1Sinabi ng Panginoon , “Mga taga-Juda,
nakaukit sa matigas ninyong mga puso
ang mga kasalanan nʼyo
na parang mga salitang nakaukit sa bato
o sa sungay na nasa sulok ng inyong mga altar.
2Kahit ang mga anak ninyoʼy sumasamba
sa inyong mga altar
at sa mga posteng simbolo
ng diyosang si Ashera
sa ilalim ng mayayabong na puno
at sa itaas ng mga bundok.
3Kaya ipapasamsam ko sa mga kaaway ninyo
ang inyong mga kayamanan at ari-arian,
pati ang mga sambahan ninyo
sa matataas na lugar,
dahil sa mga kasalanang ginawa ninyo
sa buong bansa.
4Mawawala sa inyo ang lupaing ibinigay ko.
Ipapaalipin ko kayo sa mga kaaway nʼyo
sa lupaing hindi nʼyo alam,
dahil ginalit nʼyo ako na parang nagniningas na apoy
na hindi mamamatay magpakailanman.”
5Sinabi pa ng Panginoon :
“Isusumpa ko ang taong lumalayo sa akin
at nagtitiwala lamang sa tao.
6Matutulad siya sa isang maliit
na punongkahoy sa ilang
na walang magandang kinabukasan.
Maninirahan siya sa tigang
at maalat na lupain
na walang ibang naninirahan.
7“Ngunit mapalad ang taong nagtitiwala
at lubos na umaasa sa Panginoon .
8Matutulad siya sa punongkahoy na itinanim sa tabi ng ilog
na ang mga ugat ay umaabot sa tubig.
Ang punongkahoy na itoʼy hindi natatakot,
dumating man ang tag-init
o mahabang tag-araw.
Palaging sariwa ang mga dahon nito
at walang tigil ang pamumunga.
9“Ang puso ng tao ay mapanlinlang
higit sa lahat,
at hindi ito malulunasan.
Sino ang nakakaunawa nito?
10“Ngunit ako, ang Panginoon ,
ay sumisiyasat sa puso at isip ng tao.
Gagantihan ko ang bawat isa
ayon sa pag-uugali at mga gawa niya.”
11Ang taong yumaman sa masamang paraan
ay tulad ng ibong nililimliman
ang hindi niya itlog.
Sa bandang huli, sa kalagitnaan
ng kanyang buhay,
mawawala ang kanyang kayamanan
at lalabas na siyaʼy hangal.
12Panginoon , mula pa noong una,
ang inyong trono
ng kaluwalhatian sa kaitaasan,
ito ang lugar ng aming kanlungan.
13Kayo po Panginoon , ang pag-asa ng Israel.
Mapapahiya ang lahat
ng magtatakwil sa inyo.
Malilibing po sila sa ilalim ng lupa,
dahil itinakwil po nila kayo,
kayo na bukal na nagbibigay ng buhay.
14Panginoon , pagalingin nʼyo po ako at gagaling ako;
iligtas nʼyo po ako at maliligtas ako.
At kayo lang ang tangi kong pupurihin.
15Sinabi po sa akin ng mga tao,
“Nasaan na ang mga sinabi
ng Panginoon ?
Bakit hindi pa rin ito nangyayari
hanggang ngayon?”
16O Panginoon , hindi po ako nagpabaya
sa aking gawain
bilang tagapagbantay
ng inyong mga mamamayan.
Hindi ko po hinangad na ipahamak ninyo sila.
Alam po ninyo ang mga sinabi ko.
17Huwag nʼyo po akong takutin,
dahil kayo ang kanlungan ko
sa panahon ng kapahamakan.
18Takutin at hiyain po ninyo
ang mga umuusig sa akin.
Ngunit huwag ninyo itong
gawin sa akin.
Padalhan po ninyo sila
ng kapahamakan
upang malipol sila nang lubusan.
19Sinabi sa akin ng Panginoon , “Pumunta ka sa mga pintuan ng Jerusalem. Tumayo ka muna sa pintuan na dinadaanan ng mga hari ng Juda at pagkatapos, sa iba pang mga pintuan.
20At sabihin mo sa mga tao, ‘Pakinggan nʼyo ang mensahe ng Panginoon , kayong mga hari at mga taga-Juda, pati kayong mga nakatira sa Jerusalem na dumadaan sa mga pintuang ito.
21Ito ang sinasabi ng Panginoon : Kung pinahahalagahan ninyo ang inyong sarili, huwag kayong magtatrabaho o magdadala ng anumang mga paninda sa mga pintuan ng Jerusalem sa Araw ng Pamamahinga.
22Totoo yan, huwag kayong magtatrabaho o magdadala ng mga paninda mula sa mga bahay nʼyo sa araw na ito. Ituring nʼyo itong natatanging araw. Iniutos ko ito sa mga ninuno nʼyo,
23pero hindi sila nakinig sa akin. Matitigas ang ulo nila! Ayaw nilang tanggapin ang mga pagtuturo ko sa kanila.
24Ngunit kung susunod lang kayo sa akin, sabi ng Panginoon , at hindi kayo magtatrabaho o magdadala ng mga paninda sa pintuan ng lungsod sa Araw ng Pamamahinga, at ituturing nʼyo itong banal na araw
25ay pagpapalain ko kayo. Palaging magkakaroon ng haring maghahari rito sa Jerusalem na mula sa angkan ni David. Sila at ang mga tagapamahala nila ay paparada na nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo papasok sa pintuan ng lungsod kasama ng mga taga-Juda at taga-Jerusalem. At ang lungsod na ito ng Jerusalem ay mananatiling lungsod magpakailanman.
26At darating ang mga tao na sasamba sa templo ng Panginoon mula sa mga lugar sa paligid ng Jerusalem, sa mga bayan ng Juda, at Benjamin, at mula sa mga kaburulan sa kanluran, sa mga kabundukan, at sa Negeb. Magdadala sila ng mga handog na sinusunog, at iba pang mga handog, gaya ng handog na pagpaparangal sa Panginoon , handog ng pasasalamat, at mga insenso.
27Ngunit kung hindi kayo susunod sa akin, at hindi ninyo ituturing na banal ang Araw ng Pamamahinga at magdadala kayo ng mga paninda sa mga pintuan ng Jerusalem sa araw na iyon, susunugin ko ang mga pintuan ng Jerusalem pati ang matitibay na bahagi ng lungsod na ito, at walang makakapatay ng sunog na iyon!’ ”