1Panginoon , kayo ang aking Diyos!
Pupurihin kita at pararangalan
ang iyong pangalan,
sapagkat wagas ang iyong katapatan,
ang iyong mga gawa ay kahanga-hanga,
mga gawang binalak mo
noong unang panahon.
2Winawasak mo ang mga lungsod
iginuguho mo rin pati
ang may matitibay na pader.
Winasak mo rin ang mga palasyo
ng mga dayuhan,
at hindi na nila ito maitatayong muli.
3Kaya pararangalan ka
ng mga taong makapangyarihan
at igagalang ka ng mga malulupit
na mga bansa.
4Ikaw ang takbuhan ng mga dukha
at ng mga nangangailangan
sa panahon ng kahirapan.
Ikaw ang kanlungan sa panahon ng bagyo
at lilim sa panahon ng tag-init.
Sapagkat ang paglusob
ng mga malulupit na tao
ay parang bagyong humahampas sa pader,
5at parang init sa disyerto.
Ngunit pinatahimik mo
ang sigawan ng mga dayuhan.
Pinatigil mo ang awitan
ng malulupit na mga tao,
na parang init na nawala
dahil natakpan ng ulap.
6Dito sa Bundok ng Zion,
ang Panginoon ng mga Hukbo
ay maghahanda ng isang piging
para sa lahat.
Masasarap na pagkain at inumin
ang kanyang inihanda,
ang pinakamainam sa mga karne
at pinakamasarap na alak.
7At sa bundok ding ito,
papawiin niya ang kalungkutan
ng mga tao sa lahat ng bansa.
8Ang kamatayan ay kanyang
pupuksain magpakailanman.
Papahirin ng Makapangyarihang Panginoon
ang luha sa kanilang mga mata.
Aalisin niya ang kahihiyan
ng kanyang mamamayan
sa buong mundo.
Ang Panginoon ang nagsabi nito.
9Sa araw na mangyari ito,
sasabihin nila,
“Totoo ngang siya ang ating Diyos!
Nagtiwala tayo sa kanya
at iniligtas niya tayo.
Siya ang Panginoon
at umasa tayo sa kanya.
Magalak tayoʼt magdiwang
dahil tayoʼy iniligtas niya.”
10Talagang tutulungan ng Panginoon
ang Bundok ng Zion,
ngunit parurusahan niya ang Moab.
Tatapakan niya itong parang dayami
sa tapunan ng dumi.
11Pagsisikapan nilang makaligtas
sa kalagayang iyon
na parang taong kakampay-kampay
sa tubig.
Ngunit kahit na magaling silang lumangoy,
ilulubog pa rin sila ng Panginoon .
Ibabagsak sila dahil
sa kanilang pagmamataas.
12Wawasakin niya
ang kanilang mataas
at matibay na pader
hanggang sa madurog
at kumalat ito sa lupa.