1Magtipon kayo at magsama-sama,
kayong mga bansang walang kahihiyan,
2bago dumating ang itinakdang araw
na kayoʼy palalayasin
at ipapadpad na parang mga ipa.
Magsisi na kayo bago dumating
ang araw ng pagbuhos ng Panginoon
ng kanyang matinding poot.
3Kayo namang mga mapagpakumbaba
at sumusunod sa mga utos ng Panginoon ,
hanapin ninyo siya.
Ipagpatuloy ninyong itaguyod
ang katuwiran at pagpapakumbaba.
Baka sakaling ingatan kayo ng Panginoon
sa araw na ibuhos niya ang kanyang galit.
4Wala nang titira sa Gaza
at iiwang wasak ang Ashkelon.
Wala nang tao sa Asdod
pagdating ng tanghaling tapat,
at lalayas na ang mga mamamayan ng Ekron.
5Nakakaawa kayong mga Kereteo[#2:5 : sa Hebreo, Kereteo . Mga taong sakop ng Filistia. At sa talatang ito ay kumakatawan sila sa lahat ng taga-Filistia.]
na nakatira sa tabing-dagat.
Ito ang sinasabi ng Panginoon
laban sa inyo:
“Kayong mga Filisteo sa Canaan,
lilipulin ko kayo,
at walang matitira sa inyo.”
6Kaya ang inyong mga lupain
sa tabing-dagat
ay magiging pastulan
at kulungan ng mga tupa.
7Sasakupin iyon
ng natitirang mga taga-Juda.
Doon sila magpapastol
ng kanilang mga hayop
at pagsapit ng gabi
ay matutulog sila
sa mga bahay sa Ashkelon.
Kahahabagan sila
ng Panginoon na kanilang Diyos
at pauunlarin silang muli.
8Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan,
ang Diyos ng Israel,
“Narinig ko ang pang-iinsulto
at panunuya ng mga taga-Moab at Amonita
sa aking mga mamamayan.
Ipinagyayabang nilang kaya nilang sakupin
ang lupain ng aking mga mamamayan.
9Kaya isinusumpa ko,”
wika ng Makapangyarihang Panginoon ,
ang Diyos ng Israel,
“na wawasakin ko ang Moab at Amon
katulad ng Sodoma at Gomora.
At ang lupain ng Israel
ay hindi na mapapakinabangan
habang panahon.
Tutubuan ito ng mga matitinik na damo,
at mapupuno ng mga hukay
na gawaan ng asin.
Lulusubin ito
ng natitira kong mga mamamayan
at sasamsamin nila
ang mga ari-arian nito.”
10Sinabi ni Zefanias:
Iyan ang ganti sa pagyayabang
ng mga taga-Moab at Amonita.
Sapagkat ipinapahiya nila
at nilalait ang mga mamamayan
ng Panginoon ng mga Hukbo.
11Sisindakin sila ng Panginoon
dahil lilipulin niya ang lahat
ng mga diyos-diyosan
sa buong mundo.
At sasambahin siya ng mga tao
sa lahat ng bansa
sa kani-kanilang bayan.
12Sinabi ng Panginoon ,
“Kayo ring mga taga-Etiopia,
ipapapatay ko kayo sa digmaan.”
13Parurusahan ko rin ang Asiria
na nasa hilaga.
Magiging tulad ng ilang ang Nineve,
tigang na parang disyerto.
14Magiging pastulan ito
ng mga baka, kambing,
at ng ibaʼt ibang uri
ng mga hayop sa kawan.
Dadapo ang mga kuwago
sa mga nasirang haligi,
at maririnig ang kanilang huni
sa mga bintana.
Masisira ang mga pintuan
at matatanggal ang mga sedrong
kahoy nito.
15Ganyan ang mangyayari
sa lungsod ng Nineve,
na nagmamalaki na walang
sasalakay sa kanila
at walang hihigit sa kanila.
Ngunit lubusang mawawasak
ang lungsod na iyon
at titirhan na lamang
ng mga hayop sa gubat.
At ang bawat dadaan doon
ay kukutyain sila,
at masisindak sa sinapit nito.