The chat will start when you send the first message.
1Nais ko sanang pagalingin
ang bansang Israel,
subalit napakalaki
ng kanilang pagkakasala
at nabubunyag ang kanilang
masasamang gawa.
Silaʼy mga mandaraya;
pinapasok ng magnanakaw
ang mga tahanan,
nagnanakaw sa daan
ang mga kawatan.
2Hindi nila napagtanto
na naaalala ko
ang lahat ng kasamaang
ginawa nila.
Nilulunod na sila
ng kanilang kasalanan;
at ang lahat
ng itoʼy aking namamasdan.
3“Napapasaya nila
ang kanilang hari at mga pinuno
sa kanilang kasamaan
at kasinungalingan.
4Lahat silaʼy mga taksil.[#7:4 : O nangangalunya. Maaari rin na ang ibig sabihin nito ay sumasamba sila sa mga diyos-diyosan.]
Para silang maiinit na pugon
na hindi na kailangang paningasin ng panadero
mula sa oras ng pagmamasa
hanggang sa umalsa ang harina.
5Nang dumating ang kaarawan ng[#7:5 : O araw ng pagkokorona.]
ng kanilang hari,
nilasing nila ang mga opisyal nito.
At pati ang hari ay nakipag-inuman
sa kanyang mga mapanghusgang
mga opisyal.
6At habang papalapit sila sa hari
at sa kanyang mga opisyal upang patayin,
nagniningas ang kanilang galit
na parang mainit na pugon.
Bago pa man sila sumalakay,
magdamag nilang tinitimpi
ang kanilang galit,
kaya kinaumagahan
para na itong nagniningas na apoy.
7Galit na galit silang lahat
tulad ng nagniningas na pugon.
Kaya pinatay nila
ang kanilang mga pinuno.
Bumagsak lahat ang kanilang mga hari,
ngunit wala ni isa man sa kanila
ang humingi ng tulong sa akin.
8“Nakikisalamuha ang Israel[#7:8 : Sa Hebreo, Efraim. Makikita rin ang salitang Efraim sa Hebreo sa talata 11|HOS 7:11. Tingnan ang talababa sa 4:17.]
sa ibang mga bansa.
Nasira tuloy siya,
tulad ng tinapay na hindi nabaliktad.
9Inuubos ng mga taga-ibang bansa
ang kanilang kakayahan,
ngunit hindi nila ito namamalayan;
katulad sila ng isang taong pumuputi
na ang buhok
ngunit hindi niya ito napapansin.
10Ang pagmamataas ng Israel
ay nagpapatunay
na dapat silang parusahan.
Subalit kahit nangyayari
ang lahat ng ito sa kanila,
hindi pa rin sila nagbalik-loob
at lumapit sa akin
na kanilang Panginoon .
11“Tulad sila ng kalapating
madaling lokohin
at walang pang-unawa.
Humingi sila ng tulong
sa Ehipto at Asiria.
12Subalit habang paparoon sila,
pipigilan ko sila na parang ibon
na nahuli sa lambat
at hinila pababa.
Parurusahan ko sila
ayon sa aking sinabi
sa kanilang pagtitipon.
13Nakakaawa sila
dahil lumayo sila sa akin.
Lilipulin ko sila
dahil naghimagsik sila sa akin.
Gusto ko sana silang iligtas,
ngunit nagsalita sila
ng kasinungalingan
tungkol sa akin.
14Hindi bukal sa kanilang puso
ang pagtawag nila sa akin,
ngunit umiiyak sila sa kanilang higaan.
Sinasaktan nila ang kanilang sarili
habang sumasamo
sa mga diyos-diyosan
para sa pagkaing butil at inumin,
at akoʼy kanilang tinalikuran.
15Dinisiplina ko sila
upang silaʼy maging matatag,
ngunit nagbalak pa rin sila
ng masama laban sa akin.
16Lumapit sila sa mga bagay
na walang kabuluhan.
Para silang panang baluktot
na walang pakinabang.
Mamamatay sa digmaan
ang kanilang mga pinuno
dahil wala silang galang
kapag nagsasalita.
At dahil dito,
kukutyain sila ng mga taga-Ehipto.