The chat will start when you send the first message.
1Nakakaawa kayong mga pinuno
ng Zion at Samaria
na nagpapasarap sa buhay
at walang pakialam.
Itinuturing ninyo
ang inyong mga sarili
na mararangal na tao
ng nangungunang bansa,
at sa inyo nagtitiwala
ang inyong mga mamamayang
nangangailangan.
2Tingnan ninyo kung ano
ang nangyari
sa lungsod ng Calne,
ang malaking lungsod ng Hamat,
at ang lungsod ng Gat sa Filistia.
Mas makapangyarihan ba kayo
kaysa sa mga kahariang iyon?
Mas malawak ba
ang inyong lupain kaysa sa kanila?
3Kahabag-habag kayong nag-aakala
na hindi darating sa inyo
ang araw ng pagpaparusa.
Dahil sa ginagawa ninyong kasamaan,
lalo ninyong pinapadali
ang araw na iyon
na maghahari ang karahasan.
4Kahabag-habag kayong
mga pahiga-higa lang
sa inyong mga mamahaling kama
at nagpapakabusog sa masasarap
na pagkaing
karne ng batang tupa
at ng pinatabang guya.
5Kahabag-habag kayong mga kumakatha
ng mga awit
habang tumutugtog ng alpa
at mahilig tumugtog
ng mga tugtugin katulad ni David.
6Kahabag-habag kayong
malalakas uminom ng alak
at gumagamit ng mamahaling pabango,
ngunit hindi nagdadalamhati
sa sasapiting pagbagsak ng inyong bansa.
7Kaya kayong mga pinuno
ang unang bibihagin
at matitigil na ang inyong
mga pagpipista at pagwawalang-bahala.
8Sumumpa ang Makapangyarihang Panginoon , ang Panginoong Diyos ng mga Hukbo. Sinabi niya,
“Kinamumuhian ko
ang pagmamataas
ng mga lahi ni Jacob,
at kinasusuklaman
ang matitibay na bahagi
ng kanilang lungsod.
Kaya ipapasakop ko sa kaaway
ang kanilang lungsod
at ang lahat ng naroroon.”
9Kung may sampung tao na matitira sa isang bahay, lahat sila ay mamamatay.
10Kukunin ang mga bangkay na ito ng kanyang kamag-anak at ilalabas sa bahay upang sunugin. Itatanong niya sa sinumang nagtatago sa kaloob-looban ng bahay, “May kasama ka pa riyan?” Kapag ang sagot ay wala, sasabihin ng kamag-anak, “Tumahimik ka! Huwag mong banggitin ang pangalan ng Panginoon .”[#6:10 : O May bangkay pa ba riyan?]
11Ang totoo, kapag ang Panginoon na ang nag-uutos,
mawawasak ang lahat ng bahay,
malaki man o maliit.
12Makakatakbo ba
ang kabayo sa batuhan?
Makakapag-araro ba
ang baka roon?
Siyempre hindi!
Subalit ginawa ninyong lason
ang katarungan,
at ang katuwiran
ay ginawa ninyong masama.
13Tuwang-tuwa kayo nang nasakop ninyo
ang mga bayan ng Lodebar at Karnaim,
at sinasabi ninyo,
“Natalo natin sila
sa pamamagitan ng sarili
nating kalakasan.”
14Ngunit ito ang sagot
ng Panginoong Diyos
ng mga Hukbo,
“Kayong mga mamamayan ng Israel
ay ipasasalakay ko sa isang bansa.
Pahihirapan nila kayo
at sasakupin ang inyong lugar
mula Lebo-hamat hanggang
sa lambak ng Araba.”