Juan 9

Pinagaling ni Hesus ang Isang Bulag

1Habang naglalakad si Hesus, may nakita siyang isang lalaki. Ang lalaking ito ay ipinanganak na bulag.

2Tinanong si Hesus ng mga alagad niya, “Guro, sino po ba ang nagkasala at ipinanganak siyang bulag? Siya po ba o ang mga magulang niya?”

3Sumagot si Hesus, “Hindi dahil sa kasalanan niya o ng mga magulang niya kaya ipinanganak siyang bulag. Nangyari ito upang maipakita ang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapagaling sa kanya.

4Dapat na nating gawin ang mga ipinapagawa ng Diyos na siyang nagsugo sa akin habang araw pa, dahil pagsapit ng gabi ay wala nang makakapagtrabaho.

5Habang akoʼy nasa mundo, ako ang ilaw ng mundo.”

6Pagkasabi niya nito, dumura siya sa lupa, gumawa ng putik mula sa dura at ipinahid niya sa mata ng bulag.

7Sinabi ni Hesus sa bulag, “Pumunta ka sa paliguan ng Shiloam at maghilamos ka roon.” (Ang ibig sabihin ng Siloam ay “Sinugo”.) Pumunta nga roon ang bulag at naghilamos. Nang bumalik siya ay nakakakita na siya.

8Dahil dito, nagtanungan ang mga kapitbahay niya at ang iba pang mga nakakita sa kanya noong namamalimos pa siya. Sinabi nila, “Hindi baʼt siya ang dating nakaupo at namamalimos?”

9Sinabi ng iba, “Siya nga.”

Ngunit sinabi naman ng iba, “Hindi, kamukha lang niya iyon.”

Kaya ang lalaki na mismo ang nagsabi, “Ako nga iyon.”

10“Paano ka nakakita?” tanong nila.

11Sumagot siya, “Ang lalaking tinatawag na Hesus ay gumawa ng putik. Ipinahid niya ito sa mga mata ko at sinabi, ‘Pumunta ka sa paliguan ng Siloam at maghilamos.’ Kaya pumunta ako roon at naghilamos, at pagkatapos ay nakakita na ako.”

12Nagtanong ang mga tao, “Nasaan na siya?”

Sumagot ang lalaki, “Hindi ko alam.”

Inimbestigahan ng mga Pariseo ang Pagpapagaling

13Dinala nila sa mga Pariseo ang dating bulag.

14Araw noon ng Pamamahinga nang gumawa si Hesus ng putik at pinagaling ang bulag.

15Kaya tinanong din siya ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. At sinabi ng lalaki, “Nilagyan niya ng putik ang mga mata ko. Naghilamos ako, at pagkatapos ay nakakita na ako.”

16Sinabi ng ilang Pariseo, “Hindi mula sa Diyos ang taong gumawa nito, dahil hindi niya sinusunod ang utos tungkol sa Araw ng Pamamahinga.”

Ngunit sinabi naman ng iba, “Kung makasalanan siya, paano siya nakakagawa ng ganitong himala?” Hindi magkasundo ang mga opinyon nila tungkol kay Hesus.

17Kaya tinanong ulit ng mga Pariseo ang dating bulag, “Ano ang masasabi mo tungkol sa kanya, dahil pinagaling ka niya?”

Sumagot ang lalaki, “Isa po siyang propeta.”

18Ngunit ayaw pa rin nilang maniwala na siya nga ang dating bulag na ngayon ay nakakakita na. Kaya ipinatawag nila ang mga magulang niya

19at tinanong, “Anak nʼyo ba ito? Totoo bang ipinanganak siyang bulag? Paano siya nakakakita ngayon?”

20Sumagot ang mga magulang, “Anak nga po namin siya, at ipinanganak siyang bulag.

21Ngunit hindi namin alam kung paano siya nakakita at kung sino ang nagpagaling sa kanya. Siya na lang po ang tanungin ninyo. Nasa tamang edad na siya, at kaya na niyang sumagot para sa sarili niya.”

22Ito ang sinabi ng mga magulang ng lalaki dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Hudyo. Sapagkat napagkasunduan na ng mga pinuno ng mga Hudyo na ang sinumang kikilala kay Hesus bilang Mesias ay ititiwalag sa kanilang sinagoga.

23Kaya ganito ang isinagot ng mga magulang: “Nasa tamang edad na siya. Siya na lang po ang tanungin ninyo.”

24Kaya muli nilang ipinatawag ang dating bulag at sinabi sa kanya, “Sumumpa ka sa harap ng Diyos na sasabihin mo ang totoo! Alam naming makasalanan ang taong iyon!”

25Sumagot ang lalaki, “Hindi ko po alam kung makasalanan siya o hindi. Ang alam ko lang ay dati akong bulag, pero nakakakita na ngayon.”

26Tinanong pa nila ang lalaki, “Ano ang ginawa niya sa iyo? Paano ka niya pinagaling?”

27Sumagot siya, “Sinabi ko na po sa inyo, ngunit ayaw naman ninyong maniwala. Bakit gusto ninyong marinig ulit ang sagot ko? Gusto rin po ba ninyong maging mga alagad niya?”

28Dahil dito ay ininsulto nila ang lalaki. Sinabi nila, “Alagad ka niya, pero kami ay mga alagad ni Moises.

29Alam naming nakipag-usap ang Diyos kay Moises, ngunit ang taong iyon ay hindi namin alam kung saan nanggaling!”

30Sumagot ang lalaki, “Iyan nga po ang nakapagtataka. Hindi nʼyo alam kung saan siya nanggaling, pero pinagaling niya ang mata ko.

31Alam nating hindi pinapakinggan ng Diyos ang mga makasalanan, ngunit ang sinumang may takot sa Diyos at gumagawa ng kanyang kalooban ay pinakikinggan niya.

32Kailanmaʼy wala pa tayong narinig na may taong nakapagpagaling ng taong ipinanganak na bulag.

33Kung hindi nanggaling sa Diyos ang taong iyon, hindi niya magagawa ang himalang ito.”

34Sumagot ang mga pinuno ng mga Hudyo, “Ipinanganak kang makasalanan! At ang lakas pa ng loob mo ngayon na pangaralan kami!” At ipinagtabuyan nila ito sa sinagoga.

Ang Espirituwal na Pagkabulag

35Nabalitaan ni Hesus na pinaalis sa sinagoga ang dating bulag, kaya hinanap niya ito. At nang matagpuan niya, tinanong niya ito, “Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?”

36Sumagot ang lalaki, “Sino po siya? Sabihin nʼyo po sa akin upang sumampalataya ako sa kanya.”

37Sinabi ni Hesus sa kanya, “Nakita mo na siya, at siya ang kausap mo ngayon.”

38Sinabi agad ng lalaki, “Panginoon, sumasampalataya po ako sa inyo.” At lumuhod siya at sumamba kay Hesus.

39Sinabi ni Hesus, “Naparito ako sa mundo upang hatulan ang mga tao nang sa gayoʼy ang mga bulag ay makakita, ang mga nakakakita ay maging bulag.”[#9:39 : Wala ang mga salitang ito sa ibang mga manuskrito.]

40Narinig ito ng ilang Pariseong naroon, at nagtanong sila, “Sinasabi mo bang mga bulag din kami?”

41Sumagot si Hesus, “Kung totoong bulag kayo, wala sana kayong kasalanan. Ngunit dahil sinasabi ninyong hindi kayo bulag, nananatili pa rin kayong may kasalanan.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.