Ester (3)

Ang Pakana ni Haman Laban sa mga Judio

1[1] Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, itinaas ni Haring Xerxes sa tungkulin si Haman na anak ni Hamedata, isang Agagita. Ginawa niya itong punong ministro.[#1 Sa ibang manuskrito'y may dagdag na .]

2[2] Lahat ng tauhan sa bulwagan ng palasyo ay yumuyukod sa harap ni Haman bilang pagsunod sa utos ng hari. Ngunit si Mordecai ay hindi yumuyukod.

3[3] Tinanong siya ng mga tauhan sa pintuan ng palasyo, “Bakit ayaw mong sundin ang utos ng hari?”

4[4] Araw-araw ay sinasabi nila ito sa kanya ngunit ayaw pa rin niyang sumunod at dinadahilan niyang siya'y isang Judio. Kaya isinumbong nila si Mordecai kay Haman.

5[5] Nang malaman ni Haman na hindi yumuyukod si Mordecai, sumiklab ang kanyang galit.

6[6] Dahil dito, umisip siya ng paraan upang malipol ang lahat ng Judio sa buong kaharian.

7[7] Sa ikalabindalawang taon ng paghahari ni Xerxes, iniutos ni Haman na gawin ang palabunutan upang malaman kung anong araw nararapat isagawa ang balak niya. Tumapat ito sa ikalabing apat na araw ng ikalabindalawang buwan.[#7 Sa ibang manuskrito'y .]

8[8] Pagkatapos nito, sinabi ni Haman kay Haring Xerxes, “Sa lahat ng panig ng inyong kaharian ay may isang lahi ng mga tao na may sariling batas na iba sa alinmang lahi. Hindi po sila sumusunod sa inyong utos at makakasama po sa inyo kung hahayaan ninyo silang ganito.

9[9] Kung inyong mamarapatin, Kamahalan, ipag-utos po ninyo na lipulin ang mga taong ito. At mula sa mga masasamsam ay maglalagak ako ng 340,000 kilong pilak sa kabang-yaman ng hari.”

10[10] Hinubad ng hari ang kanyang singsing na pantatak at ibinigay kay Haman upang maging opisyal ang kautusan laban sa mga Judio.

11[11] At sinabi sa kanya ng hari, “Gawin mo ang gusto mong gawin sa kanila. Bahala ka na rin sa masasamsam mong salapi nila.”

12[12] Nang ikalabintatlong araw ng unang buwan, ipinatawag ang mga kalihim ng hari upang isalin sa iba't ibang wika ang utos laban sa mga Judio upang ipatupad ng mga gobernador ng lahat ng lalawigan at ng mga pinuno ng bayan mula sa India hanggang Etiopia. Ang liham ay ginawa sa pangalan ng Haring Xerxes at ipinadala sa 127 lalawigang nasasakop ng kanyang kaharian.[#12 Sa wikang Hebreo ay “Cus”; sakop ng lugar na ito ang mga kasalukuyang bansa ng Etiopia at Sudan.]

13[13] Ipinadala sa pamamagitan ng mga sugo ang mga liham sa mga lalawigan ng kaharian na nag-uutos na patayin ang lahat ng Judio maging bata man o matanda, lalaki man o babae, at samsamin ang lahat ng kanilang ari-arian. Isasagawa ito sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan.[#13 Ang kabanatang ito'y ipinagpapatuloy pagkatapos ng Kabanata B.]

© 2005 Philippine Bible Society
Published by: Philippine Bible Society