1Sinabi pa ni Elihu,
2“Sa wari mo baʼy tama ka
kapag sinabi mong, ‘Ako ang tama,
hindi ang Diyos.’
3Ngunit sabi mo rin,
‘Anong pakinabang sa akin,
ano namang makukuha ko
kapag akoʼy hindi gagawa
ng kasalanan?’
4“Sasagutin kita pati na
ang iyong mga kaibigan.
5Tumingin ka sa langit
at tingnan mo kung gaano kataas ang ulap.
6Kung magkasala ka man,
apektado ba ang Diyos?
Kung patuloy ka mang magkasala,
may magagawa ba iyon sa kanya?
7Kung matuwid ka,
ano naman ang kabutihang
maibibigay nito sa Diyos?
8Ang maaapektuhan lamang
sa ginagawa mong mabuti o masama
ay ang iyong kapwa tao.
9“Ang mga inaapi ay humihingi
ng tulong na iligtas sila
sa kamay ng mga makapangyarihang tao.
10Ngunit walang nagsasabi,
‘Nasaan ang Diyos na aking Manlilikha,
na nagbibigay ng mga awitin sa gabi?
11Nasaan ang nagtuturo
at nagpapatalino sa atin
nang higit pa sa mga ibon
sa kalangitan?’
12At kung mananalangin sila,
hindi sila sinasagot ng Diyos
dahil mayayabang sila at masasamang tao.
13Tunay ngang hindi dinidinig
ng Diyos na Makapangyarihan
ang walang kabuluhang
paghingi nila ng tulong.
14Lalo ka lang niyang hindi pakikinggan
kung sasabihin mong hindi mo nakikita
ang kanyang tulong
nang idinulog mo ang iyong kalagayan,
at pinaghihintay ka lang.
15Sinabi mo rin na
hindi nagpaparusa ang Diyos
kahit galit siya,
at hindi niya pinapansin
ang kasamaang ginagawa ng tao.
16Job, walang saysay
ang sinasabi mo.
Talagang malinaw na hindi mo alam
ang iyong sinasabi.”