1Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo sa mga paring mula sa angkan ni Aaron: ‘Huwag ninyong dudungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng paglapit o paghipo sa bangkay ng tao,
2maliban na lamang kung ang namatay ay malapít ninyong kamag-anak gaya ng inyong ina, ama, anak, kapatid na lalaki,
3o dalagang kapatid at walang inaasahan kundi kayo.
4Huwag din ninyong dungisan ang inyong sarili sa inyong pagpunta sa libing ng kamag-anak ng inyong asawa.
5“ ‘Huwag ninyong aahitin ang inyong buhok o puputulan ang inyong balbas o susugatan ang inyong katawan.
6Italaga ninyo ang inyong sarili para akin na inyong Diyos, at huwag ninyong lapastanganin ang aking pangalan. Maging banal dapat kayo, sapagkat kayo ang nag-aalay ng mga handog na pagkain para sa akin na inyong Panginoon na inyong Diyos.
7“ ‘Huwag kayong mag-asawa ng babaeng marumi dahil nagbebenta siya ng panandaliang aliw, o ng babaeng hiwalay sa asawa, dahil kayoʼy hinirang para maglingkod sa akin na inyong Diyos.
8Kinakailangang kayo ay ituring na banal ng inyong kapwa Israelita dahil kayo ang nag-aalay ng mga handog para sa akin na inyong Diyos. Dapat nila kayong ituring na banal dahil ako, ang Panginoon , ay banal at ginawa kong banal ang aking mga tao.[#21:8 : O itinalaga ko sila para sa akin.]
9“ ‘Kung kayoʼy may anak na babae na nagdudulot ng kahihiyan dahil sa pagbebenta niya ng panandaliang aliw, siyaʼy ituturing na marumi, dapat siyang sunugin.
10“ ‘Kung ang punong pari, na binuhusan ng langis sa ulo at pinili para siya ang magsuot ng kasuotan ng pari ay namatayan ng kamag-anak, hindi niya dapat guluhin ang kanyang buhok ni punitin ang kanyang damit bilang tanda ng pagluluksa.
11Hindi rin siya dapat pumunta sa lugar na may patay. Kailangang iwasan niyang maging marumi kahit pa ang namatay ay kanyang ama o ina.
12Hindi siya dapat umalis sa santuwaryo ng kanyang Diyos para sumama sa libing, dahil kung gagawin niya iyon ay magiging marumi ang santuwaryo. Sapagkat siya ay itinalaga bilang punong pari sa pamamagitan ng pagpapahid sa kanya ng langis ng olibo. Ako ang Panginoon .
13-14“ ‘Kung ang punong pari ay mag-aasawa, dapat Israelitang katulad niya at isang birhen. Huwag siyang mag-aasawa ng biyuda, o ng babaeng hiwalay sa asawa, o ng isang maruming babae,
15nang sa gayoʼy hindi niya malagay sa kahihiyan ang kanyang magiging mga anak sa harapan ng kanyang angkan. Ako ang Panginoon na humirang sa kanya.’ ”
16Sinabi ng Panginoon kay Moises,
17“Sabihin mo kay Aaron: ‘Hanggang sa susunod pang mga henerasyon, walang sinumang may kapansanan sa iyong angkan ang makakalapit para maghandog ng mga handog na pagkain sa akin, ang Panginoon na kanyang Diyos.
18Hindi maaari ang bulag, pilay, may kapansanan ang mukha, may kapansanan ang isang bahagi ng katawan,
19bali ang paa o kamay,
20kuba, unano, may sakit sa mata o sa balat, o baog.
21Ang sinumang angkan ng paring si Aaron na may kapansanan ay hindi maaaring maghandog ng mga handog na pagkain sa akin na Panginoon , na kanyang Diyos.
22Maaari siyang kumain ng mga pagkaing bahagi ng mga pari sa mga napakabanal na handog sa akin na kanyang Diyos, gayundin sa mga banal na handog.
23Ngunit dahil sa kanyang kapansanan, hindi siya maaaring pumasok sa Banal na Lugar o lumapit sa altar dahil madudungisan ang Tolda. Ako ang Panginoon at ibinukod ko kayo para maging banal.’ ”
24Ang lahat ng ito ay sinabi ni Moises kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki at sa lahat ng mga Israelita.