The chat will start when you send the first message.
1Ito ang ipinakita sa akin ng Makapangyarihang Panginoon : Nakita kong nagtipon siya ng napakaraming balang. Nangyari ito matapos maibigay sa hari ang kanyang parte mula sa unang ani sa bukid. At nang magsisimula na ang pangalawang ani,[#7:1 : O tumutubo na naman ang mga tanim.]
2nakita kong kinain ng mga balang ang lahat ng tanim at walang natira. Kaya sinabi ko, “Makapangyarihang Panginoon , nakikiusap po ako na patawarin nʼyo na ang mga lahi ni Jacob. Paano sila mabubuhay kung parurusahan nʼyo sila? Mahina po sila at walang kakayahan.”
3Kaya nagbago ang isip ng Panginoon .
At kanyang sinabi, “Hindi na mangyayari ang nakita mo.”
4May ipinakita pa ang Makapangyarihang Panginoon sa akin: Nakita kong naghahanda siya upang parusahan ang kanyang mga mamamayan sa pamamagitan ng apoy. Pinatuyo ng apoy ang pinanggagalingan ng tubig sa ilalim ng lupa, at sinunog ang lahat ng nandoon sa lupain ng Israel.
5Kaya sinabi ko, “Makapangyarihang Panginoon , nakikiusap po ako sa inyo na huwag nʼyong gawin iyan. Paano mabubuhay ang mga lahi ni Jacob kung gagawin nʼyo po iyan? Mahina po sila at walang kakayahan.”
6Kaya nagbago ang isip ng Makapangyarihang Panginoon .
At sinabi niya, “Hindi na mangyayari ang nakita mo.”
7Ito pa ang ipinakita sa akin ng Makapangyarihang Panginoon : Nakita ko ang Panginoon na nakatayo malapit sa pader at may hawak na panghulog na ginagamit para malaman kung tuwid ang pagkagawa ng pader.[#7:7 : isang bagay na mabigat na may tali na ginagamit para malaman kung tuwid o hindi.]
8Tinanong ako ng Panginoon , “Amos, ano ang nakikita mo?”
Sumagot ako, “Panghulog po.”
Sinabi niya sa akin, “Batay sa aking panukat, hindi matuwid ang buhay ng mga mamamayan kong Israelita. Kaya ngayon hindi ko na sila kaaawaan.
9Gigibain ko ang mga sambahan ng lahi ni Isaac sa matataas na lugar;
wawasakin ko ang mga santuwaryo ng mga Israelita.
At gamit ang aking tabak,
lalabanan ko ang sambahayan ni Haring Jeroboam.”
10Si Amazia na pari sa Betel ay nagpadala ng mensahe kay Haring Jeroboam ng Israel. Sinabi niya: “May binabalak na masama si Amos laban sa iyo rito mismo sa Israel. Hindi na matiis ng mga tao ang kanyang mga sinasabi.
11Sinasabi niya,
‘Mamamatay si Jeroboam sa labanan,
at tiyak na bibihagin ang mga taga-Israel
at dadalhin sa ibang bansa.’ ”
12Sinabi ni Amazia kay Amos, “Ikaw na propeta, umalis ka rito at bumalik sa Juda. Doon mo gawin ang iyong hanapbuhay bilang propeta.
13Huwag ka nang magpahayag ng mensahe ng Diyos dito sa Betel, sapagkat nandito ang templong sinasambahan ng hari, ang templo ng kanyang kaharian.”
14Sumagot si Amos kay Amazia, “Hindi ako propeta noon at hindi rin ako tagasunod ng isang propeta. Pastol ako ng tupa at nag-aalaga rin ng mga punongkahoy ng sikomoro.[#7:14 : Sa literal, anak.]
15Ngunit sinabi sa akin ng Panginoon na iwan ko ang aking trabaho bilang pastol ng kawan at ipahayag ko ang kanyang mensahe sa inyo na mga taga-Israel na kanyang mamamayan.
16-17Ngayon, ikaw na nagbabawal sa akin na sabihin ang mensahe ng Diyos sa mga taga-Israel na lahi ni Isaac, pakinggan mo ang sinasabi ng Panginoon laban sa iyo:
‘Ang iyong asawa
ay magiging babaeng bayaran sa lungsod
at ang iyong mga anak
ay mamamatay sa digmaan.
Ang iyong lupain ay susukatin
at paghahati-hatian ng iyong
mga kaaway,
at mamamatay ka sa ibang bansa.
At tiyak na bibihagin ang mga taga-Israel
at dadalhin sa ibang bansa.’ ”