Leviticus 7

Tungkol sa Handog Bilang Kabayaran ng Pagkakasala

1“ ‘Ito ang mga tuntunin tungkol sa handog bilang kabayaran ng pagkakasala. Napakabanal ng handog na ito.

2Ang handog bilang kabayaran ng pagkakasala ay doon papatayin sa patayan ng mga handog na sinusunog. At ang dugo nitoʼy iwiwisik sa paligid ng altar.

3Ang lahat ng taba nito ay ihahandog – ang matabang buntot, ang tabang bumabalot sa lamang-loob,

4ang mga bato at ang taba nito, pati na ang maliit na bahagi ng atay.

5Lahat ng itoʼy susunugin ng pari sa altar bilang handog sa Panginoon sa pamamagitan ng apoy. Itoʼy handog bilang kabayaran ng pagkakasala.

6Ang matitira ay maaaring kainin ng mga lalaking anak ng mga pari, pero dapat nila itong kainin sa isang banal na lugar dahil napakabanal nito.

7“ ‘Iisa ang tuntunin sa handog para sa kasalanan at sa handog bilang kabayaran ng pagkakasala. Ang karne sa mga handog na ito ay para sa paring naghandog nito.

8Ang balat naman ng hayop na inialay bilang handog na sinusunog ay para rin sa paring nag-alay nito.

9Ganoon din sa lahat ng handog na butil na inialay bilang handog na pagkaing butil sa Panginoon , na niluto sa hurno o sa kawali.

10At ang lahat ng handog na pagkaing butil, may halo man itong langis ng olibo o wala ay para na sa mga paring mula sa angkan ni Aaron at paghahati-hatian nila ito ng pantay-pantay.

Tungkol sa Handog Pangkapayapaan

11“ ‘Ito ang mga tuntunin tungkol sa handog pangkapayapaan na iniaalay sa Panginoon :

12“ ‘Kung ang hayop na handog ay inialay bilang handog pasasalamat, sasamahan ito ng makapal na tinapay na hinaluan ng langis ng olibo ngunit walang halong pampaalsa, manipis na tinapay na pinahiran ng langis ng olibo, at tinapay na mula sa magandang klase ng harina na hinaluan ng langis ng olibo.

13Maliban dito, magdadala rin siya ng handog na tinapay na may pampaalsa bilang handog pangkapayapaan

14Mag-aalay siya mula sa bawat uri ng tinapay na ito bilang kaloob sa Panginoon . At ang mga tinapay na ito na iaalay ay para sa paring nagwiwisik ng dugo ng hayop na handog pangkapayapaan doon sa altar.

15Ang karne ng handog pangkapayapaan bilang pasasalamat ay dapat kainin ng taong nag-alay nito at ng sambahayan niya at ng mga pari sa araw ding iyon, at dapat walang matira kinaumagahan.

16“ ‘Ngunit kung ang kanyang handog pangkapayapaan ay inialay niya bilang handog para tuparin ang isang panata o handog na kusang-loob, ang karne ay makakain sa araw ng paghahandog at ang matitira ay maaari pa ring kainin kinabukasan.

17At kung mayroon pa ring matira hanggang sa pangatlong araw, dapat na itong sunugin.

18Kapag may kumain pa nito sa pangatlong araw, hindi na tatanggapin ng Panginoon ang handog na ito at magiging walang kabuluhan ang handog niya. Ang handog na ito ay ituturing na kasuklam-suklam at magiging pananagutan pa ng sinumang kumain nito.

19“ ‘Kapag ang karne ay hindi sinasadyang nadikit sa anumang bagay na itinuturing na marumi, hindi na iyon dapat kainin, kundi susunugin na lang. Tungkol sa mga karneng maaaring kainin, itoʼy maaaring kainin ng sinumang itinuturing na malinis ayon sa batas.

20Ngunit ang sinumang itinuturing na marumi at kakain ng karneng handog pangkapayapaan para sa Panginoon ay ititiwalag ng kanyang kababayan.[#7:20 : Ang ibig sabihin, hindi karapat-dapat na makisama sa kanilang seremonyang panrelihiyon.]

21Ang sinumang nakahipo ng mga bagay na itinuturing na marumi, katulad ng dumi o sakit ng taong nakakahawa, hayop na itinuturing na marumi, o anumang bagay na kasuklam-suklam at pagkatapos ay kumain ng karne na inihandog sa Panginoon ay huwag na ninyong ituring na kababayan.’ ”

Pagbabawal ng Pagkain ng Dugo at Taba

22Sinabi ng Panginoon kay Moises,

23“Sabihin mo ito sa mga Israelita: ‘Huwag kayong kakain ng taba ng baka, tupa o kambing.

24Ang taba ng hayop na namatay o pinatay ng ibang hayop ay maaari ninyong gamitin sa anumang nais ninyo, pero huwag ninyong kakainin.

25Ang sinumang kakain ng taba ng hayop na maaaring ihandog sa Panginoon ay huwag na ninyong ituring na kababayan.[#7:25 : O inihandog.]

26At saan man kayo tumira, huwag kayong kakain ng dugo ng hayop o ibon.

27Ang sinumang kakain ng dugo ay itiwalag na ninyo sa sambayanan.’ ”

Ang Bahagi ng mga Pari sa mga Handog

28Sinabi pa ng Panginoon kay Moises,

29“Sabihin ito sa mga Israelita: ‘Ang sinumang mag-aalay ng handog pangkapayapaan ay dapat magbukod ng bahagi ng handog na iyon para sa Panginoon na ibibigay sa mga pari.

30At ang bahaging iyon ng handog na pagkain ay dadalhin mismo ng maghahandog sa altar upang ialay sa Panginoon ; ang taba at pitso ng hayop, at itataas niya ang pitso sa presensya ng Panginoon bilang handog na itinataas.

31Pagkatapos, susunugin ng paring namumuno ng seremonya ang taba sa altar, pero ang pitso ay para kay Aaron at sa kanyang angkan.

32-33Ang kanang hita ng hayop na inihandog bilang handog pangkapayapaan ay ibibigay sa paring naghahandog ng dugo at taba nito.

34Sapagkat ibinigay ng Panginoon ang pitso at paa ng inyong handog sa paring si Aaron at sa kanyang mga angkan. Ito ang bahaging para sa kanila magpakailanman.’ ”

35Iyon ang bahagi ng mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon na ibinigay kay Aaron at sa kanyang mga angkan mula sa araw na silaʼy itinalagang maglingkod sa Panginoon bilang mga pari.

36Nang araw na inordinahan sila, nag-utos ang Panginoon sa mga Israelita na dapat nilang ibigay ang bahaging iyon ng mga pari na para sa kanila magpakailanman, at dapat nila itong sundin hanggang sa susunod pang mga henerasyon.

37Iyon ang mga tuntunin para sa handog na sinusunog, handog na butil, handog para sa kasalanan, handog bilang kabayaran ng pagkakasala, handog para sa pagtatalaga at handog pangkapayapaan.

38Ang mga tuntuning ito ay ibinigay ng Panginoon kay Moises doon sa ilang sa Bundok ng Sinai, noong nag-utos ang Panginoon sa mga Israelita na maghandog sa kanya.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.