1 Pedro 4

Pamumuhay para sa Diyos

1Dahil naghirap si Kristo sa kanyang katawang-tao, dapat ay handa rin kayong maghirap. Sapagkat ang taong nagtiis ng hirap ay tumigil na sa paggawa ng kasalanan.

2Hindi na siya sumusunod sa masasama niyang ugali kundi sumusunod na siya sa kalooban ng Diyos.

3Kaya huwag na ninyong gawin ang mga ginagawa nʼyo noon, ang mga bagay na gustong gawin ng mga taong hindi kumikilala sa Diyos. Puno ng kahalayan ang buhay nʼyo noon at sinunod nʼyo ang nasa ng inyong laman. Palagi kayong nagtitipon-tipon upang mag-inuman at gumagawa ng mga kahiya-hiyang bagay. At sa pagsamba ninyo sa inyong mga diyos-diyosan, kung anu-ano pang masasamang bagay ang ginagawa ninyo.

4Kaya nga pinagtatakahan kayo ng mga taong hindi kumikilala sa Diyos kung bakit hindi na kayo nakikisama sa magulo at maluho nilang pamumuhay. At pinagsasalitaan nila kayo ng masama.

5Ngunit mananagot sila sa Diyos sa ginagawa nila, dahil hahatulan ng Diyos ang lahat ng tao, buháy man o patay.

6Ito ang dahilan kung bakit ipinangaral ang Magandang Balita sa mga taong patay na. Nang sa ganoon, kahit patay na sila sa laman, at mahatulan tulad ng lahat ng tao, mabubuhay pa rin sila sa espiritu gaya ng Diyos.

7Malapit na ang katapusan ng mundo. Kaya pigilan ninyo ang inyong sarili upang hindi kayo makagawa ng masama at nang walang maging hadlang sa mga panalangin ninyo.

8Higit sa lahat, magmahalan kayo nang tapat. Sapagkat kung mahal mo ang kapwa mo, mapapatawad mo siya kahit gaano pa karami ang nagawa niyang kasalanan.

9Tanggapin ninyo sa inyong tahanan ang isaʼt isa nang maluwag sa inyong kalooban.

10Binigyan ng Diyos ang bawat isa sa atin ng kaloob. Gamitin natin ito para sa ikabubuti ng lahat bilang matatapat na katiwala ng ibaʼt ibang kaloob ng Diyos.

11Ang binigyan ng kaloob sa pangangaral ay dapat mangaral ng salita ng Diyos. At ang binigyan ng kaloob upang maglingkod ay dapat maglingkod ayon sa kakayahang ibinigay sa kanya ng Diyos, upang mapapurihan ang Diyos sa lahat ng ginagawa natin sa pamamagitan ni Hesu-Kristo. Makapangyarihan siya at karapat-dapat purihin magpakailanman! Amen.

Pagdurusa sa Pagiging Isang Kristiyano

12Mga minamahal, huwag kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na nararanasan ninyo. Kapag sinusubok ang inyong pananampalataya, huwag ninyong isipin kung ano ang mangyayari sa inyo.

13Sa halip, magalak kayo dahil nakikibahagi kayo sa mga hirap ni Kristo. At magiging lubos ang kagalakan nʼyo kapag naipakita na niya ang kapangyarihan niya sa lahat.

14Kaya kung iniinsulto kayo dahil mga alagad kayo ni Kristo, mapalad kayo dahil nasa inyo ang makapangyarihang Espiritu, ang Espiritu ng Diyos.

15Kung pinarusahan man kayo, sanaʼy hindi dahil nakapatay kayo ng tao, o nagnakaw, o nakagawa ng masama, o kayaʼy nakialam sa ginagawa ng iba.

16Ngunit kung pinarusahan kayo dahil Kristiyano kayo, huwag kayong mahiya; sa halip ay magpasalamat kayo sa Diyos dahil tinatawag kayo sa pangalang ito.

17Dumating na ang panahong magsisimula na ang Diyos sa paghatol sa mga anak niya. At kung itoʼy magsisimula sa ating mga anak niya, ano kaya ang sasapitin ng mga hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Diyos?

18Tulad ng sinasabi ng Kasulatan:

“Kung ang mga matuwid ay hirap na makaligtas,

ano pa kaya ang mangyayari sa mga makasalanan

at hindi kumikilala sa Diyos?”

19Kaya kayong nagtitiis ngayon dahil sa kalooban ng Diyos, magpatuloy kayo sa paggawa ng mabuti. Ipagkatiwala ninyo ang sarili nʼyo sa Diyos na lumikha sa inyo, dahil hinding-hindi niya kayo pababayaan.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.