1May isang lalaki namang nagngangalang Ananias, kasama ang kanyang asawang si Safira, ang nagbenta ng bahagi ng kanilang ari-arian.
2Ngunit nagtago siya ng ilang bahagi ng pinagbilhan at sinang-ayunan naman ito ng kanyang asawa. Pagkatapos, dinala niya ang natirang halaga at ibinigay niya sa mga apostol.
3Nagtanong si Pedro, “Ananias, bakit ka nagpalinlang kay Satanas? Nagsinungaling ka sa Banal na Espiritu at itinago mo ang ilang bahagi ng pinagbilhan ng lupa ninyo.
4Hindi baʼt ikaw ang may-ari ng lupa bago mo ʼyon ipinagbili? At nang maipagbili na, hindi baʼt ikaw rin ang magpapasya kung ano ang gagawin mo sa pera? Paano mo nagawang magbalak ng ganito sa iyong puso? Hindi ka sa tao nagsinungaling, kundi sa Diyos!”
5-6Nang marinig iyon ni Ananias, natumba siya at namatay. Lumapit ang mga binata at binalot ang bangkay. Pagkatapos, binuhat ito palabas at inilibing. At ang lahat ng nakarinig sa pangyayaring iyon ay lubhang natakot.
7Pagkaraan ng mga tatlong oras, pumasok ang asawa ni Ananias. Wala siyang kamalay-malay sa nangyari sa asawa niya.
8Tinanong siya ni Pedro, “Sabihin mo sa akin, ito ba ang halaga ng lupang ibinenta ninyo?”
Sumagot si Safira, “Oo, iyan nga ang halaga.”
9Kaya sinabi ni Pedro sa kanya, “Paano nʼyo napagkasunduang subukin ang Espiritu ng Panginoon? Nandiyan na ngayon sa pintuan ang mga binatang naglibing sa asawa mo, at bubuhatin ka na rin nila palabas.”
10Noon din ay natumba si Safira sa harapan ni Pedro at namatay. Pumasok ang mga binata, at nang makitang patay na si Safira, binuhat nila siya palabas at inilibing sa tabi ng kanyang asawa.
11Dahil sa mga pangyayaring iyon, matinding takot ang bumalot sa buong iglesya at sa lahat ng nakabalita nito.[#5:11 : Ang ibig sabihin, “mga mananampalataya ni Kristo.”]
12Maraming tanda at kababalaghang ginawa ang mga apostol sa kalagitnaan ng mga tao. At ang lahat ng mga mananampalataya ay laging nagtitipon sa Balkonahe ni Solomon.
13Ngunit, wala nang iba pang nangahas na sumáma sa kanila kahit mataas ang pagtingin sa kanila ng mga tao.
14Gayunmaʼy lalo pang nadagdagan ang bilang ng mga lalaki at babaeng sumasampalataya sa Panginoon.
15Dahil sa mga himalang ginawa ng mga apostol, dinala ng mga tao ang mga maysakit sa lansangan. Inilagay nila ang mga ito sa mga higaan at banig, upang pagdaan ni Pedro ay matamaan man lang ng anino niya ang ilan sa kanila.
16Bukod pa rito, marami ring mga tao mula sa mga karatig-nayon ang dumating sa Jerusalem dala ang mga maysakit at mga taong pinahihirapan ng masasamáng espiritu. At gumaling silang lahat.
17Labis na nainggit ang punong pari at ang kanyang mga kasamahang miyembro ng grupong Saduceo.
18Kaya dinakip nila ang mga apostol at ibinilanggo.
19Ngunit kinagabihan, binuksan ng isang anghel ng Panginoon ang mga pintuan ng bilangguan at pinalabas sila. Sinabi niya sa kanila,
20“Pumunta kayo sa templo at sabihin ninyo sa mga tao ang mensaheng ito na nakapagbibigay-buhay.”
21Nakinig sila sa anghel, kaya pagsikat ng araw, pumasok sila sa Templo at nagsimulang magturo sa mga tao.
Samantala, dumating ang punong pari at mga kasamahan niya at ipinatawag nila ang Sanhedrin: ang buong kapulungan ng mga pinuno ng Israel. May mga inutusan silang pumunta sa bilangguan para kunin ang mga apostol at dalhin sa kanila.
22Ngunit pagdating ng mga guwardiya ng Templo doon sa bilangguan, wala na roon ang mga apostol. Kaya bumalik sila kung saan naroon ang Sanhedrin at sinabi,
23“Pagdating namin sa bilangguan, nadatnan naming nakakandado pa ang mga pintuan, at nakabantay doon ang mga guwardiya. Ngunit nang buksan namin, wala kaming nakitang tao sa loob.”
24Nang marinig ito ng kapitan ng mga guwardiya sa templo at ng mga namamahalang pari, naguluhan sila at hindi maubos-maisip kung ano ang kahahantungan nito.
25Siya namang pagdating ng isang taong nagbalita ng ganito, “Ang mga lalaking ikinulong ninyo ay naroon sa templo at nagtuturo sa mga tao.”
26Agad na pumunta sa templo ang kapitan ng mga guwardiya at ang kanyang mga tauhan. Dinakip nila ang mga apostol pero hindi sila gumamit ng dahas dahil natatakot silang batuhin ng mga tao.
27Dinala nila ang mga apostol at iniharap sa Sanhedrin. Tinanong sila ng punong pari,
28“Hindi baʼt pinagbawalan na namin kayong magturo tungkol sa pangalang ito? Ngunit tingnan ninyo ang ginawa nʼyo! Kumalat na ang inyong aral sa buong Jerusalem, at kami pa ang pinagbibintangan ninyong pumatay sa kanya!”
29Sumagot si Pedro at ang ibang apostol, “Ang Diyos ang dapat naming sundin, hindi ang tao.
30Ang Diyos ng ating mga ninuno ang muling bumuhay kay Hesus na ipinapatay ninyo sa pamamagitan ng pagpako sa krus.
31Itinaas ng Diyos si Hesus, at iniluklok sa kanyang kanan bilang Pinuno at Tagapagligtas, upang tayong mga Israelita ay mabigyan ng pagkakataong magsisi at talikuran ang ating mga kasalanan, at mapatawad.
32Saksi kami na ang lahat ng ito ay totoo, at ganoon din ang Banal na Espiritu na ibinigay ng Diyos sa lahat ng sumusunod sa kanya.”
33Nang marinig ito ng mga miyembro ng Sanhedrin, galit na galit sila at binalak nilang patayin ang mga apostol.
34Ngunit tumayo ang isa sa kanila na nagngangalang Gamaliel, isang Pariseo at tagapagturo ng Kautusan na iginagalang ng lahat. Ipinag-utos niya na ilabas muna ang mga apostol.
35Pagkatapos, sinabi ni Gamaliel sa Sanhedrin, “Mga kababayan kong Israelita, pag-isipan ninyong mabuti ang binabalak ninyong gawin sa mga taong iyan.
36Sapagkat noong araw ay may isang taong ang pangalan ay Teudas na nagpanggap na isang importanteng tao. Mga 400 katao ang naging alagad niya. Ngunit sa bandang huli, pinatay siya at ang kanyang mga alagad ay nagkawatak-watak, at walang kinahinatnan ang grupo niya.
37Pagkatapos, noong panahon ng sensus, si Judas naman na taga-Galilea ang nakahikayat ng mga alagad. Ngunit pinatay din siya at ang kanyang mga alagad ay nagkawatak-watak.
38Kaya ito ang masasabi ko sa inyo: Pabayaan na lang ninyo ang mga taong ito, at huwag na silang pakialaman. Sapagkat kung ang mga binabalak at ginagawa nila ay galing lamang sa tao, hindi rin ito magtatagumpay.
39Ngunit kung galing ito sa Diyos, hindi ninyo sila mapipigilan. Baka lumabas pa na ang Diyos na mismo ang inyong kinakalaban.”
40Kaya sinunod ng mga kasamahan ni Gamaliel ang kanyang payo. Ipinatawag nilang muli ang mga apostol at ipinahagupit. Pagkatapos, binalaan sila na huwag nang magturo pa tungkol kay Hesus, at pinalaya sila.
41Umalis doon ang mga apostol na masayang-masaya, dahil binigyan sila ng Diyos ng pagkakataon na dumanas ng kahihiyan alang-alang sa pangalan ni Hesus.
42Araw-araw, sa Templo at sa mga bahay-bahay, patuloy silang nagtuturo at nangangaral ng Magandang Balita na si Hesus ang Mesias.