1Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, itinaas ni Haring Asuero sa tungkulin si Haman na anak ni Hamedata na Agageo. Ginawa siyang pinakamataas na pinuno sa kaharian niya.[#3:1 : Angkan ni Agag. Si Agag ay hari na lumaban sa mga Hudyo noon. Tingnan ang 1 Sam. 15:1‑33.]
2Inutusan niya ang lahat ng opisyal na yumukod kay Haman bilang paggalang sa kanya. Pero ayaw yumukod ni Mordecai.
3Tinanong siya ng ibang pinuno kung bakit hindi niya sinusunod ang utos ng hari.
4At sinabi niyang isa siyang Hudyo. Araw-araw, hinihikayat siya ng mga kapwa niya pinuno na yumukod kay Haman pero ayaw pa rin niyang sumunod. Dahil dito, isinumbong nila kay Haman si Mordecai para malaman nila kung pababayaan na lang siya sa ginagawa niya, dahil sinabi niyang isa siyang Hudyo.[#3:4 Maaaring ayaw yumukod ni Mordecai kay Haman dahil itinuturing ni Haman na diyos ang sarili, at ang isang Hudyo na tapat sa pananampalataya niya ay hindi yuyukod sa dahilang ito.]
5Nang makita ni Haman na hindi yumuyukod sa kanya si Mordecai para magbigay-galang, nagalit siya nang labis.
6At nang malaman pa niyang si Mordecai ay isang Hudyo, naisip niyang hindi lang si Mordecai ang ipapapatay niya kundi pati na ang lahat ng Hudyo sa buong kaharian ni Haring Asuero.
7Nang buwan ng Nisan, ang unang buwan, noong ikalabindalawang taon ng paghahari ni Asuero, nag-utos si Haman na magpalabunutan para malaman kung ano ang tamang araw at buwan para ipatupad ang plano niya. (Ang ginagamit nila sa palabunutan ay tinatawag nilang “pur”.) At ang nabunot ay ang ikalabindalawang buwan, ang buwan ng Adar.
8Sinabi ni Haman kay Haring Asuero, “Mahal na Hari, may isa pong grupo ng mga tao na naninirahan sa ibaʼt ibang lalawigan ng inyong kaharian at may mga sarili po silang kautusan na iba kaysa sa ibang bansa. Hindi sila sumusunod sa mga kautusan ninyo at hindi ito makakabuti para sa inyo kung pababayaan na lang sila.
9Kung gusto ninyo, Mahal na Hari, mag-utos kayo na patayin silang lahat. At magbibigay po ako ng 350 toneladang pilak sa mga pinuno ng inyong kaharian, at ilalagay nila ito sa taguan ng kayamanan ng hari.”
10Pagkatapos, kinuha ng hari ang kanyang singsing na pantatak, at ibinigay kay Haman na anak ni Hamedata na Agageo, ang kalaban ng mga Hudyo.[#3:10 : Ibinigay ito ng hari kay Haman para matatakan niya ang kautusan na isusulat at ipapamigay sa mga tao. Tingnan ang talata 12|EST 3:12.]
11Sinabi ng hari sa kanya, “Sa iyo na lang ang pera mo, pero gawin mo ang gusto mong gawin sa mga Hudyo.”
12Kaya noong ikalabintatlong araw ng unang buwan, ipinatawag ni Haman ang lahat ng kalihim ng hari. Nagpagawa siya ng sulat sa kanila para sa mga gobernador ng mga lalawigan, mga pinuno ng mga bayan at sa iba pang mga pinuno sa buong kaharian, sa kanilang sariling wika. Ang sulat ay ginawa sa pangalan ni Haring Asuero at tinatakan ng singsing nito.
13Ang sulat na iyon ay ipinadala sa lahat ng lalawigan ng kaharian sa pamamagitan ng mga mensahero. Nakasulat dito ang utos na sa loob lang ng isang araw ay papatayin ang lahat ng Hudyo: bata, matanda, lalaki at babae, at sasamsamin ang lahat ng ari-arian nila. Gagawin ito sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan, ang buwan ng Adar.
14Ang kopya nitoʼy ipapatupad bilang batas sa bawat lalawigan. Ipapaalam ito sa mga tao para makapaghanda sila sa araw na iyon.
15Sa utos ng hari, mabilis na nagsialis ang mga mensahero para ihatid ang kautusan, at itoʼy ipinaalam din sa lungsod ng Susa. Habang nakaupo at nag-iinuman ang hari at si Haman, nagkakagulo naman ang lungsod ng Susa dahil sa mga nangyayari.