1Pinatunog ng ikalimang anghel ang kanyang trumpeta, at nakita ko ang isang bituin mula sa langit na nahulog sa lupa. At ibinigay sa kanya ang susi sa pintuan ng kailaliman.[#9:1 : Kulungan ng masasamang espiritu.]
2At nang buksan niya ito, lumabas ang makapal na usok na parang galing sa malaking hurno. Dumilim ang araw at hangin dahil sa usok mula sa kailaliman.
3At mula sa usok, naglabasan ang mga balang at kumalat sa lupa. Binigyan sila ng kapangyarihang manakit tulad ng alakdan.
4Ngunit pinagbawalan silang maminsala ng mga damo o anumang halaman at puno sa lupa, kundi ng mga tao lang na walang tatak ng Diyos sa kanilang noo.
5Pinagbawalan din silang patayin ang mga taong ito, kundi pahirapan lang sa loob ng limang buwan. Ang hapdi ng kagat nila ay katulad ng kagat ng alakdan.
6Kaya sa loob ng limang buwan, mas gugustuhin pa ng mga tao na mamatay, ngunit hindi ito mangyayari kahit gustuhin man nila.
7Ang mga balang ay parang mga kabayong nakahanda sa digmaan. May nakapatong sa mga ulo nila na parang koronang ginto. Ang mga mukha nila ay parang mukha ng tao.
8Mahahaba ang buhok nila tulad ng sa mga babae, at ang ngipin nila ay parang ngipin ng leon.
9Ang kanilang mga dibdib ay may bakal na pananggalang at ang kanilang mga pakpak ay may tunog na katulad ng mga karwaheng hinihila ng mga kabayong sumusugod sa digmaan.
10Ang buntot nilang tulad ng sa alakdan ay may kapangyarihang manakit sa mga tao sa loob ng limang buwan.
11May haring namumuno sa kanila, ang anghel na mula sa kailaliman. Ang pangalan niya sa wikang Hebreo ay Abadon, at Apolyon naman sa wikang Griyego.[#9:11 : Ang ibig sabihin, “mangwawasak.”]
12Lumipas na ang unang lagim; may dalawang lagim pang darating.
13Pinatunog ng ikaanim na anghel ang kanyang trumpeta, at narinig ko ang isang tinig mula sa apat na sulok ng gintong altar na nasa harapan ng Diyos.
14Sinabi ng tinig sa ikaanim na anghel na may trumpeta, “Pakawalan mo na ang apat na anghel na nakagapos doon sa malaking ilog ng Eufrates!”
15Kaya pinakawalan ang apat na anghel na iyon. Inihanda sila noon pa para sa oras na iyon para patayin ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan.
16Narinig ko na ang bilang ng mga hukbo nilang nakasakay sa kabayo ay 200 milyon.
17At nakita ko sa aking pangitain ang mga kabayo at ang mga sakay nito. Ang mga pananggalang ng mga nakasakay ay pula na parang apoy, bughaw na tulad ng jacinto, at dilaw gaya ng asupre. Ang ulo ng mga kabayo ay parang ulo ng leon at sa bibig nila ay may lumalabas na apoy, usok at asupre.
18At sa pamamagitan ng tatlong salot na ito – ang apoy, usok at asupre – namatay ang ikatlong bahagi ng mga tao.
19Ang kapangyarihan ng mga kabayo ay nasa bibig at buntot nila. Ang buntot nila ay may mga ulo na parang mga ahas, at ito ang ginagamit nila sa pananakit ng mga tao.
20Ngunit ang mga taong hindi napatay ng mga salot na ito ay hindi pa rin tumalikod sa mga diyos-diyosang nilikha ng kanilang mga kamay. Patuloy pa rin sila sa pagsamba sa mga demonyo, at mga diyos-diyosang yari sa ginto, pilak, tanso, bato, at kahoy. Ang mga ito ay hindi nakakakita, hindi nakakarinig, at hindi nakakalakad.
21Hindi rin nila pinagsisihan ang kanilang pagpatay, pangkukulam, seksuwal na imoralidad, at pagnanakaw.