1 Samuel 14

2Si Saul naman noon ay nakakampo sa labas ng Gibea, sa ilalim ng isang punong pomegranata sa Migron. May kasama siyang animnaraang na lalaki sa di-kalayuan.

3Naroon din ang paring si Ahias na nakasuot ng efod ng pari. Si Ahias ay anak ni Ahitob na kapatid ni Icabod. Si Ahitob ay anak ni Finehas na anak naman ni Eli, ang paring naglingkod noon sa Panginoon sa Silo. Walang nakapansin na umalis si Jonatan.

4May bangin sa magkabilang gilid ng dinadaanan ni Jonatan papunta sa kampo ng mga Filisteo ay may bangin; ang isaʼy tinatawag na Bozez at ang isaʼy tinatawag na Sene.

5Ang isaʼy nasa gawing hilaga at nakaharap sa Micmas, at ang isaʼy nasa gawing timog at nakaharap sa Gibea.

6Sinabi ni Jonatan sa tagapagdala ng kanyang armas, “Puntahan natin ang kampo ng mga taong ʼyon na hindi tuli. Baka sakaling tulungan tayo ng Panginoon , dahil walang makakapigil kung loloobin niyang magtagumpay tayo, kahit marami o kakaunti tayo.”

7Sinabi ng tagapagdala niya ng armas, “Gawin nʼyo po ang anumang iniisip ninyo. Kasama nʼyo ako kahit ano ang mangyari.”

8Sinabi ni Jonatan, “Tayo na, pupuntahan natin sila at magpapakita tayo sa kanila.

9Kung sasabihin nilang sila ang lalapit sa atin para makipaglaban, hindi na tayo aakyat pa sa kanila, hihintayin na lang natin sila.

10Ngunit kung sabihin nilang tayo ang lumapit, aakyat tayo dahil iyon ang tanda na ipapatalo sila sa atin ng Panginoon .”

11Nang magpakita silang dalawa roon sa mga Filisteo, sumigaw ang mga Filisteo, “Tingnan ninyo ang mga Hebreo! Naglalabasan na sila mula sa mga lungga nila.”[#14:11 : O Israelita.]

12At sinigawan nila sina Jonatan at ang tagapagdala niya ng armas, “Lumapit kayo rito, nang maturuan namin kayo ng leksyon.” Sinabi ni Jonatan sa tagapagdala niya ng armas, “Halika, sumunod ka sa akin dahil tutulungan tayo ng Panginoon na talunin sila ng Israel.”

13Kaya gumapang si Jonatan paakyat, kasunod ang tagapagdala niya ng armas. Pinatay ni Jonatan ang mga Filisteo at ganoon din ang ginawa ng tagapagdala ng kanyang armas sa mga lumusob mula sa kanilang likod.

14Sa unang pagsalakay na ito, napatay nila ang dalawampung Filisteo at nagkalat ang mga bangkay ng mga ito sa kalahating ektaryang lupa roon.

Tinalo ng Israel ang mga Filisteo

15Natakot nang matindi ang mga Filisteong nasa kampo, nasa bukid, at pati na ang mga sundalo nilang sasalakay. At bigla pang lumindol, kaya lalong tumindi ang takot nila.[#14:15 : O niloob ng Diyos na matakot sila.]

16Doon sa Gibea, sa lupain ng Benjamin, nakita ng mga tagapagbantay ni Saul ang mga sundalong Filisteo na nagtatakbuhan papunta sa ibaʼt ibang direksyon.

17Sinabi ni Saul sa mga tauhan niya, “Tipunin ninyo ang mga sundalo at tingnan kung sino ang nawawala.” At nalaman nila na wala si Jonatan at ang tagapagdala niya ng armas.

18Sinabi ni Saul kay Ahias, “Dalhin dito ang Kahon ng Diyos.” (Nang panahong iyon, ang Kahon ng Kasunduan ay nasa mga Israelita.)[#14:18 : Ang Kahon ng Kasunduan.; #14:18 : Ito ang nasa Hebreo; sa ibang tekstong Septuagint, “Dalhin dito ang espesyal na damit ng pari.” (Nang panahong iyon, si Ahias ang nagsusuot ng damit na ito sa harap ng mga Israelita.)]

19Habang nakikipag-usap si Saul sa pari, lalo pang lumakas ang sigawan at kaguluhan sa kampo ng mga Filisteo kaya sinabi ni Saul kay Ahias, “Hayaan mo na. Itigil mo na ʼyan.”

20Agad na tinipon ni Saul ang mga tauhan niya at sumugod sa digmaan. Nakita nila ang mga Filisteo na nagkakagulo at sila-sila ang nagpapatayan.

21Pati ang mga Hebreong dating kakampi ng mga Filisteo ay pumunta sa kampo ng mga Israelita at kumampi kina Saul at Jonatan.

22Nang mabalitaan ng mga Israelitang nagtatago sa kaburulan ng Efraim na nagsisitakas ang mga Filisteo, sumáma na rin sila sa paghabol.

23Nang araw na iyon, iniligtas ng Panginoon ang mga Israelita at umabot pa ang digmaan hanggang sa Bet-aven.

Ang Sumpa ni Saul

24Nang araw na iyon, nanghina ang mga Israelita sa gutom dahil pinanumpa sila ni Saul, na sinabi, “Sumpain ang sinumang kakain ng pagkain bago gumabi, hanggaʼt hindi pa ako nakakapaghiganti sa aking mga kalaban.” Kaya walang kumain kahit isa sa kanila.

25Pumunta ang lahat ng sundalo sa kagubatan, kung saan may mga pulot na tumutulo sa lupa.

26Hindi nila ito tinikman man lang dahil natatakot sila sa sumpa.

27Ngunit hindi narinig ni Jonatan na pinasumpa ng kanyang ama ang mga tao, kaya isinawsaw niya ang dulo ng isang patpat sa pulot at kinain ito. Pagkakain niya, bumuti ang pakiramdam niya.

28Nakita siya ng isa sa mga tauhan at sinabi sa kanya, “Pinanumpa ng inyong ama ang buong hukbo na huwag kumain ngayong araw na ito kaya hinang-hina na kami.”

29Sinabi ni Jonatan, “Hindi tama ang ginagawa niya sa bayan natin. Tingnan mo kung paano bumuti ang pakiramdam ko nang tumikim ako ng kaunting pulot.

30Ano pa kaya kung pinayagan silang kumain ng mga masasamsam natin sa ating mga kalaban, siguro mas marami pa tayong napatay na mga Filisteo.”

31Nang araw na iyon, matapos talunin ng mga Israelita ang mga Filisteo mula sa Micmas hanggang sa Ayalon, napagod at nanghina sila nang husto.

32Kaya, nagmamadali silang humuli ng mga tupa at baka na kanilang nasamsam, at doon mismo ay kinatay nila ang mga ito at kinain nang hindi inaalisan ng dugo.

33May nagsabi kay Saul, “Tingnan nʼyo, nagkakasala sa Panginoon ang mga tauhan ninyo dahil kumain sila ng karneng may dugo pa.”

Sinabi ni Saul, “Isang malaking pagtataksil ito! Humanap kayo ng isang malaking bato at pagulungin nʼyo rito.

34At puntahan nʼyo ang mga tauhan ko at sabihan silang dalhin dito ang mga baka at tupa. Dito nila katayin at kainin ang mga ito. Sabihin nʼyo rin sa kanila na huwag silang magkasala sa Panginoon dahil sa pagkain ng karneng may dugo pa.”

Kaya nang gabing iyon, dinala ng mga tauhan ni Saul ang kanilang mga baka at tupa sa kanya at doon kinatay.

35Gumawa naman si Saul ng altar para sa Panginoon . Iyon ang unang altar na ginawa niya.

36Sinabi ni Saul, “Sasalakayin natin ngayong gabi ang mga Filisteo at lilipulin natin sila hanggang sa umaga, sasamsamin natin ang mga ari-arian nila at papatayin silang lahat. Wala tayong ititirang buháy.”

Sumagot ang mga tao, “Gawin nʼyo po kung ano sa tingin nʼyo ang mabuti.”

Ngunit sinabi ng pari, “Tanungin muna natin ang Diyos tungkol sa bagay na ito.”

37Kaya nagtanong si Saul sa Diyos, “Sasalakayin po ba namin ang mga Filisteo? Ipapatalo nʼyo ba sila sa amin?” Ngunit hindi sumagot ang Diyos nang araw na iyon.

38Kaya sinabi ni Saul sa mga pinuno ng mga mamamayan ng Israel, “Magtipon kayong lahat dito. Kailangang malaman natin kung ano ang kasalanang nagawa natin sa araw na ito.

39Isinusumpa ko sa ngalan ng buháy na Panginoon na nagligtas sa mga Israelita, mamamatay ang nagkasala kahit siya pa ang anak kong si Jonatan.” Ngunit wala ni isa mang nagsalita sa mga Israelita.

40Sinabi pa niya sa lahat ng mga Israelita, “Tumayo kayo riyan at tatayo rin kami ng anak kong si Jonatan dito.” Pumayag naman ang mga tao.

41Pagkatapos, nanalangin si Saul, “Panginoon , Diyos ng Israel, ipaalam nʼyo po sa amin kung sino ang nagkasala.” Sa pamamagitan ng palabunutan, sina Saul at Jonatan ang napiling nagkasala at hindi ang mga tao.

42Sinabi ni Saul, “Magpalabunutan kami ngayon para malaman kung sino sa aming dalawa ni Jonatan ang nagkasala. At si Jonatan ang nabunot.”

43Tinanong ni Saul si Jonatan, “Ano ang ginawa mo?”

Sumagot si Jonatan, “Isinawsaw ko po ang dulo ng patpat ko sa pulot at kumain ako ng kaunti. Karapat-dapat po ba akong mamatay?”

44Sinabi ni Saul, “Oo, dapat kang mamatay. Lubos sana akong parusahan ng Diyos kung hindi kita ipapapatay, Jonatan.”

45Ngunit sinabi ng mga tao kay Saul, “Si Jonatan po ang nagpanalo sa atin, at ngayon, papatayin natin siya? Hindi po maaari! Sumusumpa kami sa buháy na Panginoon na wala ni isa sa buhok niya ang mahuhulog sa lupa, dahil ang Diyos po ang tumulong sa kanya sa ginawa niya sa araw na ito.” At hindi nga pinatay si Jonatan dahil iniligtas siya ng mga Israelita.[#14:45 : Ang ibig sabihin, hindi siya mapapahamak.]

46Ipinatigil na ni Saul ang paghabol sa mga Filisteo at bumalik na ang mga Filisteo sa kanilang lugar.

47Nang maghari si Saul sa Israel, nakipaglaban siya sa mga kalaban nila sa paligid. Ang mga kalaban niya ay ang mga Moabita, Amonita, Edomita, hari ng mga Zobita at mga Filisteo. Natatalo niya ang sinumang makalaban niya.

48Buong tapang siyang nakipaglaban at natalo niya ang mga Amalekita. Sa pamamagitan nito, iniligtas niya ang mga Israelita sa kamay ng mga sumasalakay sa kanila at sumamsam ng kanilang mga ari-arian.

Ang Sambahayan ni Saul

49Ang mga lalaking anak ni Saul ay sina Jonatan, Ishvi, at Melquisua. Mayroon din siyang dalawang anak na babae; si Merab ang nakatatanda, at si Mical ang nakababata.

50Ang asawa ni Saul ay si Ahinoam na anak ni Ahimaaz. Ang pinuno ng kanyang hukbo ay ang pinsan niyang si Abner, anak ng tiyuhin niyang si Ner.

51Ang ama ni Saul na si Kish at ang ama ni Abner na si Ner ay magkapatid, silaʼy mga anak ni Abiel.

52Sa buong panahon ng paghahari ni Saul, naging matindi ang labanan sa pagitan ng mga Israelita at mga Filisteo. Kapag may nakikita si Saul na malakas at magiting na lalaki, ginagawa niya itong sundalo niya.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.