Mga Gawa 13

Sa Cyprus

4Kaya pumunta sina Bernabe at Saulo sa Seleucia ayon sa sinabi ng Banal na Espiritu. Mula roon, naglayag sila patungo sa isla ng Cyprus.

5Pagdating nila doon sa bayan ng Salamina, ipinangaral nila ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng Hudyo. Kasama rin nila si Juan Marcos na tumutulong sa kanilang gawain.

6Inikot nila ang buong isla hanggang sa nakarating sila sa bayan ng Pafos. May nakilala sila roon na isang Hudyong salamangkero at nagpapanggap na propeta. Ang pangalan niya ay Bar Hesus.

7Kaibigan siya ni Sergio Paulo, ang matalinong gobernador ng islang iyon. Ipinatawag ng gobernador sina Bernabe at Saulo dahil gusto niyang makinig ng salita ng Diyos.

8Ngunit hinadlangan sila ni Elimas, ang salamangkero (ang kahulugan ng kanyang pangalan sa wikang Griyego). Ginawa niya ang lahat ng paraan upang hindi sumampalataya ang gobernador kay Hesus.

9Ngunit si Saulo na tinatawag ding Pablo ay napuspos ng Banal na Espiritu, at tinitigan niyang mabuti si Elimas, at sinabi,

10“Anak ka ng diyablo! Kalaban ka ng lahat ng mabuti! Panay pandaraya at panloloko ang ginagawa mo. Hindi ka ba hihinto sa pambabaluktot mo sa matuwid na daan ng Panginoon?

11Parurusahan ka ngayon ng Panginoon. Mabubulag ka at hindi makakakita sa loob ng ilang araw.”

At biglang natakpan ng madilim na ulap ang kanyang mga mata, at nangangapa siyang naghanap ng aakay sa kanya.

12Nang makita ng gobernador ang nangyari kay Elimas, sumampalataya siya, at namangha sa mga katuruan tungkol sa Panginoon.

Ang Gawain ni Pablo sa Antioquia ng Pisidia

13Umalis sina Pablo sa Pafos at bumiyahe papuntang Perga na sakop ng Pamfilia. Pagdating nila roon, iniwan sila ni Juan Marcos, at bumalik siya sa Jerusalem.

14Mula sa Perga, tumuloy sina Pablo sa Antioquia na sakop ng Pisidia. Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, pumunta sila sa sinagoga at naupo roon.

15May nagbasa mula sa Kautusan at sa isinulat ng mga propeta. Pagkatapos, nag-utos ang namumuno sa sinagoga na sabihin ito kina Pablo: “Mga kapatid, kung may sasabihin kayo na makapagpapalakas-loob sa mga tao, sabihin ninyo.”

16Kaya tumayo si Pablo, at sinenyasan ang mga tao na makinig sa kanya. Sinabi niya, “Mga kapwa ko Israelita, at kayong mga Hentil na may takot din sa Diyos, pakinggan nʼyo ako.

17Ang Diyos na sinasamba nating mga Israelita ang siyang pumili sa ating mga ninuno. Pinarami niya sila noong nasa lupain pa sila ng Ehipto. At sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, tinulungan niya sila para makaalis sa Ehipto.

18Sa loob ng apatnapung taon, pinagtiyagaan niya sila roon sa disyerto.

19Pagkatapos, nilipol niya ang pitong bansa sa Canaan, at ibinigay niya ang mga lupain ng mga ito sa ating mga ninuno.

20Ang lahat ng ito ay ginawa ng Diyos sa loob ng 450 taon.

“Pagkatapos, binigyan niya sila ng mga taong namuno sa kanila hanggang sa panahon ni Propeta Samuel.

21Nang humingi sila ng hari, ibinigay sa kanila ng Diyos si Saul na anak ni Kish, na mula sa lahi ni Benjamin. Naghari si Saul sa loob ng apatnapung taon.

22Nang alisin ng Diyos si Saul, ipinalit niya si David bilang hari. Ito ang sinabi ng Diyos: ‘Nakita ko si David na anak ni Jesse, bilang isang taong kinalulugdan ko; alam kong susundin niya ang lahat ng iuutos ko.’

23“Sa angkan ni David nagmula si Hesus, ang Tagapagligtas na ipinangako ng Diyos sa Israel.

24Bago pa magsimula si Hesus sa kanyang gawain, nangaral si Juan na Tagapagbautismo sa lahat ng Israelita na dapat nilang pagsisihan ang kanilang mga kasalanan at magpabautismo.

25At nang malapit nang matapos ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Sino ba ako sa inyong akala? Hindi ako ang hinihintay ninyo. Ngunit may isang darating na kasunod ko at kahit ang magkalag ng tali ng kanyang sandalyas ay hindi ako karapat-dapat.’ ”

26“Mga kapatid na mula sa lahi ni Abraham at mga Hentil na sumasamba rin sa Diyos, sa atin ibinigay ng Diyos ang Magandang Balita tungkol sa kaligtasan.

27Ngunit ang mga Hudyong nakatira sa Jerusalem at ang kanilang mga pinuno ay hindi kumilala kay Hesus bilang Tagapagligtas. Hindi rin nila nauunawaan ang sinasabi ng mga propeta na binabasa nila tuwing Araw ng Pamamahinga. Ngunit sila na rin ang tumupad sa mga ipinahayag ng mga propeta nang hatulan nila si Hesus ng kamatayan.

28Kahit wala silang nakitang katibayang magiging dahilan upang parusahan si Hesus ng kamatayan, hiniling pa rin nila kay Pilato na ipapatay siya.

29Nang magawa na nila ang lahat ng sinasabi ng Kasulatan patungkol sa kanya, kinuha nila siya sa krus at inihimlay sa libingan.

30Ngunit muli siyang binuhay ng Diyos.

31At sa loob ng maraming araw, nagpakita siya sa mga taong sumáma sa kanya nang umalis siya sa Galilea papuntang Jerusalem. Ang mga taong iyon ang siya ring nangangaral ngayon sa mga Israelita tungkol kay Hesus.”

32“At narito kami ngayon upang ipahayag sa inyo ang Magandang Balita na ipinangako ng Diyos sa ating mga ninuno,

33na tinupad niya ngayon sa atin nang muli niyang buhayin si Hesus. Ito ang nasusulat sa ikalawang Salmo:

‘Ikaw ang aking anak,

at ngayon ako na ang iyong Ama.’ ”

34“Muli siyang binuhay ng Diyos upang hindi na mabulok ang kanyang katawan. Ayon sa sinabi ng Diyos,

‘Ibibigay ko saʼyo ang mga banal at tiyak na pagpapalang

ipinangako kay David.’ ”

35At sinabi rin ito sa isa pang Salmo:

“ ‘Hindi ka papayag na mabulok ang katawan

ng iyong banal na lingkod.’ ”

36“Nang matapos ni David ang ipinapagawa sa kanya ng Diyos na maglingkod sa kanyang henerasyon, namatay siya at inilibing sa tabi ng kanyang mga ninuno, at ang kanyang katawan ay nabulok.

37Ngunit si Hesus na muling binuhay ng Diyos ay hindi nabulok.”

38“Kaya nga mga kapatid, dapat ninyong malaman na sa pamamagitan ni Hesus ay ipinapahayag namin sa inyo ang balita na patatawarin tayo ng Diyos sa ating mga kasalanan.

39Ang sinumang sumasampalataya kay Hesus ay itinuturing ng Diyos na matuwid. Hindi ito magagawa sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan ni Moises.

40Kaya mag-ingat kayo upang hindi mangyari sa inyo ang sinabi ng mga propeta:

41‘Kayong mga nangungutya,

masindak kayo at mamatay,

sapagkat may gagawin ako

sa inyong kapanahunan, na hindi ninyo paniniwalaan

kahit may magsabi pa sa inyo.’ ”

42Nang palabas na sina Pablo at Bernabe sa sinagoga, inimbitahan sila ng mga tao na muling magsalita tungkol sa mga bagay na ito sa susunod na Araw ng Pamamahinga.

43Pagkatapos ng pagtitipon, maraming Hudyo at mga taong lumipat sa relihiyon ng mga Hudyo ang sumunod kina Pablo at Bernabe. Pinangaralan sila nina Pablo at Bernabe at pinayuhan na ipagpatuloy ang kanilang pagtitiwala sa biyaya ng Diyos.

44Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga, halos lahat ng naninirahan sa Antioquia ay nagtipon sa sinagoga upang makinig sa salita ng Panginoon.

45Nang makita ng mga pinuno ng mga Hudyo na maraming tao ang dumalo, nainggit sila. Sinalungat nila si Pablo at nilait.

46Ngunit buong tapang silang sinagot nina Pablo at Bernabe, “Dapat sanaʼy sa inyo muna namin ipapangaral ang salita ng Diyos. Subalit dahil tinanggihan ninyo ito, kayo rin ang humatol sa sarili ninyo na hindi kayo karapat-dapat sa buhay na walang hanggan. Kaya mula ngayon, sa mga Hentil na kami mangangaral ng Magandang Balita.

47Sapagkat ito ang utos ng Panginoon sa amin:

‘Ginawa kitang ilaw sa mga Hentil,

upang dalhin mo ang kaligtasan

sa kasuluk-sulukang bahagi ng daigdig.’”

48Nang marinig ito ng mga Hentil, nagalak sila at pinarangalan ang salita ng Panginoon; at ang lahat ng itinalaga para sa buhay na walang hanggan ay sumampalataya.

49Kaya kumalat ang salita ng Panginoon sa lugar na iyon.

50Ngunit sinulsulan ng mga pinuno ng mga Hudyo ang mga namumuno sa lungsod, pati na rin ang mga relihiyoso at mga kilalang babae, na kalabanin sina Pablo. Kaya inusig nila sina Pablo at Bernabe, at pinalayas sa lugar na iyon.

51Ipinagpag nina Pablo at Bernabe ang alikabok sa kanilang mga paa bilang babala laban sa kanila at saka pumunta sa Iconio.

52Ang mga alagad sa Antioquia ay napuspos ng galak at ng Banal na Espiritu.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.