Hoseas 6

Hindi Tapat ang Pagsisisi ng Israel

1Nag-usap-usap ang mga taga-Israel.

Sabi nila, “Halikayo!

Magbalik-loob tayo

sa Panginoon .

Sinaktan niya tayo,

ngunit siya rin

ang magpapagaling

sa atin.

2Para tayong mga patay

na agad niyang bubuhayin.

Hindi magtatagal,

at ibabangon niya tayo

upang mamuhay

sa kanyang presensya.

3Pagsikapan nating makilala

ang Panginoon .

Siyaʼy tiyak na darating,

kasing tiyak ng pagsikat ng araw.

Darating siyang parang ulan

na magdidilig sa mga lupain.”

4“O Israel at Juda,[#6:4 : Sa Hebreo, Efraim. Makikita rin ang salitang Efraim sa Hebreo sa talata 10|HOS 6:4. Tingnan ang talababa sa 4:17.]

ano ang gagawin ko sa inyo?

Ang pag-ibig ninyo sa akiʼy

parang ambon o hamog

sa umaga na madaling mawala.

5Kaya nga binalaan ko kayo

sa pamamagitan ng mga propeta

na kayoʼy mapapahamak

at mamamatay.

Hahatulan ko kayo

na kasimbilis ng kidlat.

6Sapagkat hindi ang inyong mga handog

ang nais ko,

kundi ang inyong pagmamahal.

Mas nanaisin ko pang kilalanin ninyo ako

bilang Diyos

kaysa sa mag-alay kayo

ng mga handog na sinusunog.

7Ngunit tulad ni Adan,

sinira ninyo ang kasunduan natin.

Nagtaksil kayo sa akin diyan

sa inyong lugar.

8Ang bayan ng Gilead

ay tirahan ng mga makasalanan

at nabahiran ng mga bakas

ng mga paang madudugo.

9Ang inyong mga pari

ay parang mga tulisan na

nag-aabang ng kanilang mabibiktima.

Pumapatay sila sa daang patungo

sa Shekem,

at gumagawa ng maraming

nakakahiyang gawain.

10Mga taga-Israel, kakila-kilabot

ang nakita ko sa inyo.

Sumasamba kayo

sa mga diyos-diyosan,

kaya naging marumi kayo.

11“Kayo ring mga taga-Juda

ay nakatakda nang parusahan.

“Nais ko sanang ibalik

ang mabuting kalagayan

ng aking mga mamamayan.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.