Mga Awit 32

Paghahayag ng Kasalanan at Kapatawaran

1Mapalad ang taong pinatawad na ang kasalanan,[#Ro. 4:7-8.]

at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang.

2Mapalad ang taong hindi pinaparatangan,

sa harap ni Yahweh'y hindi siya nanlinlang.

3Nang hindi ko pa naihahayag ang aking mga sala,

ako'y nanghina sa maghapong pagluha.

4Sa araw at gabi, ako'y iyong pinarusahan,

wala nang natirang lakas sa katawan,

parang hamog na natuyo sa init ng tag-araw. (Selah)

5Kaya't ang kasalanan ko'y aking inamin;

mga pagkakamali ko'y hindi na inilihim.

Ako'y nagpasyang sa iyo'y ipagtapat,

at mga sala ko'y pinatawad mong lahat. (Selah)

6Kaya ang tapat sa iyo ay dapat manalangin,

sa oras ng kagipitan, ikaw ang tawagin,

at sa bugso ng baha'y di sila aabutin.

7Ikaw ang aking lugar na kublihan;

inililigtas mo ako sa kapahamakan.

Aawitin ko nang malakas,

pag-iingat mo't pagliligtas. (Selah)

8Ang sabi ni Yahweh, “Aakayin kita sa daan,

tuturuan kita at laging papayuhan.

9Huwag kang tumulad sa kabayo, o sa mola na walang pang-unawa,

na upang sumunod lang ay hahatakin pa ang renda.”

10Labis na magdurusa ang taong masama,

ngunit ang tapat na pag-ibig ni Yahweh

ang mag-iingat sa sinumang nagtitiwala sa kanya.

11Lahat ng tapat kay Yahweh, magalak na lubos,

dahil sa taglay nilang kabutihan ng Diyos;

sumigaw sa galak ang lahat ng sa kanya'y sumusunod!

© 2005 Philippine Bible Society
Published by: Philippine Bible Society