Jeremias 14

Ang Matinding Tagtuyot sa Juda

1Ito ang salita ng Panginoon na ipinahayag niya kay Jeremias tungkol sa mahabang tagtuyot:

2“Nagluluksa ang Juda;

ang kanyang mga lungsod

ay nanlulupaypay.

Ang mga taoʼy nakaupo sa lupa at naghihinagpis,

at maririnig ang iyak

galing sa Jerusalem.

3Inutusan ng mayayaman ang kanilang mga alipin

na umigib ng tubig.

Pumunta sila sa mga balon

ngunit hindi sila nakahanap

ng tubig doon.

Kaya bumalik silang walang laman ang mga lalagyan,

at nagtakip ng mga ulo

dahil sa matinding kahihiyan.

4Nabitak ang lupa dahil walang ulan.

At dahil sa hinagpis,

tinakpan ng mga magbubukid

ang kanilang mga ulo.

5Kahit ang usa ay iniwanan

ang anak niya na kasisilang pa lang

dahil wala nang sariwang damo.

6Ang mga asnong-gubat ay tumatayo sa mga burol

at humihingal na parang asong-gubat.

Nanlalabo na ang kanilang paningin

dahil sa kawalan ng pagkain.”

7Sinabi ng mga tao, “O Panginoon ,

nagkasala po kami sa inyo.

Palagi kaming lumalayo sa inyo

kaya dapat lang kaming parusahan.

Ngunit tulungan po ninyo kami ngayon,

alang-alang sa karangalan

ng inyong pangalan.

8O Panginoon , kayo po

ang tanging pag-asa ng Israel,

ang Tagapagligtas niya

sa panahon ng kaguluhan.

Bakit parang naging dayuhan kayo rito sa amin?

Bakit naging parang manlalakbay kayo

na tumitigil lang ng isang gabi

sa aming bansa?

9Katulad rin po ba kayo ng taong

walang magagawa

at sundalong walang kakayahang magligtas?

Kasama namin kayo, O Panginoon ,

at kami ay inyong mga mamamayan,

kaya huwag po ninyo kaming pababayaan.”

10Ito ang sagot ng Panginoon sa kanyang mga mamamayan:

“Talagang gusto nilang lumayo sa akin;

ang sarili lang nilang kagustuhan

ang kanilang sinusunod.

Kaya ayaw ko na silang tanggapin

bilang aking mga mamamayan.

Hindi ko makakalimutan ang inyong kasamaan

at parurusahan ko kayo.”

11Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon , “Huwag kang mananalangin para sa kabutihan ng mga taong ito.

12Kahit mag-ayuno pa sila, hindi ko diringgin ang paghingi nila ng tulong sa akin. Kahit na maghandog pa sila ng mga handog na sinusunog at handog na pagpaparangal sa akin, hindi ko iyon tatanggapin. Sa halip, papatayin ko sila sa pamamagitan ng digmaan, gutom, at salot.”

13Ngunit sinabi ko, “O Makapangyarihang Panginoon , alam nʼyo po na laging sinasabi sa kanila ng mga propeta na wala raw digmaan o taggutom na darating dahil sinabi nʼyo raw na bibigyan nʼyo sila ng kapayapaan sa bansa nila.”

14Sumagot ang Panginoon , “Ang mga propetang iyan ay nanghuhula ng kasinungalingan sa pangalan ko. Hindi ko sila sinugo at hindi ako nagsalita sa kanila. Hindi galing sa akin ang mga pangitaing sinasabi nila sa inyo; walang kabuluhan at mga kathang-isip lang ang mga inihuhula nila.

15Kaya ako, ang Panginoon , ay nagsasabing, parurusahan ko ang mga sinungaling na propetang iyan. Nagsasalita sila sa pangalan ko kahit na hindi ko sila sinugo. Sinasabi nilang walang darating na digmaan o taggutom sa bansang ito, pero sa digmaan at taggutom sila mapapahamak.

16At tungkol naman sa mga taong naniniwala sa propesiya nila, ang mga bangkay nilaʼy itatapon sa mga lansangan ng Jerusalem. Mamamatay sila sa digmaan at taggutom. Walang maglilibing sa kanila, sa mga asawa nila, at sa mga anak nila. Papatawan ko sila ng parusang nararapat sa kanila.

17“Jeremias, sabihin mo ito sa mga tao:

Araw-gabi, walang tigil ang pag-iyak ko

dahil malubha ang sugat

ng mga mamamayan ko

na aking itinuturing na birheng anak,

at totoong nasasaktan ako.

18Kung pupunta ako sa mga bukid at lungsod,

nakikita ko ang mga bangkay ng mga namatay

sa digmaan at taggutom.

Ang mga propeta at pari

ay patuloy sa gawain nila

ngunit hindi nila alam

kung ano ang ginagawa nila.”

Lumapit ang mga Tao sa Panginoon

19O Panginoon , talaga bang itinakwil nʼyo na ang Juda?

Talaga bang galit po kayo sa Jerusalem?

Bakit nʼyo po kami pinarusahan ng ganito

at parang wala na kaming pag-asang gumaling?

Umasa po kaming bibigyan nʼyo kami ng kapayapaan,

pero hindi naman ito dumating.

Umasa kaming mabigyan ng kapayapaan,

subalit hindi ito dumating.

Umasa kaming mapagaling sa aming karamdaman,

ngunit takot ang aming naramdaman.

20O Panginoon , kinikilala namin ang aming kasamaan,

pati ang kasalanan ng aming mga ninuno.

Nagkasala po kami sa inyo.

21Huwag po ninyo kaming itakwil,

alang-alang sa karangalan

ng inyong pangalan.

Huwag po ninyong ilagay sa kahihiyan

ang marangal ninyong trono.

Alalahanin po ninyo

ang kasunduan ninyo sa amin.

Nawaʼy huwag ninyo itong sirain.

22Wala ni isa sa mga walang kuwentang

diyos-diyosan ng mga bansa

ang makapagpapaulan o makapagpapaambon.

Kahit ang langit mismo ay hindi makapagpapaulan.

Kayo lamang, Panginoon na aming Diyos

ang tanging makakagawa nito,

kaya sa inyo po kami nagtitiwala.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.