The chat will start when you send the first message.
1Dahil ipinanganak na kayong muli, talikuran nʼyo na ang lahat ng uri ng kasamaan: pandaraya, pagkukunwari, pagkainggit, at lahat ng paninirang-puri.
2Gaya ng sanggol na bagong panganak, manabik kayo sa dalisay na gatas na espirituwal, upang lumago kayo hanggang makamtan nʼyo ang ganap na kaligtasan
3ngayong naranasan na ninyo ang kabutihan ng Panginoon.
4Siya ang batong buháy na itinakwil ng mga tao ngunit pinili ng Diyos at mahalaga sa paningin niya. At habang lumalapit kayo sa kanya,
5kayo din, tulad ng mga batong buháy ay patuloy na itinatayo ng Diyos bilang isang gusaling espirituwal. At bilang mga banal na paring pinili ng Diyos, nag-aalay kayo sa kanya ng mga espirituwal na handog na kalugod-lugod sa kanya dahil ginagawa nʼyo ito sa pamamagitan ni Hesu-Kristo.
6Sapagkat sinasabi ng Diyos sa Kasulatan:
“May pinili akong maghahari sa Zion.
Tulad niyaʼy mahalagang bato na ginawa kong pundasyon.
Ang sumasampalataya sa kanya
ay hindi mapapahiya.”
7Kaya kayong sumasampalataya ay pararangalan ng Diyos. Ngunit sa taong hindi sumasampalataya ay naganap ang sinasabi ng Kasulatan:
“Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo
ay siyang naging batong pundasyon.”
8“Ang batong ito ang dahilan
na katitisuran ng mga tao
at nadadapa sila dahil dito.”
Natitisod sila dahil ayaw nilang sundin ang salita ng Diyos; ganoon ang nakatalaga para sa kanila.
9Ngunit kayoʼy bayang hinirang, mga maharlikang pari, at mga mamamayan ng Diyos. Pinili kayo ng Diyos na maging kanya upang ipahayag ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kahanga-hanga niyang kaliwanagan.
10Noon kayoʼy hindi bayan ng Diyos; ngunit ngayon, kayoʼy hinirang upang maging bayan niya. Hindi kayo nakatanggap ng habag noon, subalit ngayoʼy tumanggap kayo ng habag mula sa kanya.
11Mga minamahal, kayoʼy mga dayuhan lamang dito sa mundo. Kaya nakikiusap ako sa inyong talikuran na ninyo ang masasamang pagnanasa ng inyong katawan na nakikipaglaban sa inyong espiritu.
12Sa lahat ng oras, ipakita nʼyo sa mga taong hindi kumikilala sa Diyos ang matuwid ninyong pamumuhay. Kahit paratangan nila kayo ngayon ng masama, sa bandang huli ay makikita nila ang mga kabutihang ginagawa nʼyo at luluwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng pagdating niya.
13Alang-alang sa Panginoon, magpasakop kayo sa lahat ng tagapamahala ng bayan, maging sa emperador na siyang pinakamataas na kapangyarihan
14o sa mga gobernador na sinugo ng Diyos upang magparusa sa mga gumagawa ng masama at magparangal sa mga gumagawa ng mabuti.
15Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos, na sa pamamagitan ng mabubuti ninyong gawa ay walang masabi ang mga hangal na walang alam sa katotohanan.
16Malaya nga kayo, ngunit hindi ito nangangahulugang malaya na kayong gumawa ng masama, sa halip ay mamuhay kayo bilang mga alipin ng Diyos.
17Igalang nʼyo ang lahat ng tao at mahalin nʼyo ang mga kapatid ninyo kay Kristo. Mamuhay kayong may takot sa Diyos, at igalang ninyo ang emperador.
18Mga alipin, sundin ninyo nang may takot sa Diyos ang mga amo ninyo, hindi lang ang mababait kundi pati ang malulupit.
19Sapagkat pagpapalain kayo ng Diyos kung tinitiis ninyo ang mga pagpapahirap kahit wala kayong kasalanan dahil sa nais ninyong sundin ang kalooban niya.
20Kaya nga, kung parusahan kayo dahil sa ginagawa ninyong masama, wala ring kabuluhan kahit tiisin ninyo ito. Ngunit kung pinaparusahan kayo kahit mabuti ang ginagawa ninyo, at tinitiis ninyo ito, kalulugdan kayo ng Diyos.
21Ang mga pagdurusa ni Kristo para sa atin ang halimbawang dapat nating tularan. Ito ang dahilan kung bakit tayo tinawag, upang tularan natin ang buhay ni Kristo.
22“Hindi siya nagkasala o nagsinungaling man.”[#2:22 Isa. 53:9.]
23Ininsulto siya ngunit hindi siya gumanti ng insulto. Pinahirapan siya ngunit hindi siya nagbanta. Ipinagkatiwala niya ang lahat sa Diyos na humahatol nang makatarungan.
24Si Kristo ang umako sa mga kasalanan natin nang ipako siya sa krus, upang iwanan na natin ang buhay na makasalanan at mamuhay nang matuwid. Dahil sa mga sugat niya, gumaling tayo.
25Para tayong mga tupang naligaw noon, ngunit nakabalik na tayo ngayon sa Panginoon na Pastol at Tagapagbantay ng ating buhay.[#2:25 Isa. 53:4‑6. Ito ay hango sa saling Septuagint.]