1 Samuel 2

Ang Panalangin ni Ana

1At nanalangin si Ana,

“Nagagalak ako saʼyo Panginoon !

Dahil sa inyong ginawa,

hindi na ako mahihiya.

Tinatawanan ko ngayon

ang aking mga kaaway,

sapagkat nagagalak ako

sa pagliligtas nʼyo sa akin.

2“Walang ibang banal maliban saʼyo Panginoon ;

wala kayong katulad;

walang Batong kanlungan

na tulad mo aming Diyos.

3“Walang sinumang makapagyayabang

dahil alam ng Panginoong Diyos

ang lahat ng bagay,

at hinahatulan niya

ang mga gawa ng tao.

4Nililipol niya ang mga makapangyarihan,

ngunit pinalalakas niya ang mahihina.

5Ang mayayaman noon,

ngayon ay nagtatrabaho

para lang may makain.

Ngunit ang mahihirap noon

ay sagana na ngayon.

Ang dating baog ay marami nang anak.

Ngunit ang may maraming anak noon

ay nawalan ng mga ito.

6May kapangyarihan ang Panginoon

na patayin o buhayin ang tao.

May kapangyarihan siyang ilagay sila

sa lugar ng mga patay

o kunin sila roon.

7Ang Panginoon ang nagpapadukha

at nagpapayaman.

Itinataas niya ang iba

at ang ibaʼy kanyang ibinababa.

8Ibinabangon niya ang mga mahihirap

sa kanilang kahirapan.

Pinapaupo niya sila kasama ng mga maharlika

silaʼy kanyang pinararangalan.

“Sa Panginoon ang pundasyon ng sanlibutan;

na kinatatayuan ng mundo.

9Iniingatan niya ang tapat niyang mamamayan,

ngunit nililipol niya ang masasamâ.

Walang sinumang nagtatagumpay

sa sarili niyang kalakasan.

10Dudurugin niya ang kanyang mga kaaway.

Padadagundungin niya

ang langit laban sa kanila.

Ang Panginoon ang hahatol

sa buong mundo.

Dahil sa kanya,

magiging makapangyarihan

at laging magtatagumpay

ang haring kanyang hinirang.”

11Pagkatapos, umuwi si Elcana sa Rama kasama ang kanyang buong pamilya. Ang batang si Samuel naman ay naiwan at naglingkod sa Panginoon sa ilalim ng pangangalaga ng paring si Eli.

Ang Kasalanan ng Dalawang anak ni Eli

12Parehong salbahe tao ang dalawang anak ni Eli. Hindi sila sumusunod sa Panginoon

13Ito ang kanilang ginagawa kapag may naghahandog: Habang pinapakuluan ang mga karneng ihahandog, pinapapunta nila roon ang katulong nila na may dalang malaking tinidor na may tatlong tulis.

14Pagkatapos, tutusukin ng alipin ang mga karne sa loob ng kawali, kawa, kaldero o palayok. Ang matusok ng tinidor ay ang bahaging mapupunta sa mga pari. Ganito ang kanilang ginagawa tuwing maghahandog ang mga Israelita sa Silo.

15At bago pa masunog ang taba ng karne, pumupunta ang alipin sa naghahandog at sinasabi, “Bigyan mo ang pari ng karneng maiihaw. Hindi siya tumatanggap ng pinakuluan. Hilaw lang ang gusto niya.”

16Kapag sinabi ng naghahandog na, “Hintayin muna nating maihandog ang taba ng karne bago ka kumuha ng gusto mo,” sasabihin ng alipin, “Hindi maaari! Kailangang ngayon mo ibigay dahil kung hindi, aagawin ko iyan sa iyo.”

17Malaking kasalanan sa paningin ng Panginoon ang ginagawa ng mga anak ni Eli dahil hindi nila iginagalang ang handog para sa Panginoon .

18Samantala, ang batang si Samuel ay naglilingkod sa Panginoon , suot-suot ang efod.

19Taon-taon, iginagawa siya ng kanyang ina ng balabal, at dinadala niya ito kay Samuel tuwing maghahandog sila ng asawa niya ng taunang handog.

20Doon, binabasbasan ni Eli si Elcana at ang kanyang asawa. Sinasabi niya kay Elcana, “Sanaʼy bigyan ka ng Panginoon ng mga anak sa babaeng ito kapalit ng kanyang hiningi at inihandog sa Panginoon .” Pagkatapos ay umuuwi na sila.

21Kinahabagan ng Panginoon si Ana. Nagkaanak pa siya ng tatlong lalaki at dalawang babae, habang si Samuel ay patuloy na lumalaking naglilingkod sa Panginoon .

22Ngayon, matandang-matanda na si Eli. Nabalitaan niya ang lahat ng kasamaang ginagawa ng kanyang mga anak sa mga Israelita. Nalaman na rin niya ang pagsiping ng mga ito sa mga babaeng naglilingkod sa may pintuan ng Toldang Tipanan.

23Kaya sinabihan niya ang mga ito, “Nabalitaan ko sa mga tao ang lahat ng kasamaang ginagawa ninyo. Bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito?

24Mga anak, tigilan na ninyo ito, dahil hindi maganda ang nababalitaan ko tungkol sa inyo mula sa mga mamamayan ng Panginoon .”

25Sinabi pa ni Eli, “Kung magkasala ang isang tao sa kanyang kapwa, maaaring mamamagitan ang Diyos sa kanila; pero kung magkasala ang tao sa Panginoon , sino ang mamamagitan?” Ngunit hindi nakinig ang mga anak niya dahil nakapagpasya na ang Panginoon na patayin sila.[#2:25 : O mga hukom.]

26Samantala, patuloy na lumaki si Samuel, at kinalulugdan siya ng Panginoon at ng mga tao.

Ang Propesiya tungkol sa Sambahayan ni Eli

27Lumapit ang isang lingkod ng Diyos kay Eli at sinabi sa kanya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon : Ipinahayag ko ang aking sarili sa ninuno nʼyong si Aaron at sa pamilya niya noong alipin pa sila ng Faraon sa Ehipto.

28Sa lahat ng lahi ng Israel, ang pamilya niya ang pinili ko na maging aking pari na maglilingkod sa aking altar, sa pagsusunog ng insenso, sa pagsusuot ng espesyal na damit ng pari sa aking presensya. Binigyan ko rin sila ng bahagi sa mga handog sa pamamagitan ng apoy na iniaalay ng mga Israelita.

29Bakit ninyo nilalapastangan ang mga handog na para sa akin? Bakit mas iginagalang mo pa, Eli, ang mga anak mo kaysa sa akin? Hinahayaan mong patabain nila ang kanilang mga sarili ng mga pinakamagandang bahagi ng handog ng mga mamamayan kong Israelita.

30“Ako na inyong Panginoon , ang Diyos ng Israel ay nangako noon na kayo lang at ang lahi ng inyong mga ninuno ang makapaglilingkod sa akin magpakailanman bilang pari. Ngunit hindi na ngayon, dahil pararangalan ko ang nagpaparangal sa akin, ngunit hahamakin ko ang humahamak sa akin.

31Tandaan ninyo: Darating ang panahon na lilipulin ko ang lahat ng kabataan sa iyong pamilya, gayundin sa iyong mga kamag-anak. Paiikliin ko ang buhay ninyo at wala na sa inyo ang makakaranas na tumanda.

32Magdurusa kayo at hindi ninyo mararanasan ang kasaganaang ibibigay ko sa Israel. Magiging maikli ang inyong buhay.

33Hindi ko aalisin ang iba sa inyo sa paglilingkod sa akin bilang pari, pero daranas sila ng matinding pighati at pagdurusa, at hindi sila mabubuhay nang matagal.

34“At bilang tanda sa iyo na mangyayari ang mga bagay na ito, mamamatay nang sabay ang dalawa mong anak na sina Hofni at Finehas sa parehong araw.

35Pipili ako ng isang pari na tapat sa akin at susunod sa aking kalooban. Bibigyan ko siya ng mga angkan na maglilingkod sa aking piniling hari magpakailanman.

36Lahat ng matitira sa mga angkan mo ay mamamalimos ng pera at pagkain sa mga angkan ng paring ito. Magmamakaawa sila at sasabihin, ‘Gawin nʼyo kaming alipin ng mga pari para may makakain kami.’ ”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.