The chat will start when you send the first message.
1Umawit si David sa Panginoon nang iligtas siya ng Panginoon sa kamay ng kanyang mga kalaban at kay Saul.
2Ito ang awit niya:
“Ang Panginoon ang aking matibay
na batong kanlungan
at pananggalang.
Siya ang aking Tagapagligtas
na nag-iingat sa akin.
3Siya ang aking batong kanlungan,
ang aking kublihan.
Inililigtas niya ako
sa mararahas na tao.
4“Karapat-dapat kayong purihin Panginoon ,
dahil kapag tumatawag ako sa inyo,
inililigtas nʼyo ako sa mga kalaban ko.
5Tulad ng mga alon,
ang kamatayan ay nakapalibot sa akin.
Ang mga pinsalaʼy tulad
ng malakas na agos na tumatangay sa akin.
6Ang kamatayaʼy parang lubid
na nakapulupot sa akin
at parang bitag sa aking daraanan.
7“Sa aking kahirapan,
humingi ako ng tulong sa inyo,
Panginoon na aking Diyos,
at pinakinggan nʼyo
ang panalangin ko roon sa inyong templo.
8Lumindol,
at ang pundasyon
ng kalangitan ay nayanig,
dahil kayo, Panginoon ,
ay nagalit.
9Umusok din ang inyong ilong,
at ang inyong bibig ay bumuga
ng apoy at mga nagliliyab na baga.
10Binuksan nʼyo ang langit
at kayoʼy bumaba,
at tumuntong sa maitim
at makapal na ulap.
11Kayoʼy sumakay sa isang kerubin,
at mabilis na lumipad na dala ng hangin.
12Pinalibutan mo ang iyong sarili ng kadiliman,
ng madilim at makapal na ulap.
13Kumidlat mula sa inyong kinaroroonan,
at mula rooʼy bumagsak ang mga yelo
at nagliliyab na baga.
14Ang tinig nʼyo,
Kataas-taasang Diyos
na aming Panginoon ,
ay dumadagundong mula sa langit.
15Pinana nʼyo ng kidlat
ang inyong mga kalaban
at nataranta silang nagsitakas.
16Sa inyong tinig at matinding galit,
natuyo ang dagat
at nakita ang lupa sa ilalim nito,
pati na rin ang pundasyon
ng mundo ay nalantad.
17“At mula sa langit akoʼy inabot nʼyo
at inahon mula sa malalim na tubig.
18Iniligtas nʼyo ako sa kapangyarihan
ng aking mga kalaban
na hindi ko kayang labanan.
19Sinalakay nila ako sa oras ng aking kagipitan.
Ngunit sinaklolohan nʼyo ako, Panginoon .
20Dinala nʼyo ako
sa lugar na walang kapahamakan
dahil nalulugod kayo sa akin.
21“Pinagpala nʼyo ako
dahil akoʼy namumuhay sa katuwiran.
Sa kalinisan ng aking kamay
akoʼy inyong ginantimpalaan.
22Dahil sinusunod ko ang inyong kalooban,
at hindi ko kayo tinalikuran,
Panginoon na aking Diyos.
23Tinutupad ko ang lahat
ng inyong utos.
Ang inyong mga tuntunin
ay hindi ko sinusuway.
24Alam nʼyong namumuhay ako
nang walang kapintasan,
at iniiwasan ko ang kasamaan.
25Kaya naman akoʼy inyong ginagantimpalaan,
dahil nakita nʼyong
wala akong ginagawang kasalanan.
26“Tapat kayo sa mga tapat sa inyo,
at mabuti kayo sa mabubuting tao.
27Tapat kayo sa mga taong totoo sa inyo,
ngunit mas tuso kayo
sa mga taong masama.
28Inililigtas nʼyo ang mga mapagpakumbaba,
ngunit ibinababa nʼyo
ang mga mapagmataas.
29Panginoon , kayo ang aking liwanag
Sa kadiliman kayo ang aking ilaw.
30Sa tulong nʼyo, o Diyos,
kaya kong salakayin
ang grupo ng mga sundalo,
at kaya kong akyatin ang pader
ng kanilang tanggulan.
31“Ang pamamaraan nʼyo,
O Diyos, ay walang kamalian.
Ang inyong mga salita Panginoon
ay maaasahan.
Kayoʼy katulad ng isang kalasag
sa mga kumakanlong sa inyo.
32Kayo lang, Panginoon ,
ang tunay na Diyos, at wala nang iba.
At kayo lang talaga
ang aming Batong kanlungan.
33Kayo, O Diyos,
ang nagbibigay sa akin ng kalakasan,
at nagbabantay sa aking daraanan.
34Pinatatatag nʼyo ang aking paa tulad
ng paa ng usa,
upang maging ligtas ang pag-akyat ko
sa matataas na lugar.
35Sinasanay nʼyo ako sa pakikipaglaban,
at ang aking brasoʼy nakakabanat ng panang tanso.
36Ang katulad nʼyo ay kalasag
na nag-iingat sa akin,
at sa pamamagitan ng inyong tulong
ay naging kilala ako.
37Pinaluwang nʼyo ang aking dadaanan,
kaya hindi ako natitisod.
38Hinabol ko ang aking mga kalaban
at inabutan ko sila,
at hindi ako tumigil hanggang sa naubos ko sila.
39Hinampas ko sila hanggang sa magsibagsak,
at hindi na makabangon sa aking paanan.
40Binigyan nʼyo ako ng lakas sa pakikipaglaban,
kaya natalo ko ang aking mga kalaban.
41Dahil sa inyo,
umatras ang aking mga kaaway
na may galit sa akin,
at silaʼy pinatay ko.
42Humingi sila ng tulong,
ngunit walang sinumang tumulong.
Tumawag din sila sa inyo Panginoon ,
ngunit kayoʼy hindi tumugon.
43Dinurog ko sila
hanggang sa naging parang alikabok na lamang
na inililipad ng hangin,
at tinatapak-tapakan
na parang putik sa kalsada.
44Iniligtas nʼyo ako Panginoon
sa mga rebelde kong mamamayan.
Ginawa nʼyo akong pinuno ng mga bansa.
Ang mga taga-ibang lugar
ay sumusunod sa akin.
45Yumuyukod sila sa akin nang may takot
at sinusunod ang aking mga utos.
46Nawawalan sila ng lakas ng loob,
kaya lumalabas sila
sa kanilang pinagtataguan
na nanginginig sa takot.
47Buháy kayo, Panginoon !
Karapat-dapat kayong purihin at dakilain,
O Diyos na aking Batong kanlungan
at Tagapagligtas!
48Pinaghigantihan nʼyo ang aking mga kaaway,
at ipinasailalim mo ang mga bansa
sa aking kapangyarihan.
49Inilalayo nʼyo ako sa mararahas kong kalaban,
at pinagtagumpay nʼyo ako sa kanila.
50Kaya pararangalan ko kayo
sa mga bansa, O Panginoon .
Aawitan ko kayo ng mga papuri.
51Sa hinirang nʼyong hari
ay nagbigay kayo ng maraming tagumpay.
Ipinapadama ninyo ang inyong wagas na pag-ibig
sa inyong hinirang na si David
at sa lahat ng kanyang lahi,
magpakailanman.”