The chat will start when you send the first message.
1Anim na araw bago dumating ang Pista ng Paglampas ng Anghel, pumunta si Hesus sa Betania kung saan nakatira si Lazaro na muli niyang binuhay.
2Naghanda sila roon ng hapunan para kay Hesus. Si Lazaro ang isa sa mga kasalo ni Hesus sa pagkain. Si Marta ang nagsilbi sa kanila.
3Kumuha si Maria ng kalahating litro ng mamahaling pabango na gawa sa halamang nardo. Ibinuhos niya ito sa paa ni Hesus at pinunasan ng kanyang buhok. At humalimuyak ang pabango sa buong bahay.
4Ang isa sa mga alagad ni Hesus na naroon ay si Judas Iscariote na magkakanulo sa kanya. Sinabi ni Judas,
5“Isang taóng sahod ang halaga ng pabangong iyan. Bakit hindi na lang iyan ipinagbili, at ibinigay sa mahihirap ang pera?”
6Sinabi niya ito, hindi dahil nagmamalasakit siya sa mga mahihirap kundi dahil isa siyang magnanakaw. Bilang tagapag-ingat ng pera nila, madalas niya itong kinukupitan.
7Ngunit sinabi ni Hesus, “Pabayaan ninyo siya. Inilaan ang pabangong ito para gamitin niya bilang paghahanda sa aking libing.
8Palagi nʼyong nakakasama ang mga mahihirap, pero akoʼy hindi nʼyo laging makakasama.”[#12:8 Tingnan sa Deu. 15:11.]
9Maraming Hudyo ang nakabalita na nasa Betania si Hesus. Kaya nagpuntahan sila roon, hindi lang dahil kay Hesus kundi upang makita rin si Lazaro na muli niyang binuhay.
10Kaya binalak din ng mga namamahalang pari na ipapatay si Lazaro,
11dahil siya ang dahilan kaya maraming Hudyo ang humihiwalay na sa kanila at sumasampalataya kay Hesus.
12Kinabukasan, nabalitaan ng maraming taong dumalo sa pista na papunta si Hesus doon sa Jerusalem.
13Kaya kumuha sila ng mga palaspas at sinalubong siya. Sumisigaw sila,
“Papuri sa Diyos!”
“Pinagpala ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.”
“Pagpalain ang hari ng Israel!”
14Nakakita si Hesus ng isang bisirong asno at sinakyan niya ito, gaya ng nakasaad sa Kasulatan,
15“Huwag kayong matakot, mga taga-Zion! Makinig kayo! Paparating na ang inyong hari na nakasakay sa isang bisirong asno!”[#12:15 : Ang bisirong asno ay karaniwang nauugnay sa hangaring pangkapayapaan. Ipinahiwatig ni Hesus na siya ang tinutukoy sa Zac. 9:9.]
16Hindi pa naiintindihan noon ng mga alagad ni Hesus na iyon ay katuparan ng propesiya. Naintindihan lamang nila na ang mga nangyari ay katuparan ng nakasaad sa Kasulatan noong bumalik na si Hesus sa langit.
17Marami ang nakasaksi nang muling buhayin ni Hesus si Lazaro, at ipinamalita nila ang pangyayaring ito.
18Kaya marami ang sumalubong kay Hesus, dahil nabalitaan nila ang ginawa niyang himala.
19Dahil dito, nag-usap-usap ang mga Pariseo at sinabi, “Tingnan ninyo, sumusunod na sa kanya ang lahat ng tao, at wala tayong magawa!”
20May mga Griyego ring pumunta sa Jerusalem upang sumamba sa Diyos sa kapistahan.
21Lumapit sila kay Felipe na taga-Betsaida sa probinsya ng Galilea at nakiusap sa kanya. Sinabi nila, “Gusto po sana naming makita si Hesus.”
22Kaya pinuntahan ni Felipe si Andres, at magkasama silang pumunta kay Hesus upang ipaalam ang kahilingan ng mga ito.
23Sinabi ni Hesus sa kanila, “Dumating na ang oras upang luwalhatiin ang Anak ng Tao.
24Sinasabi ko sa inyo ang totoo, malibang mamatay ang isang butil ng trigong itinanim sa lupa, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, tutubo ito at mamumunga nang marami.[#12:24 Bilang tugon, ipinahiwatig ni Hesus sa mga hindi Hudyo na kailangan muna niyang mamatay at muling mabuhay bago maihatid ang kaligtasan sa kanila na hindi kasama sa Kasunduan ng Diyos sa Israel.]
25Gayundin naman, ang sinumang labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang hindi nanghihinayang sa buhay niya sa mundong ito ay maiingatan ito hanggang sa buhay na walang hanggan.
26Ang sinumang gustong maglingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at kung nasaan ako ay naroon din dapat siya. Ang sinumang naglilingkod sa akin ay pararangalan ng Ama.
27“Nababagabag ako ngayon. Sasabihin ko ba sa Ama na iligtas niya ako sa nalalapit na paghihirap? Hindi, dahil ito ang dahilan ng pagpunta ko rito.”
28At sinabi niya, “Ama, luwalhatiin nʼyo po ang inyong pangalan!”
Isang tinig mula sa langit ang sumagot, “Niluwalhati ko na ito, at muli kong luluwalhatiin ngayon.”
29Nang marinig ng mga taong naroon ang tinig, sinabi nila, “Kumulog!” Ngunit sinabi naman ng iba, “Kinausap siya ng isang anghel.”
30Sinabi ni Hesus sa kanila, “Ang tinig na iyon ay ipinarinig hindi para sa akin kundi para sa kapakanan ninyo.
31Dumating na ang paghatol sa mga tao sa mundo. Malulupig na ang naghahari sa mundong ito.[#12:31 Sa literal, ang prinsipe ng mundong ito na ang tinutukoy ay si Satanas.]
32At kapag itinaas na ako mula sa lupa, ilalapit ko ang lahat ng tao sa akin.”
33Sinabi ni Hesus na siya ay itataas upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay.
34Sumagot ang mga tao sa kanya, “Nakasaad sa Kautusan na ang Mesias ay mabubuhay nang walang hanggan. Bakit mo sinasabing kailangang itaas ang Anak ng Tao? Sino ba itong Anak ng Tao na tinutukoy mo?”
35Sumagot si Hesus, “Maikling panahon na lang ninyong makakasama ang ilaw. Kaya mamuhay kayo sa liwanag ng ilaw na ito habang narito pa, upang hindi kayo abutan ng dilim. Sapagkat hindi alam ng naglalakad sa dilim kung saan siya papunta.
36Kaya sumampalataya kayo sa ilaw habang narito pa, upang maliwanagan ang isipan ninyo.” Pagkasabi ni Hesus nito, umalis siya at hindi na nagpakita sa kanila.[#12:36 : Sa literal, upang maging mga anak kayo ng ilaw.]
37Kahit na nakita ng mga tao ang maraming himala na ginawa ni Hesus, hindi pa rin sila sumampalataya sa kanya.
38Ito ay upang maisakatuparan ang pahayag ni Propeta Isaias:
“Panginoon, sino ang naniwala sa aming mensahe?
May nakaunawa ba sa kapangyarihang ipinamalas mo?”
39Hindi sila naniwala dahil katulad din ng ipinahayag ni Isaias:
40“Binulag ng Diyos ang kanilang mga mata
upang hindi sila makakita,
at isinara niya ang kanilang mga isip
upang hindi sila makaunawa,
dahil baka manumbalik pa sila sa kanya,
at pagalingin niya sila.”
41Sinabi ito ni Isaias dahil nakita niya ang kaluwalhatian ni Hesus, at nagpahayag siya tungkol kay Hesus.
42Ganoon pa man, maraming pinuno ng mga Hudyo ang sumampalataya kay Hesus. Ngunit inilihim nila ang kanilang pananampalataya dahil sa takot na itiwalag sila ng mga Pariseo sa sinagoga.
43Sapagkat mas ginusto pa nilang purihin sila ng tao kaysa ng Diyos.
44Sumigaw si Hesus, “Ang sumasampalataya sa akin ay hindi sa akin sumasampalataya kundi sa nagsugo sa akin.
45At ang nakakita sa akin ay nakakita na rin sa nagsugo sa akin.
46Ako ang ilaw na dumating sa mundo. Naparito ako upang ang sinumang sumampalataya sa akin ay hindi na manatili sa kadiliman.
47“Ang sinumang nakarinig ng aking mga aral ngunit hindi sumunod ay hahatulan, ngunit hindi ako ang hahatol sa kanya. Sapagkat hindi ako naparito sa mundo upang hatulan ang mga tao kundi upang iligtas sila.
48May ibang hahatol sa ayaw tumanggap sa akin at sa aking mga aral. Ang mga salitang ipinangaral ko ang hahatol sa kanila sa huling araw.
49Sapagkat hindi galing sa akin ang sinasabi ko kundi galing sa Amang nagsugo sa akin. Siya ang nag-utos kung ano ang sasabihin ko at kung ano ang ipapahayag ko.
50At alam ko na ang utos niya ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Kaya kung ano ang ipinasasabi ng Ama, iyon lang ang sinasabi ko.”