1Nagpatuloy sa pagsasalita si Job,
2“Sumusumpa ako sa Makapangyarihan
at buháy na Diyos
na nagkait ng katarungan
at nagdulot sa akin ng sama ng loob.
3Habang akoʼy may hiningang mula sa Diyos
at pinapahintulutan niyang mabuhay,
4hindi ako magsasalita ng masama
at kasinungalingan.
5Hinding-hindi ko matatanggap
na tama kayo.
Ipipilit ko pa ring wala akong kasalanan
hanggang sa aking kamatayan.
6Ipaglalaban kong tama ako,
at hindi ako titigil.
Malinis ang aking konsensiya
habang akoʼy nabubuhay.
7“Parusahan nawa ng Diyos
ang mga kumakalaban sa akin
ng parusang nararapat
sa masasamang tao!
8Sapagkat ano ang pag-asa
ng taong walang takot sa Diyos
kung bawiin na ng Diyos
ang kanyang buhay?
9Diringgin kaya ng Diyos
ang paghingi niya ng tulong
kung dumating sa kanya ang kagipitan?
10Matutuwa kaya siya
sa Diyos na Makapangyarihan?
Tatawag kaya siya sa kanya
sa lahat ng oras?
11“Tuturuan ko kayo
ng tungkol sa kapangyarihan ng Diyos.
Sasabihin ko sa inyo
ang mga pamamaraan niya.
12Ngunit nakita na ninyo
ang lahat ng ito.
Bakit pa kayo nagsasalita
ng walang kabuluhan sa akin?
13“Ito ang kapalarang itinakda
ng Diyos na Makapangyarihan
sa taong masama at malupit.
14Kahit gaano kadami ang anak niya,
mamamatay ang iba sa kanila sa digmaan
at ang iba naman ay sa gutom.
15Ang matitira sa kanila
ay mamamatay sa sakit,
at walang magluluksa
sa pagkamatay nila,
kahit ang kanilang mga asawa.
16Mag-ipon man ng maraming pilak
ang masamang tao,
kahit kasindami pa ito ng alabok
at maraming damit,
na ang dami ay gabundok
17ang matutuwid
at walang kasalanan pa rin
ang magsusuot ng kanyang mga damit
at ang maghahati-hati
sa kanyang mga pilak.
18Ang itinatayo niyang bahay
ay parang sapot ng gagamba
o kayaʼy silungan ng tagapagbantay.
19Matutulog siyang mayaman
ngunit paggising niyaʼy
wala na ang kanyang kayamanan.
20Darating sa kanya ang takot
na parang rumaragasang baha
at tatangayin siya ng ipuipo
pagsapit ng gabi.
21Tatangayin siya ng hanging
mula sa silangan
at mawawala siya sa kanyang tirahan.
22Walang awa siyang tatangayin nito
habang pinipilit niyang makatakas.
23May mga papalakpak
at susutsot sa kanya upang mangutya,
dahil wala na siya sa kanyang tinitirhan.”