Job 39

1“Alam mo ba kung kailan nanganganak

ang mga kambing sa gubat?

Nakakita ka na ba ng usa

na nanganganak?

2Binibilang mo ba ang mga buwan

ng kanilang pagbubuntis

hanggang sa sila ay manganak?

At alam mo rin ba

kung kailan sila manganganak?

3Nakayukyok silaʼt nagtitiis ng hirap

hanggang sa makapanganak.

4Paglaki ng kanilang mga anak sa kagubatan,

umaalis sila at hindi na bumabalik.

5“Sino ang nagpakawala

sa asnong-gubat?

Sino ang nagkalas ng tali nito?

6Ibinigay ko sa kanya ang ilang

upang kanyang tirhan,

pinatira ko siya sa lupaing pinabayaan.

7Lumalayo siya sa maingay na bayan

at ayaw niyang siya ay mapaamo.

8Paikot-ikot siya sa mga kabundukan

upang maghanap ng sariwang pastulan.

9“Papayag ba ang bakang-gubat

na pagsilbihan ka?

Mapapanatili mo kaya siya

sa kanyang sabsaban kung gabi?

10Matatalian mo kaya siya

at mapag-aararo sa iyong bukid?

11Makakaasa ka kaya sa lakas niya

upang gawin ang mabibigat na gawain?

12Maaasahan mo kaya siyang

tipunin at hakutin

ang iyong ani papunta sa giikan?

13“Pumapagaspas nang may kagalakan

ang mga pakpak ng abestrus,

ngunit hindi nito mapapantayan

ang mga pakpak at balahibo ng tagak.

14Iniiwanan ng malaking ibong ito

ang kanyang mga itlog sa lupa

upang mainitan sa buhanginan.

15Hindi siya nag-aalalang

baka matapakan ito o madaganan

ng mga hayop sa gubat.

16Malupit siya sa kanyang mga sisiw,

parang hindi kanya kung ituring.

Hindi siya nag-aalala

na ang pinaghirapan niya

ay mawawalan ng kabuluhan.

17Sapagkat hindi siya binigyan

ng Diyos ng karunungan

at hindi rin binahagian

ng pang-unawa.

18Ngunit kapag tumakbo na siya,

tinatawanan niya ang kabayo

at ang sakay nito.

19“Ikaw ba ang nagbibigay

ng lakas sa kabayo?

Ikaw din ba ang naglagay

ng buhok sa kanyang leeg?

20Ikaw ba ang nagpapalukso sa kanya

gaya ng isang balang

at nagiging kagimbal-gimbal

kapag itoʼy sumisinghal?

21Kumakahig siya sa lupa

na parang ipinagmamalaki

ang kanyang lakas.

Pagkatapos ay sumusugod siya sa digmaan.

22Wala siyang kinatatakutan,

ni hindi siya natatakot sa espada.

23Kumakalansing at kumikislap

ang mga sandata ng sumasakay sa kanya.

24Lumilipad ang alikabok

sa bilis ng kanyang pagtakbo.

Hindi na siya mapigilan

kapag tumunog na ang trumpeta.

25Sumisinghal siya

kapag naririnig ang trumpeta.

Naaamoy niya ang digmaan

kahit sa malayo,

at naririnig niya ang ingay ng digmaan

at ang sigaw ng mga kumander.

26“Ang karunungan mo ba

ang nagpapalipad sa lawin

para ibuka ang pakpak nito

patungo sa timog?

27Ikaw ba ang nag-uutos

sa agila na lumipad

at gumawa ng kanyang pugad

sa mataas na dako?

28Nakatira ang agila

sa mataas na bato.

Ang matarik na lugar

ang kanyang taguan.

29Mula doon naghahanap

siya ng madadagit,

kahit ang malayo

ay naaabot ng kanyang paningin.

30At kapag may nakita siyang bangkay

ay pinupuntahan niya,

at ang dugo nito ang iniinom

ng kanyang mga inakay.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.