1“Magpagawa ka ng altar na akasya na pagsusunugan ng insenso.
2Kailangang kuwadrado ito, labingwalong pulgada ang haba at ang lapad, at tatlumpuʼt anim na pulgada ang taas. Kailangan ding may parang sungay sa mga sulok nito na kaisang piraso ng altar.
3Balutin mo ng purong ginto ang ibabaw nito, ang apat na gilid, at ang parang sungay sa mga sulok nito. At lagyan mo ito ng hinulmang ginto sa palibot.
4Palagyan ng dalawang argolyang ginto sa ilalim ng hinulmang ginto sa magkabilang gilid ng altar, upang pagsuksukan ng mga tukod na pambuhat dito.
5Gumawa ka ng tukod na gawa sa kahoy ng akasya at balutan ito ng ginto.
6Ilagay mo ang altar na ito sa harap ng tabing na nakatakip sa Kahon ng Kasunduan at sa takip ng Kahon, ang takip ng kapatawaran, kung saan ako makikipagkita sa inyo.
7“Tuwing umaga, kapag mag-aasikaso si Aaron ng mga ilaw, magsusunog siya ng mabangong insenso sa nasabing altar.
8At sa dapit-hapon, kapag magsisindi siya ng ilaw, magsusunog siyang muli ng insenso. Dapat itong gawin araw-araw sa aking harapan ng susunod pang mga henerasyon.
9Huwag kayong mag-aalay sa altar na ito ng ibang insenso, o kahit anong handog na sinusunog, o handog pangkapayapaan, o handog na inumin.
10Isang beses sa bawat taon, kailangang gawin ni Aaron ang seremonya para sa kapatawaran ng mga kasalanan sa altar sa pamamagitan ng pagpapahid ng dugo sa parang mga sungay na sulok nito. Ang dugong ipapahid ay galing sa handog para sa kasalanan. Dapat itong gawin taon-taon maging ng mga susunod pang henerasyon, sapagkat ang altar na ito ay napakabanal dahil itinalaga ito para sa akin.”
11Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises,
12“Kapag isesensus mo ang mga mamamayan ng Israel, ang bawat mabibilang ay magbabayad sa akin para sa buhay niya, upang walang kapahamakang dumating sa kanya habang binibilang mo sila.
13Ang ibabayad ng bawat isang mabibilang mo ay isang maliit na pilak ayon sa pamantayan ng Tabernakulo. (Ang timbang nito ay dapat anim na gramo.) Ibibigay nila ito bilang handog sa akin.
14Ang lahat ng may edad na dalawampu pataas ang maghahandog nito sa akin.
15Hindi magbabayad ng sobra ang mga mayayaman, at hindi magbabayad ng kulang ang mga mahihirap kapag maghahandog kayo sa akin upang ipantubos sa inyong mga buhay.
16Tanggapin mo ang pantubos na bayad na ito mula sa kanila at gamitin mo para sa mga pangangailangan sa Tabernakulo. Ang bayad na ito ng mga Israelita ay pantubos sa kanilang buhay, at sa pamamagitan nitoʼy aalalahanin ko sila.”
17Sinabi ng Panginoon kay Moises,
18“Gumawa ka ng tansong planggana na tanso rin ang patungan, upang gamiting hugasan. Ilagay mo ito sa gitna ng Tabernakulo at ng altar, at lagyan ito ng tubig.
19Ito ang gagamitin ni Aaron at ng mga anak niya sa paghuhugas ng mga kamay at paa nila.
20Sa tuwing papasok sila sa Toldang Tipanan, kailangan nilang maghugas upang hindi sila mamatay. Gayundin, sa tuwing lalapit sila sa altar para mag-alay sa akin ng handog na pagkain sa akin,
21kailangan nilang maghugas ng mga kamay at paa nila upang hindi sila mamatay. Ito ay tuntuning panghabang-panahon na dapat sundin ni Aaron at ng angkan niya hanggang sa susunod pang mga henerasyon nila.”
22Sinabi ng Panginoon kay Moises,
23“Kumuha ka ng sumusunod na pinakamaiinam na mga sangkap: anim na kilong mira, tatlong kilo ng mabangong sinamon, tatlong kilong asukal,
24anim na kilong kasia (kailangan ang bigat nitoʼy ayon sa pamantayan ng Tabernakulo) at isang galong langis ng olibo.
25Sa pamamagitan nito, makakagawa ka ng banal na mabangong langis na pamahid.
26At wisikan mo ng langis na ito ang Tabernakulo, ang Kahon ng Kasunduan,
27ang mesa at ang lahat ng kagamitan nito, ang ilawan at ang lahat ng kagamitan nito, ang altar na pinagsusunugan ng insenso,
28ang altar na pagsusunugan ng mga handog na sinusunog at ang lahat ng kagamitan nito, at ang planggana kasama ang patungan nito.
29Italaga mo ang mga bagay na ito upang maging napakabanal ang mga ito. At ang lahat ng hahawak sa mga ito ay magiging banal.
30“Buhusan mo rin ng langis si Aaron at ang mga anak niya at italaga sila upang makapaglingkod bilang mga pari.
31Sabihin mo sa mga Israelita na ito ang aking banal na langis ng pagtatalagang gagamitin hanggang sa mga susunod pang mga henerasyon.
32Huwag nʼyo itong ipapahid sa ordinaryong mga tao, at huwag nʼyo rin itong gawin para sa mga sarili nʼyo lang. Banal ito, kaya ituring nʼyo rin itong banal.
33Ang sinumang gagawa ng langis na ito o gagamit nito sa sinumang hindi pari ay huwag na ninyong ituring na kababayan.”
34Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Kumuha ka ng magkakaparehong dami ng mababangong sangkap: estakte, onika, galbano at purong insenso.
35Sa pamamagitan ng mga ito, gumawa ka ng napakabangong insenso. Pagkatapos, lagyan mo ng asin upang maging puro ito at banal.
36Dikdikin nang pino ang iba sa mga ito at iwisik sa harap ng Kahon ng Kasunduan na nasa Tabernakulo, kung saan ako makikipagkita saʼyo. Ituring ninyo ang insensong ito na napakabanal.
37Huwag kayong gagawa ng mga insensong ito para sa inyong sarili. Ituring nʼyo itong banal para sa Panginoon .
38Ang sinumang gagawa nito upang gagamiting pabango ay huwag na ninyong ituring na kababayan.”