Amos 3

Ipinatawag ang mga Saksi Laban sa Israel

1Kayong mga taga-Israel, na ang mga ninuno ay inilabas ng Panginoon sa Ehipto, pakinggan ninyo ang sasabihin niya laban sa inyo:

2“Sa lahat ng bansa sa buong mundo,

kayo lamang ang aking pinili

na maging mga mamamayan ko.

Kaya parurusahan ko kayo

dahil sa lahat

ng inyong mga kasalanan.”

3Maaari bang magsama sa paglalakbay

ang dalawang tao

kung hindi sila magkasundo?

4Umaatungal ba

ang leon sa kagubatan

kung wala siyang mabibiktima?

Aatungal ba siya

sa loob ng kanyang yungib

kung wala siyang nahuli?

5Mahuhuli ba ang ibon

kung walang pain na inilagay sa bitag?

At iigkás ba ang bitag

kung walang nahuli?

6Hindi baʼt nanginginig sa takot

ang mga tao sa tuwing patutunugin

ang trumpeta

na nagpapahiwatig na may paparating

na kaaway?

Mangyayari ba ang kapahamakan

sa isang lungsod

kung hindi ito pinahintulutan

ng Panginoon ?

7Sa katunayan, hindi gumagawa ng anuman

ang Makapangyarihang Panginoon

na hindi muna niya ipinababatid

sa kanyang mga lingkod na propeta.

8Sino ang hindi matatakot

kung umaatungal na ang leon?

Sino kaya ang hindi magpapahayag

ng mensahe

ng Makapangyarihang Panginoon

kung ang Makapangyarihang Panginoon

na mismo ang nagsasalita sa kanya?

9Ipahayag ninyo sa mga pinunong nakatira

sa matitibay na bahagi ng Asdod at Ehipto,

“Magtipon kayo sa mga burol

sa paligid ng Samaria

at tingnan ninyo ang kaguluhang

nangyayari sa lungsod na ito

at ang panggigipit

sa mga mamamayan nito.”

10Sapagkat ito ang sinasabi

ng Makapangyarihang Panginoon

laban sa Samaria:

“Hindi sila marunong gumawa

ng matuwid.

Ang matitibay na bahagi

ng kanilang lungsod

ay puno ng mga bagay na ninakaw

at sinamsam.”

11Kaya ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon ,

“Lulusubin sila ng mga kaaway

at gigibain ang kanilang mga kampo.

Sasamsamin ng mga kaaway

ang mga ari-arian

sa matitibay na bahagi

ng kanilang lungsod.”

12Ito pa ang sinasabi ng Panginoon :

“Ang maililigtas lang ng isang pastol

sa tupang sinisila ng leon

ay maaaring dalawang paa

o isang tainga lamang.

Ganoon din ang mangyayari

sa inyong mga Israelitang nakatira sa Samaria;

wala kayong maililigtas

kundi bahagi na lamang

ng inyong magagandang higaan.”

13Sinabi ng Makapangyarihang Panginoon, Panginoong Diyos ng mga Hukbo, “Pakinggan ninyo ang sasabihin ko at sabihin din ninyo ito sa mga lahi ni Jacob:

14Sa araw na parusahan ko

ang mga taga-Israel

dahil sa kanilang mga kasalanan,

wawasakin ko ang mga altar sa Betel.

Puputulin ko ang sungay

ng mga sulok ng altar

at mahuhulog ang mga ito sa lupa.

15Wawasakin ko

ang kanilang mga bahay

na pangtaglamig

at ang mga bahay na pangtag-init.

Wawasakin ko rin

ang kanilang mamahalin

at malalaking bahay,”

sabi ng Panginoon .

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.