1 Macabeo 14

Parangal kay Simon

1Noong taóng 172, tinipon ni Haring Demetrio II ang kanyang hukbo at nagpunta sa Media upang humingi ng tulong sa pakikipaglaban kay Trifo.

2Nang mabalitaan ni Arsaces VI na hari ng Persia at ng Media na nasa kaharian niya si Demetrio, isinugo niya ang isa niyang pinuno upang dakpin ito.

3Sinalakay nila at ginapi ang hukbo ni Demetrio. Binihag ito at dinala kay Haring Arsaces, at siya'y ipinabilanggo nito.

4Mapayapa ang lupain ng Judea habang nabubuhay si Simon. Sa buong panahon ng kanyang paghahari, ginamit niya ang kanyang kapangyarihan at lakas para sa ikabubuti ng bayan. Sila nama'y nasiyahan sa kanya bilang kanilang tagapanguna.

5Nadagdagan ang kanyang katanyagan nang sakupin niya ang daungan ng Joppa at buksan ang daan papunta sa mga pulo ng Grecia.

6Pinalawak niya ang lupaing nasasakop ng kanyang bansa,

7at nag-uwi pa ng maraming bihag at sinakop ang Gezer, Beth-sur, at ang tanggulan ng Jerusalem. Nilinis niya ang lahat ng karumihan doon.

8Mapayapang binungkal ng mga Judio ang kanilang bukirin at masagana ang naging ani; marami rin ang bunga ng mga punongkahoy.

9Ipinagmalaki ng mga kabataang lalaki ang magagara nilang kasuotang kawal. Samantalang ang matatandang lalaki naman ay nauupo sa liwasan at nag-uusap-usap tungkol sa mga kahanga-hangang pangyayaring naganap.

10Ang buong lunsod ay sagana sa pagkain at ipinagpatayo pa ni Simon ang bayan ng mga tanggulan. Kaya't nabantog siya sa lahat ng dako.

11Dinulutan niya ng kapayapaan ang bansa, at walang katapusan ang kagalakan ng Israel.

12Lahat ay mapayapang namumuhay sa kanilang ubasan at taniman ng igos at walang gumagambala sa kanila.

13Lahat ng kaaway na hari ay natalo na nang mga panahong iyon at walang natirang isa man para kumalaban sa Israel.

14Tinulungan ni Simon ang lahat ng mahihirap niyang kababayan. Sa patnubay ng Kautusan ni Moises, inalis niya ang lahat ng masasamang taong sakit ng ulo sa lipunan.

15Pinalagyan niya ng magagarang kasangkapan ang Templo at dinagdagan ang mga kagamitan sa pagsamba.

16Nang makarating sa Roma at sa Esparta ang balitang namatay si Jonatan, gayon na lamang ang kanilang pagkalungkot.

17Ngunit nang mabalitaan ng mga taga-Esparta na si Simon ang pumalit sa kapatid bilang Pinakapunong Pari at siyang namamahala sa bansa at mga karatig-bayan,

18nagpagawa sila ng mga kasulatang tanso at ipinaukit dito ang kasunduan ng pakikipagkaibigan na ginawa nila noon kina Judas at Jonatan, saka ipinadala kay Simon.[#1 Mcb. 8:22.]

19Binasa ito sa kapulungan sa Jerusalem.

20Ganito ang nakasaad sa liham na ipinadala ng mga taga-Esparta:

24Pagkaraan niyon, isinugo ni Simon si Numenio upang magdala sa Roma ng handog na isang malaking gintong panangga na tumitimbang ng kalahating tonelada. Ito ang nagsilbing patunay ng pakikipagkaisa ng mga Judio sa mga taga-Roma.

25Nang ito'y mabalitaan ng bansang Israel, nagtanungan sila, “Paano natin mapapasalamatan si Simon at ang kanyang mga anak?

26Siya, ang kanyang mga kapatid, at ang buong pamilya ng kanyang ama ay naging matatag sa harap ng ating mga kaaway; lumaban sila at tayo'y pinalaya.”

Kaya, inukit nila ito sa tanso at ikinabit sa mga haligi sa Bundok ng Zion.

27Ganito ang mababasang nakaukit doon:

48Napagkaisahan ding iukit sa kasulatang tanso ang pahayag na ito at ilagay sa isang hayag na lugar sa loob ng templo

49at maglagak ng mga sipi nito sa kabang-yaman ng Templo para madaling mabasa ni Simon at ng kanyang mga anak.

© 2005 Philippine Bible Society
Published by: Philippine Bible Society