MGA AWIT 114

1Nang lumabas ang Israel at sa Ehipto ay nagmula,[#Exo. 12:51]

ang sambahayan ni Jacob mula sa bayang may kakaibang wika,

2ang Juda ay naging kanyang santuwaryo,

ang Israel ay kanyang sakop.

3Ang dagat ay tumingin at tumakas,[#Exo. 14:21; San. 3:16]

ang Jordan ay umatras.

4Ang mga bundok ay nagsiluksong mga tupang lalaki ang kagaya,

ang mga burol na parang mga batang tupa.

5Anong karamdaman mo, O dagat, upang tumakas ka?

O Jordan, upang umurong ka?

6O mga bundok, na kayo'y nagsisiluksong mga tupang lalaki ang kagaya?

O mga burol, na parang mga batang tupa?

7Mayanig ka, O lupa, sa harapan ng Panginoon ,

sa harapan ng Diyos ni Jacob;

8na ginawang tipunan ng tubig ang malaking bato,[#Exo. 17:1-7; Bil. 20:2-13]

na bukal ng tubig ang hasaang bato.

©Philippine Bible Society, 2001
Published by: Philippine Bible Society