1Nakita kong tinanggal ng Kordero ang una sa pitong selyo ng nakarolyong kasulatan. At narinig kong nagsalita sa tinig na parang kulog ang isa sa apat na buháy na nilalang: “Halika!” ang sabi niya.
2Pagtingin ko, nakita ko ang isang puting kabayo. Ang nakasakay sa kabayo ay may hawak na pana. Binigyan siya ng korona, at umalis siya upang lumusob at magtagumpay sa pakikipagdigma.
3Nang matanggal ng Kordero ang ikalawang selyo, narinig kong sinabi ng ikalawang buháy na nilalang, “Halika!”
4At lumitaw ang isang pulang kabayo. Ang nakasakay ay pinahintulutang alisin ang kapayapaan sa lupa; binigyan siya ng kapangyarihang alisin ang kapayapaan sa mundo upang magpatayan ang mga tao. Ibinigay sa kanya ang isang malaking espada.
5Nang matanggal ng Kordero ang ikatlong selyo, narinig kong sinabi ng ikatlong buháy na nilalang, “Halika!” Pagtingin ko, nakita ko ang isang itim na kabayo. Ang nakasakay ay may hawak na timbangan.
6May narinig akong parang tinig mula sa kalagitnaan ng apat na buháy na nilalang na nagsasabing, “Ang presyo ng isang kilo ng trigo ay dapat isang araw na sahod, at ganoon din ang presyo ng tatlong kilo ng sebada. Ngunit huwag mong sirain ang langis at alak!”
7Nang matanggal ng Kordero ang ikaapat na selyo, narinig kong sinabi ng ikaapat na buháy na nilalang, “Halika!”
8Pagtingin ko, nakita ko ang isang maputlang kabayo. Ang pangalan ng nakasakay ay Kamatayan, at kasunod nito ang mundo ng mga patay. Ibinigay sa mga ito ang kapangyarihan sa ikaapat na bahagi ng naninirahan sa mundo upang pumatay sa pamamagitan ng digmaan, gutom, sakit at mababangis na hayop.
9Nang matanggal ng Kordero ang ikalimang selyo, nakita ko sa ilalim ng altar ang kaluluwa ng mga taong pinatay dahil sa tapat na pangangaral nila ng salita ng Diyos.
10Sumisigaw sila nang malakas ang tinig, “Panginoong Makapangyarihan, banal at tapat, gaano pa po kami katagal na maghihintay bago ninyo hatulan at parusahan ang mga taong makamundo na pumatay sa amin?”
11Bawat isa sa kanilaʼy binigyan ng puting damit at sinabihang maghintay nang kaunti pang panahon, hanggang sa mabuo ang bilang ng kanilang mga kapatid at kapwa naglilingkod sa Diyos, na papatayin ding tulad nila.
12Nang matanggal ng Kordero ang ikaanim na selyo, lumindol nang malakas. Nagdilim ang araw na kasing-itim ng damit-panluksa, at naging kasimpula ng dugo ang buwan.
13Nahulog sa lupa ang mga bituin, na parang mga hilaw na bunga ng igos na hinahampas ng malakas na hangin.
14Nahawi ang langit tulad ng binilot na papel, at naalis din ang mga bundok at isla sa kinalalagyan nila.
15Nagtago sa mga kuweba at sa malalaking bato sa kabundukan ang mga hari ng mundo, mga pinuno, mga opisyal ng mga kawal, mga mayayaman, mga makapangyarihan, at iba pang tao, alipin man o malaya.
16Sinabi nila sa mga bundok at mga bato, “Tabunan ninyo kami at itago upang hindi namin makita ang mukha ng nakaupo sa trono at upang makaligtas kami sa galit ng Kordero.
17Sapagkat dumating na ang araw na paparusahan nila ang mga tao, at walang sinumang makakapigil sa kanila.”