Mga Gawa 20

Ang Pagpunta ni Pablo sa Macedonia at Gresya

1Nang matapos na ang gulo, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad. Pinayuhan niya sila na magpakatatag, at pagkatapos niyang magpaalam sa kanila, pumunta siya sa Macedonia.

2Pinuntahan niya ang maraming lugar sa Macedonia, at pinalakas niya ang loob ng mga mananampalataya sa pamamagitan ng pangangaral sa kanila. Pagkatapos, pumunta siya sa Gresya,

3at nanatili siya roon ng tatlong buwan. Nang maglalayag na sana siya papuntang Siria, nalaman niyang plano ng mga Hudyo na patayin siya. Kaya nagpasya siyang bumalik at sa Macedonia dumaan.

4Sumama sa kanya si Sopater na taga-Berea na anak ni Pirro, sina Aristarco at Segundo na mga taga-Tesalonica, si Gayo na taga-Derbe, si Timoteo, at sina Tiquico at Trofimo na mga taga-Asia.[#20:4 : Hindi ito ang Asia na kilala ngayon, kundi bahagi ito ng bansang kilala ngayon bilang Turkiya.]

5Nauna sila sa Troas at hinintay nila kami doon.

6Pinalampas muna namin ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa bago kami bumiyahe galing sa Filipos. Pagkatapos ng limang araw na paglalakbay, nakarating kami at nagkita-kita muli sa Troas kung saan kami nanatili ng pitong araw.

Binuhay mula sa mga Patay si Eutico

7Pagsapit ng unang araw ng linggo, nagtipon kami sa pagpira-piraso ng tinapay upang gunitain ang Panginoon. At dahil maglalakbay si Pablo kinabukasan, nangaral siya hanggang hatinggabi.

8Maraming ilaw sa itaas ng silid na pinagtitipunan namin.

9May isang binata roon na ang pangalan ay Eutico na nakaupo sa bintana. At dahil sa haba ng pagsasalita ni Pablo, inantok siya at nakatulog nang mahimbing, at nahulog siya sa bintana mula sa ikatlong palapag. Patay na siya nang buhatin nila.

10Bumaba si Pablo at dinapaan niya si Eutico at niyakap. Sinabi niya sa mga tao, “Huwag kayong mabahala, buháy siya!”

11At bumalik si Pablo sa itaas, pinagpira-piraso ang tinapay at kumain. Nagpatuloy siya sa pangangaral hanggang mag-umaga at saka siya umalis.

12Ang binatang nahulog ay iniuwi nilang buháy, at lubos silang natuwa.

Ang Pamamaalam ni Pablo sa mga Pinuno ng Efeso

13Naglayag kami papuntang Asos at doon na namin susunduin si Pablo na naglakad lang papunta doon.

14Nang magkita kami sa Asos, pinasakay namin siya at naglayag kami patungong Mitilene.

15Mula sa Mitilene, tumuloy kami sa Quio, at nakarating kami roon kinabukasan. Nang sumunod na araw, nasa Samos na kami, at makaraan ang isa pang araw ay narating namin ang Mileto.

16Hindi kami dumaan sa Efeso, dahil ayaw ni Pablo na maglaan ng oras sa lalawigan ng Asia. Nagmamadali siya dahil gusto niyang makarating sa Jerusalem bago dumating ang Araw ng Pentecostes.

17Habang nasa Mileto si Pablo, may pinapunta siya sa Efeso para sabihin sa mga pinuno ng iglesya na makipagkita sa kanya.

18Pagdating nila, sinabi ni Pablo sa kanila, “Alam ninyo kung paano akong namuhay noong kasama pa ninyo ako, mula sa unang araw pa lang nang pagdating ko sa lalawigan ng Asia.

19Naglingkod ako sa Panginoon nang may pagpapakumbaba at pagluha sa gitna ng matinding pagsubok mula sa plano ng mga kalaban kong Hudyo.

20Alam din ninyong wala akong inilihim sa inyo sa aking pagtuturo tungkol sa mga bagay na para sa inyong ikakabuti, na itinuro ko sa publiko at sa bahay-bahay.

21Pinaalalahanan ko ang mga Hudyo at mga Hentil na kailangan nilang magsisi sa kanilang mga kasalanan at magbalik-loob sa Diyos, at sumampalataya sa ating Panginoong Hesus.”

22“Ngayon, pupunta ako sa Jerusalem dahil ito ang utos ng Espiritu sa akin. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin doon.

23Ang alam ko lang, kahit saang lungsod ako pumunta, pinapaalalahanan ako ng Banal na Espiritu na bilangguan at pag-uusig ang naghihintay sa akin.

24Ngunit hindi mahalaga sa akin kung ano man ang mangyayari sa aking buhay; nais ko lamang na matapos ang gawaing ibinigay sa akin ng Panginoong Hesus, na maipangaral ang Magandang Balita tungkol sa biyaya ng Diyos.

25“Napuntahan ko kayong lahat sa aking pangangaral tungkol sa kaharian ng Diyos, at ngayon alam kong hindi na tayo magkikita pang muli.

26Kaya sinasabi ko sa inyo ngayon, na kung mayroon sa inyong mapapahamak, wala na akong pananagutan sa Diyos.

27Sapagkat wala akong inilihim sa inyo sa aking pagtuturo tungkol sa buong layunin at plano ng Diyos.

28Bantayan ninyo ang inyong sarili at ang mga mananampalatayang itinalaga ng Banal na Espiritu sa inyong pangangasiwa. Pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos na kanyang tinubos sa pamamagitan ng sarili niyang dugo.

29Sapagkat alam kong sa pag-alis koʼy may mga tagapagturo diyan na katulad ng mga lobo na papasok sa inyo at sisira sa inyong grupo.

30Darating din ang panahon na may magtuturo ng kasinungalingan mula mismo sa inyong grupo at ililigaw nila ang mga alagad.

31Kaya mag-ingat kayo, at alalahanin ninyong sa loob ng tatlong taon, walang tigil ko kayong pinaalalahanan araw at gabi, nang may pagluha.

32“At ngayon, ipinagkakatiwala ko kayo sa Diyos at sa mensahe ng kanyang biyaya na magpapatibay sa inyong pananampalataya at magbibigay ng lahat ng pagpapalang inilaan ng Diyos para sa lahat ng taong hinirang niya.

33Hindi ko hinangad ang inyong mga kayamanan at mamahaling mga damit.

34Alam ninyong nagtrabaho ako upang matustusan ang mga pangangailangan namin ng aking mga kasamahan.

35Ginawa ko ito para maipakita sa inyo na sa ganitong pagsusumikap ay matutulungan natin ang mga mahihina. Palagi nating alalahanin ang sinabi ng Panginoong Hesus na mas mapalad ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap.”

36Pagkatapos magsalita ni Pablo, lumuhod siyang kasama nila at nanalangin.

37Umiyak silang lahat, at niyakap nila si Pablo at hinalikan.

38Labis nilang ikinalungkot ang sinabi ni Pablo na hindi na sila magkikitang muli. Pagkatapos, inihatid nila si Pablo sa barko.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.