The chat will start when you send the first message.
1Ito ang mga pahayag ni Amos na isa sa mga pastol ng kawan ng tupa sa bayan ng Tekoa. Ang mga pangitaing ito tungkol sa Israel ay ipinakita sa kanya noong panahon na si Uzias ang hari ng Juda at si Jeroboam na anak ni Jehoas ang hari ng Israel, dalawang taon bago lumindol.
2Sinabi ni Amos:
“Umaatungal ang Panginoon
mula sa Zion;
dumadagundong ang tinig niya
mula sa Jerusalem.
Dahil dito natutuyo ang mga pastulan
ng mga pastol
at nalalanta ang mga tanim
sa tuktok ng Bundok ng Carmel.”
3Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Siria:
“Dahil sa paulit-ulit na pagkakasala
ng mga taga-Damasco,
parurusahan ko sila.
Sapagkat pinagmalupitan nila
ang mga taga-Gilead
na parang giniik ng tabla
na may mga ngiping bakal sa ilalim.
4Kaya susunugin ko
ang palasyo ni Haring Hazael
at ang matitibay na bahagi ng Damasco
na ipinagawa ng anak niyang
si Haring Ben-hadad.
5Wawasakin ko ang pintuan ng Damasco
at papatayin ko ang pinuno
ng Lambak ng Aven at ng Bet-eden.
Bibihagin at dadalhin sa Kir
ang mga mamamayan ng Siria.
Ako, ang Panginoon ,
ang nagsasabi nito.”
6Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Filistia:
“Dahil sa paulit-ulit na pagkakasala
ng mga taga-Gaza,
parurusahan ko sila.
Sapagkat binihag nila
ang lahat ng naninirahan
sa mga bayan
at ipinagbili bilang mga alipin
sa Edom.
7Kaya susunugin ko
ang mga pader ng Gaza
at ang matitibay
na bahagi ng lungsod na ito.
8Lilipulin ko ang mga pinuno
ng Asdod at ng Ashkelon,
at parurusahan ko
ang mga taga-Ekron.
At ang mga Filisteong makakatakas sa parusa
ay mamamatay din.
Ako, ang Makapangyarihang Panginoon ,
ang nagsasabi nito.”
9Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Tiro:
“Dahil sa paulit-ulit
na pagkakasala ng mga taga-Tiro,
parurusahan ko sila.
Sapagkat ipinagbili nila
ang lahat ng naninirahan
sa mga bayan
bilang mga alipin sa Edom.
Hindi nila sinunod
ang kanilang kasunduang pangkapatiran
sa mga mamamayang ito.
10Kaya susunugin ko
ang mga pader ng Tiro
at ang matitibay na bahagi
ng lungsod nito.”
11Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Edom:
“Dahil sa paulit-ulit na pagkakasala
ng mga taga-Edom,
parurusahan ko sila.
Sapagkat tinugis nila
ang kanilang mga kamag-anak na mga Israelita
at walang awang pinatay.
Hinding-hindi mawawala
ang kanilang galit sa mga Israelita.
12Kaya susunugin ko ang Teman
at ang matitibay na bahagi ng Bosra.”
13Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Amon:
“Dahil sa paulit-ulit na pagkakasala
ng mga Amonita,
parurusahan ko sila.
Sapagkat nilaslas nila ang tiyan
ng mga buntis sa Gilead
nang salakayin nila ito,
upang mapalawak ang kanilang lupain.
14Kaya susunugin ko
ang mga pader ng Rabba
at ang matitibay
na bahagi ng lungsod na ito
habang nagsisigawan
ang mga kaaway
na sumasalakay sa kanila,
na parang umuugong na bagyo.
15At bibihagin ang hari ng Amon
gayon din ang kanyang mga opisyal,”
sabi ng Panginoon .