Mga Bilang 4

Ang Angkan ni Kohat

1Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron,

2“Bilangin at ilista ninyo ang mga angkan ni Kohat na sakop ng mga Levita, ayon sa kanilang pamilya.

3Isama ninyo sa bilang ang lahat ng lalaking may edad na tatlumpu hanggang limampung taóng gulang na may kakayahang maglingkod sa Toldang Tipanan.

4“Ang mga gawain ng mga angkan ni Kohat sa Toldang Tipanan ay ang pag-aasikaso ng mga napakabanal na bagay.

5Kung aalis na kayo sa inyong pinagkakampuhan, si Aaron at ang mga anak niya ay papasok sa Tolda at kukunin ang kurtina sa loob at itataklob ito sa Kahon ng Kasunduan.

6At tatakluban nila ito ng magandang klase ng balat at ng telang asul, at pagkatapos ay isusuot nila sa mga argolya ang mga pambuhat nito.[#4:6 : Maaaring ang ibig sabihin nito sa Hebreo ay balat ng nilalang sa dagat. Ganito rin sa talata 8|NUM 4:8, 10|NUM 4:10, 11|NUM 4:11, 12|NUM 4:12, 14|NUM 4:14, at 25|NUM 4:25.]

7“Sasapinan din nila ng asul na tela ang mesang nilalagyan ng tinapay na iniaalay sa harapan ng Diyos; at ilalagay nila sa mesa ang mga pinggan, mga tasa, mga mangkok, mga banga na lalagyan ng mga handog na inumin, at hindi aalisin ang mga tinapay na laging nasa mesa.

8Pagkatapos, tatakluban nila ito ng telang pula, at tatakluban pa ng magandang klase ng balat at pagkatapos ay isusuot ang mga pambuhat nito sa lalagyan.

9“Ang mga lalagyan ng ilaw ay babalutin nila ng telang asul, pati ang mga ilaw nito, ang mga panggupit ng mitsa ng ilaw, ang mga lalagyan ng upos na mula sa ilawan at mga banga na lalagyan ng langis ng ilaw.

10Pagkatapos, babalutin nila itong lahat ng magandang klase ng balat at itatali sa tukod na pambuhat.

11“Tatakluban din nila ng telang asul ang gintong altar at tatakluban pa ng magandang klase ng balat, at pagkatapos, isusuot sa mga argolya ang mga pambuhat nito.

12“Ang mga natirang kagamitan sa Banal na Lugar na ginagamit sa paglilingkod sa templo ay babalutin din nila ng telang asul at tatakluban ng magandang klase ng balat ng hayop at itatali sa tukod na pambuhat.

13“Kailangang alisin ang abo sa altar, at takluban ito ng telang kulay ube.

14At ilalagay nila sa altar ang lahat ng kagamitan nito: Ang lalagyan ng baga, ang malalaking tinidor para sa karne, ang mga pala at ang mga mangkok. Tatakluban nila ito ng magandang klase ng balat at isusuot nila sa argolya ang mga pambuhat nito.

15“Matapos takluban ni Aaron at ng mga anak niya ang Toldang Tipanan at ang lahat ng kagamitan nito, dadalhin ito ng angkan ni Kohat kapag aalis na sila sa kanilang pinagkakampuhan. Ngunit hindi nila hahawakan ang mga banal na bagay para hindi sila mamatay. Ito nga ang mga kagamitan ng Toldang Tipanan na dadalhin ng mga angkan ni Kohat.

16“Si Eleazar na anak ng paring si Aaron ang naatasang mag-asikaso sa langis para sa mga ilaw, sa insenso, sa araw-araw na handog na pagkaing butil para sa akin at sa langis na pamahid. Siya ang mamamahala sa buong Tolda at sa lahat ng kagamitan nito.”

17Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron,

18“Huwag ninyong pabayaang mawala ang pamilya ni Kohat sa mga Levita.

19Ganito ang inyong gagawin para hindi sila mamatay kapag lumapit sila sa mga napakabanal na bagay: Sasamahan sila ni Aaron at ng mga anak nito kapag papasok na sila sa Tolda at sasabihin sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin at kung ano ang kanilang dadalhin.

20Kung hindi sila sasamahan, hindi sila dapat pumasok para tingnan ang banal na mga bagay, kahit sandali lang, upang hindi sila mamatay.”

Ang mga Angkan ni Gershon

21Sinabi ng Panginoon kay Moises,

22“Isensus ninyo ang mga angkan ni Gerson ayon sa kanilang pamilya.

23Isama ninyo sa sensus ang lahat ng lalaking may edad tatlumpu hanggang limampung taóng gulang na may kakayahang maglingkod sa Toldang Tipanan.

24“Ang mga gawain ng mga angkan ni Gerson ay ang pagdadala ng mga sumusunod:

25mga kurtina ng Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan, ang lahat ng pantaklob nito at ang mga kurtina sa pintuan,

26mga kurtina sa bakuran na nakapalibot sa Tolda at altar, ang kurtina sa pintuan ng bakuran, ang mga panali at ang lahat ng kagamitan na ginagamit sa paglilingkod sa Tolda. Sila ang gagawa ng lahat ng mga gawain na may kinalaman sa mga kagamitang ito.

27Si Aaron at ang mga anak niya ang mamamahala sa mga angkan ni Gerson tungkol sa kanilang mga gawain, magdadala man ng mga kagamitan o gagawa ng ibang mga gawain. Kayo ni Aaron ang magsasabi kung ano ang kanilang dadalhin.

28Iyon ang mga gawain ng mga angkan ni Gerson sa Toldang Tipanan. Pangungunahan sila ni Itamar na anak ng paring si Aaron.”

Ang mga Angkan ni Merari

29“Bilangin mo rin ang mga angkan ni Merari ayon sa kanilang pamilya.

30Isama mo sa bilang ang lahat ng lalaking may edad tatlumpu hanggang limampung taóng gulang na may kakayahang maglingkod sa Toldang Tipanan.

31Ito ang kanilang mga gawain sa Toldang Tipanan: Sila ang magdadala ng mga balangkas ng Tolda, mga biga nito, mga haligi at ng mga pundasyon.

32Sila rin ang naatasan sa pag-aasikaso ng mga haliging pinagkakabitan ng mga kurtina ng bakuran na nakapalibot sa Tolda pati ng mga pundasyon, mga tulos at mga tali. At sila rin ang gagawa ng mga gawaing kaugnay sa mga kagamitang ito. Kayo ni Aaron ang magsasabi sa bawat isa sa kanila kung ano ang kanilang dadalhin.

33Iyon ang mga gawain ng mga angkan ni Merari sa Toldang Tipanan. Pangungunahan sila ni Itamar na anak ng paring si Aaron.”

Ang Pagbibilang sa mga Levita

34Bilang pagsunod sa utos ng Panginoon , inilista nina Moises, Aaron at ng mga pinuno ng mga mamamayan ng Israel ang mga angkan nina Kohat, Gershon at Merari ayon sa bawat pamilya nito.

35Inilista nila ang lahat ng lalaking may edad tatlumpu hanggang limampung taóng gulang na may kakayahang maglingkod sa Toldang Tipanan,

36at ang bilang nila ay 2,750.

37Ito ang kabuuan ng lahat nang nagmula sa lahi ni Kohat na naglingkod sa Toldang Tipanan. Binilang sila nina Moises at Aaron ayon sa kautusan ng Panginoon kay Moises.

38Binilang ang lahi ni Gerson ayon sa kanilang angkan at pamilya.

39Inilista nila ang lahat ng lalaking may edad tatlumpu hanggang limampung taóng gulang na may kakayahang maglingkod sa Toldang Tipanan,

40at ang bilang nila ay 2,630.

41Ito ang kabuuan ng lahat nang nagmula sa lahi ni Gerson na naglingkod sa Toldang Tipanan. Binilang sila nina Moises at Aaron ayon sa kautusan ng Panginoon kay Moises.

42Binilang ang lahi ni Merari ayon sa kanilang angkan at pamilya.

43Inilista nila ang lahat ng lalaking may edad tatlumpu hanggang limampung taóng gulang na may kakayahang maglingkod sa Toldang Tipanan,

44at ang bilang nila ay 3,200.

45Ito ang kabuuan ng lahat nang nagmula sa lahi ni Merari na naglingkod sa Toldang Tipanan. Binilang sila nina Moises at Aaron ayon sa kautusan ng Panginoon kay Moises.

46Kaya binilang ni Moises, Aaron, at ng mga pinuno ng Israel ang lahat ng Levita ayon sa kanilang mga angkan at pamilya.

47Inilista nila ang lahat ng lalaking may edad tatlumpu hanggang limampung taóng gulang na may kakayahang maglingkod sa Toldang Tipanan,

48at ito ang kabuuang bilang nila ay 8,580.

49Kaya ayon sa utos ng Panginoon kay Moises, binilang ang bawat isa sa kanila at binigyan ng kanya-kanyang gawain at sinabihan kung ano ang kanilang dadalhin.

At ganoon nga ang pagkabilang sa kanila, ayon sa ipinag-utos ng Panginoon kay Moises.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.