The chat will start when you send the first message.
1Isang araw, nagtanong si David, “May natitira pa ba sa sambahayan ni Saul na maaari kong pakitaan ng kabutihan alang-alang kay Jonatan?”
2Ipinatawag ni David ang isang tao na nagngangalang Ziba, isang utusan mula sa sambahayan ni Saul. Pagdating niya, tinanong siya ni David, “Ikaw ba si Ziba?” Sumagot siya, “Ako nga po.”
3Muling nagtanong ang hari, “May natitira pa ba sa sambahayan ni Saul na maaari kong pakitaan ng kabutihan ng Diyos?”
Sumagot siya, “Mayroon po, ang lumpong anak na lalaki ni Jonatan.”
4“Nasaan siya?” tanong ng hari.
Sumagot si Ziba, “Naroon po sa Lodebar, sa bahay ni Maquir na anak ni Amiel.”
5Kaya ipinasundo siya ni Haring David mula sa bahay ni Maquir.
6Ang pangalan ng anak ni Jonatan ay Mefiboset at apo siya ni Saul. Pagdating niya kay David, yumukod siya bilang paggalang dito.
Sinabi ni David sa kanya, “Ikaw pala si Mefiboset.”
Sumagot siya, “Ako nga po.”
7Sinabi ni David sa kanya, “Huwag kang matakot. Ipinatawag kita dahil gusto kitang pakitaan ng kabutihan dahil sa iyong amang si Jonatan. Ibabalik ko sa iyo ang lahat ng lupain ng iyong lolong si Saul, at hindi lang iyan, palagi ka nang kasalo sa aking hapag-kainan.”
8Yumukod si Mefiboset at sinabi, “Sino po ako para tratuhin nʼyo ako ng ganito? Katulad lang po ako ng isang patay na aso.”
9Pagkatapos, ipinatawag ng hari si Ziba, ang dating utusan ni Saul at sinabi, “Ibinigay ko na sa apo ng amo mong si Saul ang lahat ng ari-arian ng kanyang lolo.
10Ikaw, ang mga anak mo, at ang mga utusan mo ang magsasaka ng lupain para sa kanya, at dapat mong dalhin sa kanya ang mga ani para may pagkain ang sambahayan ng amo mo. Pero si Mefiboset naman ay kakaing kasama ko.” (May labinlimang anak na lalaki at dalawampung utusan si Ziba.)[#9:10 : Ito ang nasa tekstong Septuagint. Sa Hebreo, ang apo ng amo mo.]
11Sumagot si Ziba sa hari, “Gagawin ko po, Mahal na Hari, ang lahat ng iniutos nʼyo sa akin na inyong lingkod.” Mula noon, palaging kumakain si Mefiboset kasama ni David na parang isa sa mga anak niya.
12May bata pang anak na lalaki si Mefiboset na nagngangalang Mica. Ang lahat ng miyembro ng pamilya ni Ziba ay naging utusan ni Mefiboset.
13At si Mefiboset na lumpo ang dalawang paa ay nanirahan sa Jerusalem, at palagi siyang kasalo sa hapag-kainan ni Haring David.