1Ang pahayag na itoʼy tungkol sa Damasco:[#17:1 : Ang Damasco ay kabisera ng Aram at kumakatawan sa bansang Aram.]
“Makinig kayo! Ang Damasco
ay hindi na magiging lungsod
dahil magigiba ito.
2Wala nang titira sa lungsod ng Aroer.
Magiging pastulan na lamang ito
ng mga kawan ng hayop,
at walang gagambala sa kanila roon.
3Mawawasak ang mga tanggulang
lungsod ng Israel,
at mawawala ang kapangyarihan
ng Damasco.
Ang sasapitin ng mga matitira sa Aram
ay katulad ng sinapit ng mga taga-Israel.
Ako, ang Panginoon ng mga Hukbo,
ang nagsasabi nito.
4“Pagdating ng araw na iyon,
mawawala na
ang kapangyarihan ng Israel,
at ang kanyang kayamanan
ay mapapalitan ng kahirapan.
5Matutulad siya sa taniman ng mga butil
na ginapas na ng mga nag-aani,
tulad ng taniman sa Lambak ng Refaim
pagkatapos ng anihan.
6Iilan lamang ang matitira
sa kanyang mga mamamayan.
Matutulad siya
sa puno ng olibo pagkatapos
pitasin ang mga bunga nito.
Maaaring dalawa o tatlo lamang
ang bungang matitira
sa pinakamataas na mga sanga,
at apat o limang bunga
sa ibang mga sanga.
Ako, ang Panginoong Diyos ng Israel,
ang nagsasabi nito.”
7Sa araw na iyon,
lalapit na ang mga tao
sa kanilang Manlilikha,
at titingin sa Banal na Diyos ng Israel.
8Hindi na nila papansinin ang mga altar
na sila mismo ang gumawa.
Hindi na rin nila papansinin
ang mga posteng imahen ni Ashera,
pati ang mga altar
na pinagsusunugan ng insenso
na gawa rin lang
ng kanilang mga kamay.
9Sa araw na iyon, ang matitibay nilang lungsod ay magiging katulad ng mga napabayaang lugar ng mga Amoreo at Heveo. Ang mga lugar na itoʼy nilayasan ng mga nakatira rito dahil sa pagdating ng mga Israelita. At ang buong lupain ay iiwang nakatiwangwang.
10Kinalimutan ninyo ang Diyos
na inyong Tagapagligtas
at hindi inalala
ang inyong Batong kanlungan.
Kaya kahit na magtanim kayo
ng magagandang klase ng tanim,
katulad ng mga inangkat na ubas,
11at kahit na tumubo ang mga ito
at mamulaklak sa araw din
na inyong itinanim,
wala kayong makukuhang bunga.
Ang aanihin ninyoʼy sakit
at paghihirap na walang lunas.
12Tingnan ninyo!
Nagkakagulo ang napakaraming tao
mula sa mga bansa.
Ang ingay nila ay parang ugong
ng malalaking alon.
13Bagamaʼt katulad sila ng ugong
ng malalaking alon,
patatahimikin sila ng Diyos
at silaʼy tatakas palayo.
Silaʼy tatakas tulad ng ipa na ikinalat ng hangin,
tulad ng dayaming tinatangay ng ipuipo.
14Sa gabiʼy naghahasik sila
ng lagim!
Ngunit bago mag-umaga
sila ay wala na.
Iyan ang mangyayari
sa mga sumasalakay sa atin
at sumasamsam ng mga ari-arian natin.