Mga Bilang 13

Ang mga Espiya

(Deu. 1:19‑33)

1Sinabi ng Panginoon kay Moises,

2“Magpadala ka ng mga tao bilang espiya sa Canaan – ang lupain na ibibigay ko sa inyong mga Israelita. Ang mga tao na iyong ipapadala ay ang mga pinuno ng bawat lahi ng Israel.”

3Kaya sinunod ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon . Ipinadala niya sa Canaan ang mga pinuno ng mga Israelita mula roon sa Disyerto ng Paran.

mula sa lahi ni Ruben, si Shamua na anak ni Zacur;

5mula sa lahi ni Simeon, si Shafat na anak ni Hori;

6mula sa lahi ni Juda, si Caleb na anak ni Jefune;

7mula sa lahi ni Isacar, si Igal na anak ni Jose;

8mula sa lahi ni Efraim, si Hoshea na anak ni Nun;

9mula sa lahi ni Benjamin, si Palti na anak ni Rafu;

10mula sa lahi ni Zebulun, si Gadiel na anak ni Sodi;

11mula sa lahi ni Manases na anak ni Jose, si Gadi na anak ni Susi;

12mula sa lahi ni Dan, si Amiel na anak ni Gemali;

13mula sa lahi ni Asher, si Seteur na anak ni Micael;

14mula sa lahi ni Neftali, si Nabi na anak ni Vofsi;

15mula sa lahi ni Gad, si Geuel na anak ni Maki.

17Bago sila pinaalis ni Moises para mag-espiya sa Canaan, sinabi ni Moises sa kanila, “Maglakad kayo pahilaga at pumunta sa Negeb, at dumiretso sa kabundukan.

18Tingnan ninyo kung ano ang itsura ng lupain, at kung malakas ba o mahina ang mga tao roon, at kung marami sila o kaunti lang.

19Tingnan ninyo kung anong klase ng lupain ang kanilang tinitirhan, kung mabuti o hindi. Tingnan ninyo ang kanilang bayan kung napapalibutan ng pader o hindi.

20Tingnan din ninyo kung masagana ang lupa o hindi, at kung may mga puno o wala. At pagsikapan ninyong makapagdala ng prutas sa inyong pagbalik.” (Panahon noon ng paghinog ng ubas.)

21Kaya naglakad sila at tinanaw nila ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob malapit sa Lebo-hamat.

22Nag-umpisa sila sa Negeb hanggang sa nakarating sila sa Hebron, kung saan nakatira sina Ahiman, Sesai at Talmai, na mga lahi ni Anak. (Itinayo ang Hebron pitong taon bago itinayo ang Zoan sa Ehipto.)

23Pagdating nila sa Lambak ng Eshcol, pumutol sila ng isang kumpol ng ubas. Masyadong mabigat ito kaya itinali nila ito sa isang tukod at magkatulong na binuhat ng dalawang tao. Nagdala rin sila ng mga prutas na pomegranata at igos.

24Tinatawag ang lugar na iyon na Lambak ng Eshcol dahil sa kumpol ng ubas na pinutol ng mga Israelita.[#13:24 : Ang ibig sabihin, kumpol.]

Ang Ulat ng mga Espiya

25Pagkatapos ng apatnapung araw na pag-espiya sa lupain, bumalik sila

26kina Moises, Aaron at sa buong mamamayan ng Israel sa Kades, doon sa disyerto ng Paran. Sinabi nila sa buong kapulungan ang kanilang nakita, at ipinakita nila ang kanilang dalang mga prutas.

27Sinabi nila kay Moises, “Pumunta kami sa lugar na pinapuntahan mo sa amin, at ito ngaʼy lupaing masagana sa gatas at pulot. Sa katunayan, heto ang mga prutas.

28Ngunit makapangyarihan ang mga taong nakatira roon, at malalaki ang kanilang mga lungsod at napapalibutan ng mga pader. Nakita pa namin ang mga lahi ni Anak.

29Nakatira ang mga Amalekita sa Negeb; ang mga Heteo, Jebuseo at mga Amoreo sa kabundukan; at ang mga Cananeo naman ay nakatira malapit sa dagat at sa Kapatagan ng Jordan.”

30Pinakalma ni Caleb ang mga tao sa harapan ni Moises, at sinabi niya, “Lalakad tayo at sasakupin natin ang lupain, dahil nasisiguro kong maaagaw natin ito.”

31Ngunit sinabi ng mga tao na sumáma kay Caleb para mag-espiya, “Hindi natin makakaya ang pagsalakay sa kanila dahil mas malakas sila sa atin.”

32At ipinalaganap nila sa mga Israelita ang masamang balita tungkol sa lupain na kanilang tiningnan. Ito ang kanilang sinabi, “Hindi maganda ang lupaing nakita namin doon, at hindi lang iyan, malalaki ang mga taong nakita namin doon, sobrang tangkad.

33May nakita pa kaming mga higante, na mga lahi ni Anak. Pakiramdam namiʼy mga tipaklong lang kami kumpara sa kanila, at ganyan din ang kanilang tingin sa amin.”[#13:33 : Sa Hebreo, . Tingnan sa Gen. 6:1‑4.]

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.