The chat will start when you send the first message.
1Mga kapatid, may isa pa kaming ipapakiusap sa inyo, sa pangalan ng Panginoong Hesus. Natutunan na ninyo sa amin kung paano mamuhay nang kalugod-lugod sa Diyos, at itoʼy ginagawa na ninyo. Ngayon, hinihiling namin na ipagpatuloy pa sana ninyo ito at lalo pa itong pag-ibayuhin.
2Sapagkat alam ninyo ang mga utos ng Panginoong Hesus na ibinigay namin sa inyo:
3Nais ng Diyos na maging banal kayo, kaya lumayo kayo sa seksuwal na imoralidad.
4Dapat ay matutong magpigil ang bawat isa sa sarili niyang katawan sa banal at marangal na pamamaraan,[#4:4 O Dapat ay matutong makitungo ang bawat isa sa kanyang asawa.]
5at hindi sa makamundong pagnanasa katulad ng ginagawa ng mga hindi kumikilala sa Diyos.
6Huwag ninyong abusuhin o kayaʼy pagsamantalahan ang inyong kapatid sa bagay na ito dahil paparusahan ng Panginoon ang sinumang gumagawa ng mga ito, tulad ng mahigpit naming babala sa inyo noon pa.
7Tinawag tayo ng Diyos upang mamuhay sa kabanalan, hindi sa kahalayan.
8Kaya, ang sinumang hindi sumusunod sa mga utos na ito ay hindi sa isang tao sumusuway kundi sa Diyos na nagbibigay sa inyo ng kanyang Banal na Espiritu.
9Ngayon, tungkol sa pagmamahalan bilang magkakapatid sa Panginoon, hindi na kayo kailangang paalalahanan pa tungkol dito, dahil ang Diyos na mismo ang nagturo sa inyo na magmahalan.
10At ito nga ang ginagawa nʼyo sa mga kapatid sa buong Macedonia. Ganoon pa man, hinihiling namin na lalo pa ninyong pag-ibayuhin ang pag-ibig ninyo.
11Sikapin ninyong mamuhay nang mapayapa, at huwag kayong makikialam sa buhay ng iba. Magtrabaho ang bawat isa para sa ikabubuhay niya, tulad ng ibinilin namin sa inyo.
12Nang sa ganoon, hindi nʼyo na kailangang umasa pa sa iba, at igagalang kayo ng mga hindi mananampalataya.
13Mga kapatid, gusto naming malaman ninyo kung ano ang mangyayari sa mga namatay na, nang sa gayoʼy hindi kayo magdalamhati gaya ng iba na walang pag-asa.
14Naniniwala tayong si Hesus ay namatay at muling nabuhay. Kaya naman nakakatiyak tayo na muling bubuhayin ng Diyos ang mga namatay na sumasampalataya kay Hesus at isasama niya sila kay Hesus sa kanyang pagbabalik.
15Sinasabi namin sa inyo ang mismong turo ng Panginoon: Tayong mga buháy pa pagbalik ng Panginoon ay hindi mauuna sa mga namatay na.
16Sapagkat sa araw na iyon, maririnig ang pagtawag ng punong anghel at ang pagtunog ng trumpeta ng Diyos, at ang Panginoon mismo ang bababa mula sa langit na may sigaw na utos. Ang mga namatay na sumasampalataya kay Kristo ang unang bubuhayin;
17pagkatapos, ang mga buháy pa sa atin sa araw na iyon ay kasama nilang dadalhin sa mga ulap upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. At makakasama na natin ang Panginoon magpakailanman.
18Kaya pasiglahin ninyo ang isaʼt isa sa pamamagitan ng mga aral na ito.