Salmo 109

Salmo 109

1O Diyos na aking pinapupurihan,

dinggin nʼyo ang aking panawagan!

2Dahil akoʼy pinagbibintangan

ng mga sinungaling at masasamang tao.

Nagsasalita sila ng kasinungalingan

laban sa akin.

3Sinisiraan nila ako

at sinusugod nang walang dahilan.

4Kahit nakikipagkaibigan ako sa kanila

ay inaakusahan pa rin nila ako,

ngunit ipinapanalangin ko pa rin sila.

5Sa kabutihang ginagawa ko sa kanila,

masama ang iginaganti nila.

At sa aking pag-ibig, ibinabalik nilaʼy galit.

6Sinasabi nila,[#109:6 : O Sinasabi ko.]

“Maghanap tayo ng masamang tao

na kakalaban sa kanya,

at magsasampa ng kaso sa hukuman laban sa kanya.

7At kapag hinatulan na siya,

lumabas sana na siya ang may kasalanan,

at ituring din na kasalanan ang kanyang mga panalangin.

8Mamatay na sana siya agad

at ibigay na lang sa iba ang katungkulan niya.

9At nang maulila ang kanyang mga anak

at mabiyuda ang kanyang asawa.

10Maging palaboy sana at mamalimos

ang kanyang mga anak

at palayasin sila kahit na sa kanilang ginibang tahanan.

11Kunin sana ng kanyang pinagkakautangan

ang kanyang mga ari-arian,

at agawin ng mga dayuhan

ang kanyang pinaghirapan.

12Wala sanang maawa sa kanya

at sa mga naulila niyang mga anak

kapag siyaʼy namatay na.

13Mamatay sana ang kanyang mga angkan

upang silaʼy makalimutan na ng susunod na salinlahi.

14-15Huwag sanang patawarin

at kalimutan ng Panginoon ang mga kasalanan

ng kanyang mga magulang at mga ninuno;

at lubusan na sana silang makalimutan sa mundo.

16“Dahil hindi niya naiisip na gumawa ng mabuti,

sa halip ay inuusig at pinapatay niya

ang mga dukha, ang mga nangangailangan

at ang mga nawalan ng pag-asa.

17Gustong-gusto niyang sumpain ang iba,

kaya sa kanya na lang sana mangyari

ang kanyang sinabi.

Ayaw niyang pagpalain ang iba

kaya sana hindi rin siya pagpalain.

18Walang tigil niyang isinusumpa ang iba;

parang damit na lagi niyang suot.

Bumalik sana ito sa kanya na parang tubig

na nanunuot sa kanyang katawan,

at parang langis na tumatagos

sa kanyang mga buto.

19Sanaʼy hindi na ito humiwalay sa kanya

na parang damit na bumabalot sa katawan

o sinturon na palaging nakabigkis.

20Panginoon , sanaʼy maging ganyan ang inyong parusa

sa mga nagpaparatang at nagsasalita

ng masama laban sa akin.

21“Ngunit Makapangyarihang Panginoon ,

tulungan nʼyo ako para kayo ay maparangalan.

Iligtas nʼyo ako

dahil kayo ay mabuti at mapagmahal.

22Dahil akoʼy dukha at nangangailangan,

at ang damdamin koʼy nasasaktan.

23Unti-unti nang nawawala ang aking buhay.

Itoʼy parang anino na nawawala pagsapit ng gabi,

at parang balang na lumilipad

at nawawala kapag nagalaw ang dinadapuan.

24Nanghihina ang mga tuhod ko

dahil sa pag-aayuno.

Akoʼy payat na payat na.

25Akoʼy kinukutya ng aking mga kaaway.

Iiling-iling sila kapag akoʼy nakita.

26Panginoon kong Diyos,

iligtas nʼyo ako ayon sa pag-ibig nʼyo sa akin.

27At malalaman ng aking mga kaaway

na kayo Panginoon ang nagligtas sa akin.

28Isinusumpa nila ako,

ngunit pinagpapala nʼyo ako.

Silaʼy mapapahiya kapag akoʼy sinalakay nila!

Ngunit akong inyong lingkod ay magagalak.

29Silang nagbibintang sa akin

ay lubusan sanang mapahiya;

mabalot sana sila sa kahihiyan

tulad ng damit na tumatakip sa buong katawan.

30“Pupurihin ko ang Panginoon ,

pupurihin ko siya sa harapan ng maraming tao.

31Dahil tinutulungan niya ang mga dukha

upang iligtas sila sa mga nais magpahamak sa kanila.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.