The chat will start when you send the first message.
1Pakinggan ninyo ito,
mga babae sa bundok ng Samaria
na parang mga pinatabang
baka ng Bashan.
Ginigipit ninyo ang mga dukha
at inaapak-apakan ang
mga nangangailangan.
Inuutusan pa ninyo ang inyong asawa,
“Dalhan mo pa kami ng maiinom!”
2Sumusumpa
ang Makapangyarihang Panginoon
sa kanyang kabanalan:
“Tiyak na darating ang araw
na kakaladkarin kayo bilang mga bihag
na tulad ng mga isdang nabingwit.
3Palalabasin nila kayo
sa inyong lungsod
sa pamamagitan ng mga siwang
ng inyong gumuhong pader,
at dadalhin nila kayo
sa lupain ng Harmon,”
sabi ng Panginoon .
4“Pumunta kayo sa Betel
at gumawa kayo ng kasalanan.
Pumunta kayo sa Gilgal
at dagdagan pa ninyo ang mga ito.
Dalhin ninyo ang inyong mga handog
bawat umaga;
dalhin ninyo ang inyong mga ikapu
tuwing ikatlong araw.
5Sige, magsunog kayo ng tinapay
na may pampaalsa
bilang handog ng pasasalamat.
Ipagmalaki ninyo ang mga iyan
pati ang inyong mga handog na kusang-loob,
dahil iyan ang gusto ninyong gawin,”
sabi ng Makapangyarihang Panginoon .
6“Ako ang nagpadala sa inyo ng taggutom
sa lahat ng inyong mga lungsod at bayan;
ngunit hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin,”
sabi ng Panginoon .
7“Ako rin ang pumigil sa ulan
sa loob ng tatlong buwan
bago dumating ang anihan.
Pinauulan ko sa isang bayan
ngunit sa iba ay hindi.
Pinauulan ko sa isang bukirin
ngunit sa ibang bukirin ay tigang.
8Ang mga taoʼy pasuray-suray
na naghahanap ng tubig;
palipat-lipat sila sa mga bayan,
pero walang makuhang
sapat na maiinom.
Ngunit hindi pa rin kayo
nanumbalik sa akin,”
sabi ng Panginoon .
9“Sinira ko nang maraming beses
ang inyong mga taniman at ubasan
sa pamamagitan
ng mainit na hangin at ng mga amag.
Sinalakay ng mga balang
ang inyong mga puno ng igos at olibo.
Ngunit hindi pa rin kayo
nanumbalik sa akin,”
sabi ng Panginoon .
10“Pinadalhan ko kayo
ng mga salot
katulad ng mga ipinadala ko
sa Ehipto.
Ipinapatay ko ang inyong
mga binata sa digmaan
at ipinabihag ang inyong
mga kabayo.
Pinuno ko ang inyong mga ilong
ng alingasaw ng mga patay
sa inyong mga kampo.
Ngunit hindi pa rin kayo
nanumbalik sa akin,”
sabi ng Panginoon .
11“Nilipol ko ang iba sa inyo
katulad ng ginawa ko
sa Sodoma at Gomora.
At ang ilan sa inyo na nakaligtas
ay parang panggatong
na inagaw sa apoy.
Ngunit hindi pa rin kayo
nanumbalik sa akin.
Ako, ang Panginoon ,
ang nagsasabi nito.
12“Kaya muli kong gagawin
ang mga parusang ito
sa inyong mga taga-Israel.
At dahil gagawin ko ito,
humanda kayo sa pagharap
sa akin na inyong Diyos!”
13Ang Diyos ang lumikha
ng mga bundok at ng hangin,
at siya rin ang nagpapalipas ng araw
para maging gabi.
Ipinapaalam niya sa tao
ang kanyang mga plano
at siya ang namamahala
sa buong mundo.
Ang kanyang pangalan
ay Panginoong Diyos ng mga Hukbo.