Amos 5

Ang Panawagan sa Pagsisisi

1Mga Israelita, pakinggan nʼyo itong panaghoy tungkol sa inyo:

2“Ang Israel na katulad

ng isang babaeng birhen

ay nabuwal at hindi na

muling makabangon.

Pinabayaan siyang nakahandusay

sa sarili niyang lupain

at walang tumutulong

para ibangon siya.”

3Ito ang sinabi ng Makapangyarihang Panginoon ,

“Sa isang libong sundalo na ipapadala

ng isang lungsod sa Israel,

isang daan na lang ang matitira.

At sa isang daang sundalo

na kanyang ipapadala,

sampu na lang ang matitira.”

4Ito ang sinasabi ng Panginoon sa Israel:

“Dumulog kayo sa akin

at mabubuhay kayo.

5Huwag na kayong pumunta sa Betel,

sa Gilgal, o sa Beer-seba,

upang sumamba roon.

Sapagkat siguradong bibihagin

ang mga mamamayan ng Gilgal

at mawawala ang Betel.”

6Dumulog kayo sa Panginoon ,

kayong mga lahi ni Jose,

at mabubuhay kayo.

Dahil kung hindi, lulusubin kayo

na parang apoy.

Kaya malilipol ang Betel

at walang makakapigil nito.

7Nakakaawa kayo!

Ang katarungan

ay ginagawa ninyong marumi

at pinawawalang-halaga ninyo

ang katuwiran!

8Ang Diyos ang lumikha

ng grupo ng mga bituing

tinatawag na Pleyades at Orion.

Siya ang nagpapalipas

ng liwanag sa dilim,

at ng araw sa gabi.

Tinitipon niya ang tubig

mula sa karagatan

upang pumunta sa mga ulap

at muling ibuhos sa lupa

sa pamamagitan ng ulan.

Panginoon

ang kanyang pangalan.

9Agad niyang winawasak

ang matitibay na napapaderang bayan,

at dinudurog ang napapaderang lungsod.

10Kayong mga taga-Israel,

napopoot kayo sa humahatol nang tama

at nagsasabi ng totoo sa hukuman.

11Inaapi ninyo ang mga mahihirap

at pinipilit na magbigay

sa inyo ng kanilang ani.

Kaya hindi kayo makakatira

sa ipinatayo ninyong mansyong bato,

at hindi kayo makakainom ng katas

mula sa itinanim ninyong mga ubas.

12Sapagkat alam ko[#5:12 : O ng Diyos.]

kung gaano karami at kabigat

ang inyong mga kasalanan.

Inuusig ninyo

ang mga taong walang kasalanan

at kinikikilan pa ninyo.

Hindi ninyo binibigyan ng hustisya

sa hukuman ang mga mahihirap.

13Dahil naghahari ngayon ang kasamaan,

ang marurunong ay tumatahimik na lang.

14Gawin na lamang ninyo ang mabuti

at huwag ang masama para mabuhay kayo,

at sasamahan kayo

ng Panginoong Diyos

ng mga Hukbo,

gaya nang inyong sinasabi.

15Kapootan ninyo ang masama

at gawin ang mabuti,

at pairalin ninyo ang hustisya

sa inyong mga hukuman.

Baka sakaling maawa

ang Panginoong Diyos ng mga Hukbo

sa inyong mga natitira sa mga lahi ni Jose.

16Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo:

“Darating ang araw na maririnig

ang mga iyakan at panaghoy

sa mga plasa at mga lansangan.

Ipapatawag ang mga magsasaka

upang umiyak sa mga patay

kasama ng mga taong inupahan

upang umiyak.

17May mga iyakan din

sa inyong mga taniman ng ubas.

Mangyayari ito dahil parurusahan ko kayo,”

sabi ng Panginoon .

Ang Araw ng Paghatol ng Panginoon

18Nakakaawa kayong naghihintay

sa araw ng paghatol ng Panginoon .

Huwag ninyong isipin

na araw iyon ng inyong kaligtasan.

Sapagkat iyon ang araw

na parurusahan kayo.

19Para kayong taong nag-aakalang ligtas na siya

dahil nakatakas siya sa leon,

pero nasalubong naman niya ang oso.

O di kayaʼy nag-aakalang ligtas na siya

dahil nasa loob na siya

ng kanyang bahay,

ngunit nang isinandal niya

ang kanyang kamay sa dingding,

tinuklaw ito ng ahas.

20Tiyak na darating ang araw

ng paghatol ng Panginoon

at itoʼy magdudulot ng kaparusahan

at hindi kaligtasan;

katulad ito ng dilim na walang liwanag

kahit kaunti man lang.

21Sinabi ng Panginoon

sa mga Israelita,

“Napopoot ako sa inyong mga pista;

hindi ako nalulugod

sa inyong ginagawang pagtitipon.

22Kaya kahit dalhan pa ninyo ako

ng sari-saring handog,

kahit pa ang pinakamabuting

handog pangkapayapaan

ay hindi ko tatanggapin.

23Tigilan na ninyo

ang maingay ninyong awitan.

Ayokong makinig sa tugtog

ng inyong mga alpa.

24Sa halip, nais kong makita

na pinapairal ninyo ang katarungan

at ang katuwiran na parang ilog

na patuloy na umaagos.

25“Mga mamamayan ng Israel,

noong nasa ilang

ang inyong mga ninuno

sa loob ng apatnapung taon,

naghandog ba sila sa akin?

Hindi!

26At ngayon

ay buhat-buhat ninyo si Sakut,

ang diyos-diyosang

itinuturing ninyong hari,

at si Kaiwan,

ang diyos-diyosan ninyong bituin.

Ginawa ninyo itong mga imahen para sambahin.

27Kaya ipapabihag ko kayo

at dadalhin sa kabila pa ng Damasco,”

sabi ng Panginoon na tinatawag

na Panginoong Makapangyarihan.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.