Amos 9

Walang Makakatakas sa Parusa ng Diyos

1Sinabi ni Amos: Nakita ko ang Panginoon na nakatayo malapit sa altar at sinabi niya,

“Hampasin mo ang itaas na bahagi

ng mga haligi ng templo

upang mawasak ang bubong

at nang mabagsakan ang mga tao.

Ang matitirang buhay

ay mamamatay sa digmaan.

Wala ni isa mang makakatakas

o makakaligtas.

2Kahit magtago pa sila sa ilalim ng lupa,

o sa lugar ng mga patay,

kukunin ko pa rin sila.

Kahit na umakyat pa sila sa langit,

hihilahin ko pa rin sila pababa.

3Kahit na magtago pa sila

sa tuktok ng Bundok ng Carmel,

hahanapin ko sila roon

at huhulihin.

Magtago man sila

sa kailaliman ng dagat,

uutusan ko ang ahas

na tuklawin sila.

4Kahit na bihagin sila

ng kanilang mga kaaway,

ipapapatay ko pa rin sila.

Dahil desidido na akong lipulin sila

at huwag nang tulungan.”

5Kapag hinipo ng Panginoon

ng mga Hukbo ang lupa,

mayayanig ito at mag-iiyakan

ang lahat ng naninirahan dito.

Ang pagyanig nito ay parang pagtaas

at pagbaba ng tubig

sa Ilog ng Nilo sa Ehipto.

6Ang Diyos ang gumawa

ng kanyang sariling tirahan sa langit.

At siya ang gumawa ng kalawakan

sa itaas ng lupa.

Siya rin ang nag-iipon

ng tubig-dagat sa mga alapaap

at pinauulan ito sa lupa.

Ang pangalan niyaʼy Panginoon .

7Sinabi ng Panginoon ,

“Ang turing ko sa inyo

na mga taga-Israel

ay katulad lang sa mga taga-Etiopia.

Totoong inilabas ko kayo

sa Ehipto,

pero inilabas ko rin

ang mga Filisteo sa Caftor

at ang mga Arameo sa Kir.

8Ako, ang Makapangyarihang Panginoon

ay nagmamanman

sa inyong makasalanang kaharian.

At lilipulin ko kayo

hanggang sa mawala kayo

nang lubusan sa mundo.

Pero may ilang matitira sa inyo

na mga lahi ni Jacob,”

sabi ng Panginoon .

9Tingnan ninyo! Mag-uutos na ako;

sasalain ko kayong

mga mamamayan ng Israel

kasama ng lahat ng bansa,

tulad ng pagsala sa mga butil.

At kung paanong hindi nakakalusot

ang maliliit na bato sa salaan,

10hindi rin makakalusot sa akin

ang masasama sa inyo,

kundi mamamatay silang lahat sa digmaan,

silang mga nagsasabi

na wala raw masamang mangyayari sa kanila.

Muling Itatayo ang Israel

11“Darating ang araw

na muli kong itatayo

ang kaharian ni David

na tulad sa kubong nawasak.

Aayusin ko ito sa kanyang pagkakagiba

at itatayong muli kagaya

noong una,

12upang masakop ng mga Israelita

ang natitirang lupain ng Edom

at ang iba pang mga bansang

sinakop nila noon,

na itinuring kong akin.”

Sinabi ito ng Panginoon

at gagawin niya ang mga bagay na ito.

13“Darating ang araw,”

sabi ng Panginoon ,

na magiging masagana

ang kanilang ani,

hindi pa nga nila natatapos

ang pag-aani,

sinisimulan na naman

ang pag-aararo.

At hindi pa natatapos

ang pagpisa ng ubas,

panahon na naman

ng pagtatanim nito.

Kung titingnan ang napakaraming ubas

na namumunga sa mga bundok at burol,

para bang dumadaloy

ang matamis na bagong katas nito.

14Pababalikin ko ang mga mamamayan

kong Israelita

sa kanilang lupain mula

sa pagkakabihag.

“Muli nilang itatayo ang kanilang

mga nasirang bayan

at doon na sila maninirahan.

Magtatanim sila ng ubas

at iinom ng katas nito.

Magtatanim sila sa kanilang mga halamanan,

at kakainin nila ang mga bunga nito.

15Patitirahin ko silang muli

sa lupaing ibinigay ko sa kanila

at hindi na muling paaalisin.”

Ito nga ang sinabi ng Panginoon na inyong Diyos.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.