The chat will start when you send the first message.
1Pagkamatay ni Matatias, ang pumalit sa kanya bilang pinuno ay ang anak niyang si Judas na tinatawag ding Macabeo.
2Lahat ng kanyang kasama ay nagkaisa sa pagkapili sa kanya. Dahil dito, masigla silang nakikipaglaban alang-alang sa Israel.
3Ipinakilala niyang may dangal ang kanyang bayan.
Tulad niya'y higante sa kanyang kasuotang bakal.
Suot niya ay pandigma sa kanyang pakikilaban,
sa tabak na kanyang hawak, hukbo niya'y pinangunahan.
4Mabangis na leon ang kanyang nakakawangis, siya'y parang batang leon sa kanyang paninibasib.
5Masasamang tao'y kanyang hinahanap at tinutugis;
parusa niya ay sunugin ang sa baya'y nang-aapi.
6Masasamang tao sa kanya'y pawang may takot,
ang mga masasama, sa kanya'y di makakilos.
Ang kaligtasang hatid niya sa lahat ay nakaabot, at lumaganap itong tunay sa lahat ng mga pook.
7Mga hari'y nagngingitngit dahil sa kanyang paglaban,
ngunit sambahayan ni Jacob sa tagumpay niya ay nasiyahan.
Alaala niyang dakila'y pinupuri kailanman; lagi siyang ikinararangal at hindi malilimutan.
8Sa mga lunsod ng Juda
kalaba'y kanyang pinuksa,
Israel ay hinango niya at sa dusa'y pinalaya.
9Sa lahat ng lugar ang pangalan niya'y dakila,
ang mga pinagbabantaang patayin ay kanyang kinakalinga.
10Sa ganitong kalagayan, bumuo si Apolonio ng isang malakas na hukbo. Tinipon niya ang mga Hentil, at mula sa Samaria, lumabas sila upang salakayin ang Israel.
11Nang malaman ito ni Judas, nilusob niya at pinatay si Apolonio; nagapi niya ang hukbo nito. Marami ang napatay sa kanyang mga kaaway at ang mga walang sugat ay tumakas.
12Marami silang nasamsam sa kaaway. Pati na ang espada ni Apolonio ay nakuha rin, at mula noon, ito na ang ginamit ni Judas Macabeo sa pakikipagdigma hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.
13Nabalitaan ni Seron, isa ring puno ng hukbo ng Siria na si Judas ay marami nang tapat na kawal.
14Kaya't sinabi niya, “Pasisikatin ko ang aking pangalan at ang kaharian. Lulupigin ko si Judas at ang mga tauhan nitong sumusuway sa hari.”
15Isang malakas na pangkat ng mga pagano ang sumanib upang tulungan siyang gumanti sa mga Israelita.
16Nang sila'y umaahon na sa Beth-horon, lumabas si Judas kasama ang ilang tauhan.
17Nang makita ng mga tauhan ni Judas na napakalaki ng hukbong kanilang haharapin, sinabi nila, “Anong magagawa natin sa dami ng ating kalaban? Iilan na tayo'y mahina pa ang ating katawan sapagkat hindi pa tayo kumakain sa araw na ito.”
18“Huwag kayong mag-alala,” tugon ni Judas. “Madaling talunin ng iilan ang marami. Ang pagliligtas ng Diyos ay hindi nababatay sa dami.
19Ang tagumpay sa labanan ay hindi nasasalig sa laki ng hukbo, kundi sa lakas na nanggagaling sa langit.
20Iba ang layunin nila ng paglaban. Ang taglay nila'y dahas at pagmamataas sa hangad na lipulin ang ating mga asawa't anak.
21Ang ipagtatanggol naman nati'y ang ating buhay at ang ating kautusan.
22Huwag kayong matakot. Tutulungan tayo ng Diyos sa paglupig sa kanila.”
23At nilusob nila si Seron at ang hukbo nito. Nalito ang mga ito at nagsitakas.
24Hinabol sila nina Judas pababa sa Beth-horon hanggang sa kapatagan. Walong daan ang napatay sa mga kaaway; ang iba'y tumakas patungo sa lupain ng mga Filisteo.
25Bunga ng tagumpay na ito, si Judas at ang kanyang mga kapatid ay kinatakutan ng mga Hentil mula noon.
26Nakaabot sa kaalaman ng hari ang pangyayaring ito at wala nang bukambibig ang mga Hentil kundi ang kahusayan ni Judas sa pakikipaglaban.
27Nang malaman ni Haring Antioco ang nangyari, nag-alab ang kanyang galit. Tinipon niya ang lahat ng kanyang hukbong sandatahan.
28Pinabuksan niya ang kanyang kabang-yaman at binigyan ng santaong sweldo ang bawat kawal. Pinahanda niya ang hukbo sa biglaang pangangailangan.
29Hindi nagtagal at naubos ang laman ng kabang-yaman, sapagkat mahina ang pasok ng salapi dahil sa kaguluhang idinulot ng kanyang pagpapawalang-halaga sa mga dating batas.
30Nag-alala ang hari na kakapusin siya ng panustos sa kanyang mga gugulin at karangyaang hindi ginagawa ng mga haring nauna sa kanya.
31Labis niya itong ikinabahala, kaya nagpasya siyang pumunta sa Persia upang maningil ng buwis sa paniwalang doon siya makakakuha ng halagang kailangan niya.
32Bago siya umalis, tinawag niya si Lisias, isang taong kilala at nagmula sa maharlikang angkan. Ginawa niya itong gobernador upang mamahala sa lupain mula Ilog Eufrates hanggang sa hangganan ng Egipto.
33Kay Lisias din niya ipinagkatiwala ang anak niyang si Antioco.
34Matapos pagbilinan, iniwan ng hari ang mga elepante at ang kalahati ng hukbo upang magamit ni Lisias sa kanyang pangangailangan. Tungkol naman sa mga taga-Judea at Jerusalem,
35ang utos ng hari ay salakayin ito upang wasakin nang lubusan,
36pagkatapos ay patirahan at ipamahagi sa mga dayuhan ang kanilang lupain sa pamamagitan ng palabunutan.
37Noong taóng 147, umalis ang hari sa Antioquia, ang punong-lunsod, dala ang kalahati ng hukbo. Tumawid sila sa Ilog Eufrates at nagpunta sa mga lalawigan sa hilaga.
38Samantala, si Lisias ay pumili ng kanyang makakatulong. Kinuha niya si Tolomeo na anak ni Dorimenes at ang dalawa sa mga kaibigan ng hari, sina Nicanor at Gorgias.
39Sila ang pinamahala sa 40,000 sundalo at 7,000 na hukbong nakakabayo upang lusubin at wasakin ang Juda bilang pagsunod sa utos ng hari.
40Nang handa na ang lahat, lumakad ang hukbo at pagdating sa kapatagan ay humimpil muna sa malapit sa Emaus.
41Ang kahusayan ng hukbong ito'y nabalitaan ng mga mangangalakal doon, at hindi pa ma'y pumunta na sila sa himpilan. May dala silang mga tanikala at malaking halaga ng pilak at ginto upang bilhin ang mga Israelita bilang mga alipin. Isang pangkat ng mga taga-Siria at Filistia ang sumama sa kanila.[#41 Sa ibang manuskrito'y .]
42Nabalitaan ni Judas at ng kanyang mga kapatid ang utos ng hari na sila'y dapat nang lipulin at lubos na wasakin ang bansa. Kaya't sa harap ng malaking hukbo ng mga kaaway na nakahimpil na sa kanilang paligid, alam nilang mapanganib na ang kanilang katayuan.
43Nagkaisa silang ipagsanggalang ang bansa at ang Templo.
44Humanda ang lahat para makipaglaban at bago lumusob, sila'y sama-samang nanalangin upang hingin ang patnubay at tulong ng Diyos.
45Ang Jerusalem ay ulila,
wala na ang mamamayan.
Ang Templo ay winasak, mga banyaga ang bantay.
Mga nananahan dito ngayon ay pawang dayuhan;
ang Israel ay mapanglaw,
nawala na pati ang mga tugtugan.
46Doon sila nagtipon sa Mizpa, malapit sa Jerusalem, para manalangin, sapagkat iyon ay dating pook dalanginan ng Israel.
47Nang araw na iyon, nagsuot sila ng damit-panluksa at maghapong nag-ayuno. Binuhusan nila ng abo ang kanilang ulo, at winasak ang kanilang kasuotan.
48Iniladlad nila ang balumbon ng kautusan ng Diyos upang malaman kung ano ang dapat nilang gawin, katulad ng ginagawang pagtawag ng mga Hentil sa kanilang mga diyus-diyosan.
49Dala nila sa kanilang pagsamba ang mga kasuotang sagrado ng mga pari, ang mga unang ani, at ang ikasampung bahagi. Pagkatapos, tinawag nila ang mga katatapos lamang mamanatang Nazareo.
50At silang lahat ay nanalangin, “Ano po ang aming gagawin sa mga lalaking ito at saan namin sila dadalhin?
51Hindi po nila iginalang ang inyong Templo, at ang inyong mga pari ay nagluluksa sa tinamong kahihiyan.
52Masdan po ninyo ang mga Hentil; pinaligiran at sinasalakay po nila kami para wasakin! Batid ninyo ang kanilang balak gawin sa amin.
53Paano namin maipagtatanggol ang aming mga sarili kung hindi po ninyo kami tutulungan?”
54Pagkatapos, hinipan nila ang mga trumpeta at sila'y nagsigawan.
55Nagtakda si Judas ng mangunguna sa bawat pangkat na sanlibo, sandaan, limampu, at sampu.
56Ayon sa Kautusan, pinauwi niya ang mga bagong kasal, mga bago pa lamang nagtayo ng bahay o nagtanim ng ubasan, o kaya'y natatakot, at hindi na pinasama sa labanan.[#Deut. 20:5-8; Huk. 7:3.]
57Nang magawâ ito, ang kanilang hukbo ay lumabas at humanay sa timog ng Emaus.
58Ito ang utos ni Judas: “Magpakalalaki kayo, at humanda sa paglaban. Bukas ng umaga, lulusubin natin ang mga Hentil na gustong pumuksa sa atin at magwasak ng ating Templo.
59Mabuti pa ang tayo'y mamatay kaysa makitang wasak ang bansa at nilapastangan ang ating Templo.
60Kung ano ang kalooban ng Diyos, iyon ang mangyayari!”