib, nalaman namin na ang islang iyon ay tinatawag na Malta.
2Napakabait sa amin ng mga tagaroon at mabuti ang kanilang pagtanggap sa aming lahat. Nagpaningas sila ng apoy, dahil umuulan at maginaw.
3Kumuha si Pablo ng isang bigkis ng kahoy na panggatong. Ngunit nang mailagay na niya ang mga kahoy sa apoy, may makamandag na ahas na biglang lumabas dahil sa init ng apoy, at tinuklaw ang kanyang kamay.
4Nang makita ng mga tagaroon ang ahas na nakabitin sa kamay ni Pablo, sinabi nila, “Tiyak na kriminal ang taong ito. Nakaligtas siya sa dagat pero ayaw pumayag ng diyosa ng katarungan na mabuhay pa siya.”
5Ngunit ipinagpag lang ni Pablo ang ahas doon sa apoy at walang masamang nangyari sa kanya.
6Hinihintay ng mga tao na mamaga ang kamay ni Pablo o kayaʼy matumba siya at mamatay. Ngunit matapos nilang maghintay nang matagal, walang nangyari kay Pablo. Kaya nagbago ang isip nila at nasabi na isa siyang diyos.
7Si Publio ang pinuno ng lugar na iyon at malapit sa kanyang lupa ang lugar na napuntahan namin. Mabuti ang kanyang pagtanggap sa amin, at doon kami tumuloy sa kanila sa loob ng tatlong araw.
8Nagkataon noon na ang ama ni Publio ay may sakit na lagnat at disenteriya. Kaya pumasok si Pablo sa silid nito, nanalangin, at ipinatong niya ang kanyang kamay sa maysakit at gumaling ito.
9Dahil sa pangyayaring iyon, ang lahat ng maysakit sa isla ay pumunta sa amin at napagaling din sila.
10Marami silang ibinigay sa amin na regalo. At nang paalis na kami, binigyan pa nila kami ng mga kakailanganin namin sa paglalakbay.
11Makalipas ang tatlong buwan sa Malta, sumakay kami sa isang barkong doon nagpalipas ng taglamig. Galing sa Alejandria ang barko at may nakalagay na imahen ng kambal na diyos sa unahan nito.
12Mula sa Malta, pumunta kami sa Siracusa kung saan tumigil kami nang tatlong araw.
13Mula roon, naglayag kami hanggang sa nakarating kami sa Regio. Kinabukasan, umihip ang habagat, at sa loob ng dalawang araw ay nakarating kami sa Puteoli.
14Doon, may nadatnan kaming mga kapatiran. Hiniling nilang manatili kami roon ng isang linggo. Pagkatapos, dumiretso kami sa Roma.
15Nang marinig ng mga kapatid sa Roma na dumating kami, sinalubong nila kami sa Liwasang Apio at sa Tres Tabernas. Nang makita ni Pablo ang mga kapatid, nagpasalamat siya sa Diyos at lumakas ang kanyang loob.
16Pagdating namin sa Roma, pinahintulutan si Pablo na tumira kahit saan niya gusto, pero may isang sundalong magbabantay sa kanya.
17Pagkalipas ng tatlong araw, ipinatawag ni Pablo ang mga pinuno ng mga Hudyo sa Roma. Nang nagkatipon-tipon na sila, sinabi niya, “Mga kapatid, kahit na wala akong nagawang kasalanan laban sa ating bayan o sa mga kaugaliang mula sa ating mga ninuno ay dinakip nila ako sa Jerusalem at inakusahan sa gobyerno ng Roma.
18Nilitis ako ng mga Romanong opisyal, at nang malaman nila na wala akong nagawang masama upang hatulan ng kamatayan, ninais nilang palayain ako.
19Ngunit tumutol ang mga Hudyo kaya napilitan akong umapela sa Emperador ng Roma kahit wala akong balak na paratangan ang aking mga kababayan.
20Ito ang dahilan kung bakit hiniling kong makita at makausap kayo, sapagkat nakakadena ako ngayon dahil sa pananampalataya ko sa pag-asa ng Israel.”
21Sinagot nila si Pablo, “Wala kaming natanggap na sulat mula sa Judea tungkol sa iyo. Ang mga kapwa nating Hudyo na dumating dito galing sa Jerusalem ay wala ring ibinalita o sinabi laban sa iyo.
22Ngunit gusto rin naming marinig kung ano ang iyong sasabihin, dahil alam namin na kahit saang lugar, minamasama ng mga tao ang sekta mong iyan.”
23Kaya nagtakda sila ng araw para magtipong muli. Pagdating ng araw na iyon, lalong dumami ang pumunta sa bahay na tinutuluyan ni Pablo. Pinatunayan niya sa kanila ang tungkol sa paghahari ng Diyos, at ipinaliwanag niya ang tungkol kay Hesus gamit ang Kautusan ni Moises at ang isinulat ng mga propeta para sumampalataya sila sa kanya.
24Ang iba ay naniwala sa kanyang sinabi, ngunit ang iba naman ay hindi.
25At dahil sa hindi sila magkasundo, nagsiuwian sila. Ngunit bago sila umalis, sinabi ni Pablo sa kanila, “Totoo ang sinabi ng Banal na Espiritu sa ating mga ninuno sa pamamagitan ni Propeta Isaias.
26Sapagkat sinabi niya:
‘Puntahan mo ang mga taong ito at sabihin mo sa kanila
na kahit makinig sila, hindi sila makakaunawa,
at kahit tumingin sila, hindi sila makakakita,
27sapagkat matigas ang puso ng mga taong ito.
Tinakpan nila ang kanilang mga tainga
at ipinikit nila ang kanilang mga mata.
Dahil baka makakita sila at makarinig,
at maunawaan nila kung ano ang tama,
at magbalik-loob sila sa akin, at pagalingin ko sila.’ ”
28“Ibig ko ring malaman ninyo na ang salita ng Diyos tungkol sa kaligtasan ay naibahagi na sa mga Hentil, at sila ay talagang nakikinig.” [
29Pagkasabi nito ni Pablo, nag-uwian ang mga Hudyo na mainit na nagtatalo.][#28:29 Wala ang talatang ito sa ilang manuskrito.]
30Sa loob ng dalawang taon, nanatili si Pablo sa bahay na kanyang inuupahan. At tinanggap niya ang lahat ng dumadalaw sa kanya.
31Buong tapang niyang ipinangaral ang tungkol sa paghahari ng Diyos at ang tungkol sa Panginoong Hesu-Kristo, at wala namang pumigil sa kanya.