Mga Gawa 7

Ang Talumpati ni Esteban sa Sanhedrin

1Tinanong ng punong pari si Esteban, “Totoo ba ang mga paratang saʼyo?”

2Sumagot si Esteban, “Mga kapatid at mga magulang, pakinggan nʼyo po ako. Noong unang panahon, ang Diyos ng kaluwalhatian ay nagpakita sa ating ninunong si Abraham noong siyaʼy nasa Mesopotamia pa, bago siya lumipat sa Haran.

3Sinabi ng Diyos sa kanya, ‘Lisanin mo ang iyong lupain, ang iyong mga kamag-anak, at pumunta ka sa lugar na ipapakita ko sa iyo.’ ”[#7:3 Gen. 12:1.]

4“Kaya nilisan ni Abraham ang lupain ng Caldeo at doon siya nanirahan sa Haran. Pagkamatay ng kanyang ama, pinapunta siya ng Diyos sa lupaing ito na tinitirhan natin ngayon.

5Noong panahong iyon, wala pang ipinamana ang Diyos sa kanya kahit na kapirasong lupa. Ngunit nangako ang Diyos na ibibigay niya ang lupaing ito sa kanya at sa kanyang magiging lahi, kahit na wala pa siyang anak noon.

6Sinabi rin ng Diyos sa kanya, ‘Maninirahan sa ibang bansa ang iyong lahi. Gagawin silang mga alipin doon at pagmamalupitan sa loob ng 400 taon.

7Ngunit paparusahan ko ang bansang aalipin sa kanila. Pagkatapos, lilisanin nila ang bansang iyon at babalik sa lugar na ito, at sasambahin nila ako dito.’[#7:7 Gen. 15:13‑14.]

8At bilang tanda ng kanilang kasunduan, iniutos ng Diyos kay Abraham na ang lahat ng lalaki ay dapat tuliin. Kaya nang isilang ang kanyang anak na si Isaac, tinuli niya ito nang walong araw na ang sanggol. Ganito rin ang ginawa ni Isaac sa kanyang anak na si Jacob. At ginawa rin ito ni Jacob sa kanyang labindalawang anak na mga ninuno nating mga Hudyo.”

9“Ang mga ninuno natin ay nainggit sa kapatid nilang si Jose, kaya ipinagbili siya para maging alipin sa Ehipto. Subalit kasama niya ang Diyos

10na nagliligtas sa kanya sa lahat ng paghihirap na dinanas niya. Pinagkalooban siya ng Diyos ng karunungan, kaya nalugod sa kanya ang Faraon na hari ng Ehipto. Hinirang ng Faraon si Jose na maging gobernador ng buong Ehipto at tagapamahala ng buong sambahayan niya.”

11“Dumating ang panahon na nagkaroon ng taggutom sa buong Ehipto at Canaan. Hirap na hirap ang mga tao, at ang ating mga ninuno ay walang makunan ng pagkain.

12Nang mabalitaan ni Jacob na may pagkain sa Ehipto, pinapunta niya doon ang ating mga ninuno. Iyon ang una nilang pagpunta doon.

13Sa pangalawang beses nilang pagpunta doon, nagpakilala na si Jose sa kanyang mga kapatid, at nakilala ni Faraon ang pamilya ni Jose.

14Pagkatapos, ipinasundo ni Jose ang ama niyang si Jacob kasama ang kanyang buong pamilya. Pitumpuʼt limang katao silang lahat.

15Kayaʼt pumunta si Jacob sa Ehipto, at doon siya namatay, pati na rin ang lahat ng kanyang mga anak na ating mga ninuno.

16Dinala ang kanilang mga labí sa Shekem at inilibing sa libingang binili ni Abraham noon sa mga anak ni Hamor.”

17“Nang malapit nang matupad ang pangako ng Diyos kay Abraham, lalo pang dumami ang ating mga ninuno sa Ehipto,

18hanggang sa nagkaroon ng bagong hari sa Ehipto na hindi nakakakilala kay Jose.

19Pinagsamantalahan at pinahirapan niya ang ating lahi. Pinilit niya silang itapon ang kanilang mga sanggol upang mamatay.

20“Sa panahong iyon isinilang si Moises na isang batang kinalugdan ng Diyos. Inalagaan siya ng kanyang mga magulang sa kanilang bahay sa loob ng tatlong buwan.

21At nang napilitan na silang iwan siya, kinuha siya ng anak na babae ng Faraon at pinalaking parang tunay niyang anak.

22Tinuruan si Moises ng lahat ng kaalaman ng Ehipto, at naging makapangyarihan sa salita at sa gawa.

23“Noong apatnapung taon na si Moises, naisipan niyang dalawin ang kanyang mga kababayang Israelita.

24Nakita niya ang isa sa kanila na pinagmamalupitan ng isang Ehipsiyo. Ipinagtanggol niya ito, at bilang paghihiganti, pinatay niya ang Ehipsiyo.

25Sa ginawa niyang iyon, inakala niyang mauunawaan ng mga kapwa niya Israelita na siya ang gagamitin ng Diyos upang palayain sila. Ngunit hindi nila ito naunawaan.

26Kinabukasan, bumalik si Moises at nakita niya ang dalawang Israelitang nag-aaway. Gusto niyang pagkasunduin ang dalawa, kaya sinabi niya sa kanila, ‘Mga ginoo, magkalahi kayo. Bakit kayo nag-aaway?’ ”

27“Ngunit itinulak siya ng lalaking nananakit sa kapwa niya at sinabi, ‘Sino ang nagtalaga saʼyong maging pinuno at hukom namin?

28Papatayin mo rin ba ako tulad ng ginawa mo sa Ehipsiyo kahapon?’[#7:28 Exo. 2:14.]

29Nang marinig ito ni Moises, tumakas siya at pumunta sa lupain ng Midian. Doon siya nanirahan bilang isang dayuhan at doon din isinilang ang dalawa niyang anak na lalaki.”

30“Pagkalipas ng apatnapung taon, nagpakita ang isang anghel kay Moises sa isang nagliliyab na mababang punongkahoy habang siyaʼy nasa ilang, malapit sa Bundok ng Sinai.

31Namangha si Moises sa kanyang nakita. Nang papalapit na siya para tingnan ito, narinig niya ang tinig ng Panginoon na nagsasabi,

32‘Ako ang Diyos ng iyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob.’ Nanginig si Moises sa takot at hindi na nangahas pang tumingin.”[#7:32 Exo. 3:6.]

33“Sinabi ng Panginoon sa kanya, ‘Tanggalin mo ang iyong sandalyas, dahil ang lugar na kinatatayuan mo ay sagradong lupa.

34Nakikita ko ang mga paghihirap na dinaranas ng aking bayan sa Ehipto, at naririnig ko rin ang kanilang mga hinaing. Kaya bumaba ako upang iligtas sila. Ngayon humanda ka, dahil isusugo kita sa Ehipto.’ ”[#7:34 Exo. 3:5, 7‑8, 10.]

35“Ito ang Moises na itinakwil noon ng mga kapwa niya Israelita na nagsabi, ‘Sino ang nagtalaga saʼyong maging pinuno at hukom?’ Ngunit siya ang isinugo ng Diyos na maging pinuno at tagapagligtas ng mga Israelita sa tulong ng anghel na nakita niya sa nagliliyab na mababang punongkahoy.

36Si Moises ang nanguna sa mga Israelita palabas sa lupain ng Ehipto. Gumawa siya ng mga tanda at kababalaghan sa Ehipto, sa Dagat na Pula, at sa disyerto na kanilang dinaanan sa loob ng apatnapung taon.”

37“Ito rin ang Moises na nagsabi sa mga Israelita, ‘Magtatalaga sa inyo ang Diyos ng isang propetang katulad ko mula sa lahi ninyo.’[#7:37 Deu. 18:15.]

38Si Moises din ang kasama ng ating mga ninuno sa disyerto. Siya ang namagitan sa mga tao at sa anghel na nakipag-usap sa kanya sa Bundok ng Sinai; at doon niya tinanggap ang mga salitang nagbibigay-buhay upang ibigay sa atin.”

39“Subalit ayaw sumunod ng ating mga ninuno sa kanya. Sa halip, itinakwil nila siya, at gusto nilang bumalik sa Ehipto.

40Sinabi nila kay Aaron, ‘Ilikha mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat hindi na namin alam kung ano ang nangyari sa Moises na ʼyan na naglabas sa amin mula sa Ehipto.’[#7:40 Exo. 32:1.]

41Pagkatapos, gumawa sila ng diyos-diyosang kaanyo ng guya. Naghandog sila rito, at ipinagdiwang nila ang gawa ng sarili nilang mga kamay.

42Sa ginawa nilang iyon, tinalikuran sila ng Diyos at hinayaan silang sumamba sa mga bituin sa langit, tulad ng nakasulat sa aklat ng mga propeta:

‘Kayong mga Israelita, sa akin ba kayo nagbigay

ng mga alay na hayop at mga handog

sa loob ng apatnapung taon ninyo sa ilang?

43Hindi! Ang dala-dala ninyo ay

ang toldang sambahan ni Molec

at ang bituing imahen ng inyong diyos na si Refan.

Itoʼy mga diyos-diyosang ginawa ninyo para sambahin.

Kaya itatapon ko kayo nang mas malayo pa sa Babilonia.’”

44Sinabi pa ni Esteban, “Noong naroon pa ang ating mga ninuno sa disyerto, dala-dala nila ang Toldang Tipanan kung saan nila sinasamba ang Diyos. Ginawa ang toldang ito ayon sa utos ng Diyos kay Moises at sa planong ipinakita sa kanya.

45Tinanggap ito ng ating mga ninuno na nasa pamumuno ni Josue. Dala-dala nila ito noong sakupin nila ang lupain ng mga bansang itinaboy ng Diyos sa kanilang harapan. Nanatili ito roon hanggang sa panahon ni David.

46Nalugod ang Diyos kay David, at humingi si David ng pahintulot na magpatayo ng bahay para sa Diyos ni Jacob.

47Ngunit hindi siya ang nagpatayo ng bahay para sa Diyos kundi si Solomon na anak niya.

48“Subalit ang Kataas-taasang Diyos ay hindi naninirahan sa mga bahay na gawa ng tao. Katulad ng sinabi ng propeta,

49‘Ang langit ang aking trono,

at ang lupa ang aking apakan.

Anong uri ng bahay

ang gagawin nʼyo para sa akin?

sabi ng Panginoon.

Anong lugar ba ang mapagpapahingahan ko?

50Hindi baʼt ako ang gumawa ng lahat ng bagay na ito?’”[#7:50 Isa. 66:1‑2.]

51Sinabi ni Esteban, “Napakatigas ng ulo ninyo! Nagbibingi-bingihan kayo sa salita ng Diyos at ayaw nʼyong sumunod dito. Palagi ninyong kinakalaban ang Banal na Espiritu. Manang-mana kayo sa mga ninuno ninyo!

52Sino ba sa mga propeta ang hindi inusig ng mga ninuno ninyo? Pinatay pa nga nila ang mga nagpahayag tungkol sa pagdating ng Matuwid na Lingkod. At ngayong dumating na siya, kayo ang trumaydor at pumatay sa kanya.

53Kayo ang tumanggap ng Kautusang ibinigay ng mga anghel, ngunit hindi ninyo ito sinunod.”

Ang Pagbato kay Esteban

54Nang marinig iyon ng mga miyembro ng Sanhedrin, galit na galit sila kay Esteban at nagngalit pa ang kanilang mga ngipin.

55Ngunit si Esteban ay napuspos ng Banal na Espiritu. Tumingala siya sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at si Hesus na nakatayo sa kanan ng Diyos.

56Sinabi ni Esteban, “Tingnan ninyo! Nakikita kong bukas ang langit at nakatayo ang Anak ng Tao sa kanan ng Diyos!”

57Kaya tinakpan nila ang kanilang mga tainga habang sumisigaw nang malakas, at sabay-sabay nilang sinugod si Esteban.

58Kinaladkad nila siya palabas ng lungsod at pinagbabato. Samantala, hinubad ng mga saksing laban kay Esteban ang kanilang balabal at iniwan sa paanan ng isang binatang ang pangalan ay Saulo.

59Habang binabato nila si Esteban, nananalangin siya, “Panginoong Hesus, tanggapin nʼyo po ang aking espiritu.”

60Pagkatapos, lumuhod siya at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag nʼyo po silang papanagutin sa kasalanang ito!” At pagkasabi nitoʼy namatay siya.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.