2Nang marinig ng mga tao na nagsalita siya sa wikang Arameo, lalo silang tumahimik.
At nagpatuloy si Pablo sa pagsasalita:
3“Akoʼy isang Hudyong ipinanganak sa Tarso na sakop ng Cilicia, pero lumaki ako rito sa Jerusalem. Dito ako nag-aral at naging guro ko si Gamaliel. Sinanay akong mabuti sa Kautusan na sinunod din ng ating mga ninuno. Gaya ninyo ngayon, masigasig din akong naglilingkod sa ating Diyos.
4Inusig ko at sinikap na patayin ang mga sumusunod sa Daan. Hinuli ko sila at ikinulong, lalaki man o babae.
5Ang punong pari at ang lahat ng miyembro ng Sanhedrin ay makapagpapatunay sa lahat ng sinasabi ko. Sila mismo ang nagbigay sa akin ng sulat para sa mga kapatid nating Hudyo doon sa Damasco. At pumunta ako doon para hulihin ang mga sumasampalataya kay Hesus at dalhin pabalik dito sa Jerusalem upang parusahan.
6“Tanghaling-tapat na noon at malapit na kami sa Damasco. Biglang kumislap sa aming paligid ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit.
7Natumba ako at may narinig akong tinig na nagsasabi sa akin, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?’
8“Nagtanong ako, ‘Sino po kayo, Panginoon?’
“Sumagot ang tinig, ‘Akoʼy si Hesus na taga-Nazaret, na iyong inuusig.’
9Nakita ng mga kasama ko ang liwanag ngunit hindi nila narinig ang boses na nagsasalita sa akin.
10“At nagtanong pa ako, ‘Ano ang gagawin ko, Panginoon?’
“At sinabi niya sa akin, ‘Tumayo ka at pumunta sa Damasco, at doon, sasabihin sa iyo ang lahat ng gagawin mo.’
11Nabulag ako sa tindi ng liwanag. Kaya inakay ako ng aking mga kasama papuntang Damasco.
12“Doon sa Damasco, may isang tao na ang pangalan ay Ananias. May takot siya sa Diyos at sumusunod sa Kautusan. Iginagalang siya ng mga Hudyong naninirahan doon.
13Pumunta siya sa akin at sinabi, ‘Kapatid na Saulo, makakakita ka na.’ Noon din ay gumaling ako at nakita ko si Ananias.
14“Sinabi niya sa akin, ‘Pinili ka ng Diyos ng ating mga ninuno para malaman mo ang kalooban niya at upang makita mo at marinig ang boses ng Matuwid na si Hesus.
15Sapagkat ipapahayag mo sa lahat ng tao ang iyong nakita at narinig.
16Ngayon, ano pa ang hinihintay mo? Tumayo ka na at magpabautismo, at tumawag sa Panginoon upang maging malinis ka sa iyong mga kasalanan.’ ”
17“Pagkatapos, bumalik ako sa Jerusalem. At habang nananalangin ako sa Templo, nagkaroon ako ng pangitain.
18Nakita ko si Hesus na nagsasabi sa akin, ‘Bilisan mo! Umalis ka agad sa Jerusalem, dahil hindi tatanggapin ng mga taga-rito ang patotoo mo tungkol sa akin.’
19“Sinabi ko sa kanya, ‘Ngunit bakit hindi sila maniniwala, Panginoon, samantalang alam nila na inikot ko noon ang mga sinagoga para hulihin at gulpihin ang mga taong sumasampalataya sa iyo?
20At nang dumanak ang dugo ng martir na si Esteban, naroon ako at sumang-ayon sa pagpatay sa kanya, at ako pa nga ang nagbantay ng mga balabal ng mga pumatay sa kanya.’
21“Ngunit sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Umalis ka sa Jerusalem, dahil ipapadala kita sa malayong lugar upang ipangaral mo ang Magandang Balita sa mga Hentil!’ ”
22Pagkasabi nito ni Pablo, ayaw na siyang pakinggan ng mga tao. Sumigaw sila, “Patayin ang taong iyan! Hindi siya dapat mabuhay dito sa mundo!”
23Patuloy ang kanilang pagsigaw, habang ibinabalibag nila ang kanilang mga damit at isinasaboy ang alikabok paitaas.
24Kaya iniutos ng kumander sa kanyang mga sundalo na dalhin si Pablo sa loob ng himpilan at hagupitin para ipagtapat niya ang kanyang nagawang kasalanan. Gusto niyang malaman kung bakit ganoon na lamang ang sigawan ng mga tao laban sa kanya.
25Nang iginagapos na nila si Pablo para hagupitin, sinabi niya sa kapitan na nakatayo roon, “Naaayon ba sa batas na hagupitin ninyo ang isang Romano kahit hindi pa napatunayang may kasalanan siya?”
26Nang marinig ito ng kapitan, pumunta siya sa kumander at sinabi, “Ano itong ipinapagawa mo? Romano pala ang taong iyon!”
27Kaya pumunta ang kumander kay Pablo at nagtanong, “Romano ka ba?”
“Opo,” sagot ni Pablo.
28Sinabi ng kumander, “Ako rin ay naging Romano sa pamamagitan ng pagbayad ng malaking halaga.”
Sumagot si Pablo, “Ngunit akoʼy isinilang na isang Romano!”
29Umatras agad ang mga sundalo na mag-iimbestiga sana sa kanya. Natakot din ang kumander dahil ipinagapos niya si Pablo, gayong isa pala siyang Romano.
30Gusto talagang malaman ng kumander kung bakit inaakusahan ng mga Hudyo si Pablo. Kaya kinabukasan, ipinatawag niya ang mga namamahalang pari at ang lahat ng miyembro ng Sanhedrin. Pagkatapos, ipinatanggal niya ang kadena ni Pablo at iniharap siya sa kanila.